Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
CRESTINE CUERPO Aug 2017
Boom!  Pagsabog!
Na sa aking dibdib ay kumabog!
Ang isip at kaluluwa ko'y nabubulabog!
Ito nga ba'y himig ng kapayapaan o himig ng digmaan?

Isa akong musmos na batang---- naninirahan sa isang bayan,
Dito ako lumaki at nagkaroon ng pangalan,
Bayang Marawi ang lupang aking sinilangan,
Isang bayang tanyag sa kaunlaran,
Ngunit ngayo'y nagiging usap-usapan sa t.v, radyo at maging sa pahayagan.

Hindi ko malilimutan ang gabing nagdaan,
Gabi!--- ng ika-23 ng Mayo ang nagpinta sa aking pusong sugatan,
Isa ako sa mga nawalan ng magulang,
at saksi sa karahasan na walang katapusan,
Hudyat ng pagguho ng pag-asang aking pinanghahawakan.

at habang aking pinagmamasdan,
Isa-isang nabubulagta at dugu-an,
Ang aking mga kamag-anak at kaibigan,
at sila'y.....wala na----- wala ng malay at nakahandusay.

Wala akong magawa kundi ang tumakbo ng tumakbo,
kumarepas ako ng takbo.....ng isang napakabilis na takbo.... nanginginig sa takot...pagod na pagod...  humihingal....
Iyak ng iyak at nagsusumamo
at habang ako'y papalayo ng papalayo--------
Naisip ko:
      "Saan ako patutungo?"
       "Sa mga pangyayaring ito sino          
         ang namumuno?"
         Sila ba'y mga Muslim o
         Kristiyano?"
        Ngunit maging sino man sila----
        Sila'y hindi santo na may pusong
        bato,
        Dahil sila'y pumapatay ng kahit
        na sino,
        at ito'y hindi makatarungan at
        makatao.

       Ang sakit....Oo ang saklap...ang
       bayan na naghahatid ng
       kaunlaran,
       Ngayon ay nabubura at nag-iiwan
       ng isang malagim na ala-ala,
      Nagsisilbing aral sa tuwina at          
      nagpa-paalala,
      Na kinakailangan ng isang may      
      malinis na adhikain at tapat sa
       tungkulin ang namamahala.

    Ano nga ba ang hatid ng kaguluhang ito?
Kaginhawaan o Kahirapan?
Kabuhayan o Kamatayan?

Ang katotohanang ito'y--------
Isang malagim na karimlan!
Pagluha para sa aming mga kabataan,
Crestine Cuerpo
at pagmamaka-awa para sa darating naming kinabukasan,

Oo.....masakit ang mawalan,
Ngunit kailangan kong maging matapang,
Dahil ako'y isang Pilipinong handang lumaban,
Kaya't sigaw ko Pagbabago! Katarungan!

Sa mga kinauukulan:
   Nasaan? Nasaan? ang inyong pagmamalasakit sa kapwa at sa bayan?
Kung sa isip at puso niyo'y  para lamang sa pera at kapangyarihan?


Kapatid... Kapuso.... Kabarkada....  at Kapamilya.......
Gumising ka ang lahat ay may-----hangganan.
Krysel Anson Sep 2018
Dito sa Lungsod ng mga siksikang tren
sa umaga at sa gabi ng paglubog sa mga makinarya,
Ang sentro ng  pabrikang papel at usok, na buong bilis
sa inaliping katapatan at tapang
ay naninirahan palagi sa piling
ng mga madaming mga ipis at daga.

May nalilimutan na mahalaga tungkol
Sa tahimik na hele ng mga flourescent na ilaw, kaalwanan
ng mga matatayog na pangako ng condo't bagong mga kainan, magagarang mga pabuya.
Mga panibagong mga tagisan ng lakas
sa mga makabagong Coliseum ng Roma,
sa bawat amoy ng dugo at bagong silang.

May tipo ng sukal na wala sa mga gubat, at tunog ng mga
malalakas na putok ng baril na wala sa digmaan.
Tila sa kahit anong panahon, mag-alsa man mismo ang Kalikasan
at magpadala ng Tsunami,
magpalindol at magpaputok ng bulkan
sa panahon ng kakaibang asul at pula na buwan
sa pagkakabuwal ng bagong bilang
ng mga magsasakang sa mga mass-suicide
mula India, Korea, at Pilipinas dahil sa di-pantay
na mga batas kalakalan:

Ipadala man ng mga makata't hukbong
gerilya ang kanilang pinakamatikas at
pinakamatatapat na mga bilang sa mga pagsubok
ng panibagong mga pag-aaral at pagsasapraktika,
maaaring Puting Elepante din ang
hindi sasapat ang kabayaran para sa mga utang
na dapat matagal nang nabura at naigpawan.

Mula sa lakas at pwersa hindi lang ng mga diyos
ng mga sari-saring pampulitikang mga pormasyong nagdidirehe
sa mga kilos ng mga taong kapit na sa patalim,
Kung hindi mula din sa lakas ng mga nangahas mabuhay
at lumikha ng mga paraan para makapagpatuloy na
makapagaral ng sariling pagkamulat:

Ang kaaway na papel na salapi o papel na tigre
ay nilikha din ng tao para din lamang
maunawaan ang mga sariling kahinaan,
mamulat sa mga repleksyon ng mga nagbabagong
sarili sa gitna ng unos, upang matiyak ang yapak at
mabuo ang mga hanay at kahandaan ng mga
unang hawan, at huling mga walis.
Ang mga kalabisan ay para lamang mapatingkad
ang kahinaang dala ng kasaysayang nagluwal,
ang kawalan ng pagpapahalaga sa binubuhay na mga palitan.#
English Translation to follow.
Sadyang puno ng kabalintunaan ang mundo. Sa isang lugar na tinaguriang tirahan ng mga patay, sinong mag-aakalang doon rin nakatira ang mga buhay? Nagsimula ang aking malungkot na karanasan nang matanggal sa trabaho ang aking ama at pinaalis kami sa aming bahay. Kaya't naisipan ng aking mga magulang na manuluyan sa kanyang kumare na naninirahan sa North Cemetery. Hindi naging madali ang manirahan sa sementeryo. Sa gabi, walang ilaw. Umaasa lamang kami sa mga poste ng ilaw sa parke. Walang malinis na tubig at kailangan pa naming mag-igib sa malayo. Hindi ko magawa ang mga gusto ko. Bukod sa iniisip kong wala kaming matinong bahay. Nariyan pa ang di maintindihang takot at pangamba lalo na't sagana sa kwentong katatakutan ang mga palabas at naririnig ko sa mga tao dito. Naku, saan pa kaya maaaring magkaroon ng multi mundo sa hantungan ng mga patay. Ngi!! Pero sa awa ng Diyos, wala pa akong nakikita. Sa sobrang kahirapan, naranasan namin na hindi kumain ng isang araw o mag-ulam ng asin. Pero malakas pa rin ang pananampalataya ko sa Diyos, sa huli, muling nagkatrabaho ang aking ama at ngayon, nakalipat na kami ng bahay sa labas ng sementeryo. Ngunit hinding-hindi ko malilimutan ang aking karanasan na tumira sa sementeryo. Ito ay alaalang nagsisilbing sandata ko sa kahirapan upang magsikap at maging ganap na pari. Ating pakatandaan saan man tayo ilagak ng Diyos, magulo man o katakot-takot, hinding-hindi niya tayo pababayaan.
Bawat isa sa aking mga minamahal ay nagsilbing simbolo
Mga mata nilang palaging nakatingin
Sa kaluluwa kong nakaukit sa isang bituwin
Naninirahan sa malayong kalawakan, na hindi-hindi kayang abutin.
Paisa-isa silang lumalapit sa napakainit na mundong aking ginagalawan
Sumasayaw, nang-aakit.
Kumakanta, sumasabit
Sa mga libo-libong batong umiikot sa aking kalawakan.
May isang minahal ko dahil sa dula
May isa namang minahal ko dahil sa libro.
Isa namang minahal ko…dahil ipinakita niya ang totoo.
Gamaliel Jan 2019
°
sa pusod ng 'yong bundok
puso'y naninirahan
sa malambot **** umbok
hiwaga'y natagpuan
Sho Victoria Apr 2018
Di ako umiiyak sa away o sigawan.
Umiiyak ako sa labis na katahimikan.
Sa mga panahong kailangan ko ng kasama
Sa mga panahong pati sarili'y ayaw ko na.

