Ang Lipa ng aking kabataan, tila kumakatawan,
sumasalamin sa mahal nating Inang Bayan
Ilang tampalasan na ang dumaan
Kolera eltor, malaria, pesteng balang
Mga sundalong Hapon, mga sakang
Malulupit na kampon ni Kamatayan
Dumaan pa ang sakit na kalawang
sa dahon ng kapeng inaalagaan
At bukbok sa bungang manibalang,
nanlalaglag, di na pakikinabangan.
Ngunit ibang klase itong ngayo’y salot
Bala ay di nakikita, mala-bola daw ang balot
at tila may mumunting galamay na nakakakilabot
at masusundan ka, sa’n ka man sumuot.
Binago ng COVID ang ating kapalaran,
pananaw, pagkilos, pati kabuhayan
Nakita kung alin at sino ang dapat pahalagahan
at kung sino ang tunay na karamay at kaibigan.
Kung sa nilagang kape pa ang pagtutularan
kitang-kita kung alin ang latak at alin ang matapang.
Nawa’y may masalok na pag-asa sa Silangan,
Nawa’y may malagok tayong kaligtasan.
15th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats.