sa rami ng tulang nilikha
panaghoy ang tila namamayagpag
emosyong natatakpan ng mukha
ay patuloy na binabagabag
madalas ay natatapos sa lungkot
madalang na naguumpisa sa saya
bawat linyang kataga'y puot
tila walang dinudulot na ligaya
sa daang salita na kayang bigkasin
nasaan ang malalambing na parirala?
sa bawat boses na nais kalasin
kailan ang araw na maaabot ang tala?
May dalisay nga ba sa mga letra?
May pag-asa nga ba sa mga talata?
muli nga bang darating ang saya
sa paggising ng bagong hiraya?
Marahil ay unti-unti, hindi bigla-bigla
yayakapin nang mahigpit, dahan-dahan
upang ituloy ang naudlot na sigla
upang magmistulang sarili ang tahanan
Gaya ng dapit-hapon ay manlalamig
ngunit sa bukang-liwayway, gugunitain
sarili ang maging unang daigdig
pagkamuhi ay tuluyan nang palayain
kaya't sa bawat salitang isusulat
yakapin ang letrang namumukadkad
darating ang araw na muling pagkamulat
masisilayang muli ang ligaya sa paglipad