Mga kumukuliglig na huni at bulong.
Mga inipit na hikbi at paghingi ng tulong.
Lahat ‘yan ay naninirahan sa isipan.
Lahat ‘yan ay mahirap takbuhan, mahirap takasan.

Bumibilis na tibok ng puso,
Malalamig na pawis na sa leeg ay namumuo
Mga hiningang hinahabol ang takbo,
Magang mga matang nagmamakaawang ang luha'y huminto.

At unti-unti
Hihimasin ang isip
Mula labas palalim sa loob
Unti-unti
Pipigain ang puso
Makirot sa una ngunit nakakamanhid rin pala kapag nasanay na.

Hahalungkatin ang nakaraan,
Nang dumilim ang kasalukuyan.
Babasagin ang kasalukuyan,
Nang mabaling ang tingin sa iba maliban sa harapan.

"Huwag kang mag-isip."
Ang abiso nila.
Ngunit diba nila naisip
Na tila ka na ring sinabihan na:

"Huwag kang huminga kung ayaw mo na."

"Huwag kang tumingin kung nahihirapan ka."

"Huwag kang makaramdam kung nasasaktan ka."

Huwag ka nalang mabuhay kung di mo na kaya."

Oo, ayaw ko na.
Lahat kinatatamaran pati paghinga.
Bawat gabing inilaan sa iyak.
Tila ang isip, pinipilit na mabiyak.

Oo, nahihirapan na.
Di maiwasang tumingin sa mga mata
Ng iba't ibang taong may iba't ibang kwento.
Ng iba't ibang ngiti sa kabila ng malungkot na  mga anino.

Oo, nasasaktan na.
Mula sakit, gusto ko nang kumawala
Mula sa kadenang mas malambot pa sa bakal
Ngunit kung hawakan ka tila ka sinasakal.

Oo, di ko na kaya.
Sana nga tumigil na.
Na bawat umaga nagdarasal akong gabi na
At sa bawat gabi, nananalangin akong matapos na.

Ang sinimulang buhay na inilaan sa iyak.
Inilaan sa pag-iisip na sa bawat takbo tila ka winawasak.
Bukas sa lahat ng bagay mabuti man o masama.
Bukas rin sa posibilidad na ipagpatuloy pa o tapusin na.

Ito.

Ganito.

Ganito kahirap, ganito kasakit.

Ganito kasimple ang isang atake.
Pabalik balik
Urong sulong
Tila hindi umuubra ang usal at salita
Kapag nag isip ay lalo lang nagiging kawawa
Nakakabalisa ang kawalan ng gawa
Dahil sa takot ay nagpapakumbaba
Kumbaga ang tamis at tawa ay isinugal at isinawalang bahala
Sapagkat ang hindi pagharap sa takot ay masama

Pinilit kong humakbang palapit
Sinabayan ko ng dasal
Ngunit minsan mas mabilis ang paghakbang palayo o pagtakbo kaysa patungo sa tarantang nararamdaman ko
Sila nga ba ay mga pader na dapat kong banggain o sila ba'y mga haligi na nagtatanggol sa akin?
Gusto ko silang paslangin kahit na parang bahagi rin sa akin na mamamatay rin
Katakot takot ang pagkakatulad netong aking damdamin sa hindi pagiging malaya, sa pagiging mahaba lamang ng tanikala

Kinakain na ko ng aking isip at katawan,
Kahit na tiyan ko'y walang laman kundi kape at init ng laman,
Paano nga ba magsisimula?
Unti untiin o isang biglaang awitin, pag aklas sa panginginig,
Pagtuklap sa mga matang gising na nagkukunwaring sa pagtulog ay mahimbing,
Dahil totoo ang panganib kaya't natatakot ka sa maaaring mangyayari o sa hindi mo ginawa,
Ngunit sa pagitan ng sarili mo at takot na naninirahan sa iyong isip sino nga ba ang mas totoo at mas mahalaga,
Ang daga sa iyong dibdib o ang kaluluwa **** maga?
Wag isaalang alang ang bait sa ating mga sarili dahil ang hindi paggalaw kahit na ang diwa mo'y pagal ay pagtaya sa isang maling sugal.

— The End —