Binilang ang mga araw
Na wala si Dessa
Ang bahagharing bumabalantok sa langit
Ay nakakasuyang larawan sa daigdig
Malamlam kahit sagana ang kakulayan
Umiibayo ang hinagpis
sa namumutlang pisngi
Nangungulila nang lagaslaw
sa dikit na hindi kumukupas
Kung maaaring mapanaginipan
Ay yayapusin
Hindi dahil sabik sa yakap
Ito 'y upang maipadama
ang pamimintuhong dumadarang
Sa gaslaw ng mga dahon
Himig ng mga ibon
May kailaliman ang gabi
Mangunguyapit sa liwanag ng buwan,
Gigiliwin ang dinadaing ng kalooban
Di makaalpas sa anino ng liwayway
Pinahiran ang kaluluwa
Ng pabangong di pumaparam
Ginustong gumanap bilang martir sa pag ibig