Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Bayani --
Sa tuwing nagtatapo ang aking kanang kamay at ang aking dibdib
Doon ko mas naisasaisip at naisasapuso ang pagiging isang Pilipino
Na hindi ako isang banyagang titirik sa malaparaisong lupain
At panandaliang mabibihagni sa mga likas na yaman
O mismong sa mga modernong Maria Clara
O mga aktibisang nagmistulang mga bayani
Sa kanilang walang pag-imbot
Sa pagsulong nang may paninindigan
Sa kani-kanilang ideolohiya.

Sa araw-araw kong pagbibilad sa araw
At pagharap sa bawat pagsubok na minsang nakapapatid at nakapagpapatalisod,
Ni minsa'y hindi ko pinangarap na gawaran ng salitang "bayani."

Dito sa aking Bayang, "Perlas ng Silanganan,"
Ako'y nahubog maging sanay at buo ang loob
Hindi ng mga kahapong idinaan na sa hukay
At nagsilbing bihag ng kasaysayan at rebolusyon,
Bagkus ng sariling karanasang
Nagbukas sa aking ulirat
Na may iba pa palang pintuan patungo sa kahapon.
At pupwede ko palang matuklasan
Na hindi lamang sa mga nag-alay ng buhay sa sariling bayan
Maihahambing ang katuturan ng mahiwagang salita.

Paano nga ba na sa bawat pagsilang ng araw at pagbukod ng mga ulap sa kanya
Ay maituturing ko ang sarili bilang isang bayani?
Nagigising ako na pinamumunuan hindi lamang ng isang pangulo
Kundi ng mga katauhan na siya ring nagbibigay kabuluhan sa pagrespeto ko sa aking sarili
At sa tuwing nag-aalay ako ng mga hakbang at padyak sa pampublikong mga lugar
Ay nahahaluan ang aking pagkatao ng mga abo ng mga nagtapos na sa serbisyo
At tila ba sa kaloob-looban ko ay may sumisigaw na hindi ko alam kung ano
At sumisira sa mga pintuang minsan ko nang sinubukang sipain
Ngunit hindi naman ako pinagbuksan.

Masasabi kong natuto akong hindi sumuko sa laban ng aking buhay
Pagkat ako rin pala'y may pinaglalaban
Hindi ko ninais na maging talunan sa bawat paglisan ng araw sa kabundukang minsan ko na ring inakyat at pinagmasdan
Akala ko hanggang doon na lamang ako
Na ang buhay ko'y hindi isang nobelang magiging mukha sa salapi
At pagkakaguluhan saan man sila magdako
Ngunit minsa'y limot na ang halaga.

Dito sa aking istorya'y hindi ko maipagmamalaking ako ay isang bayani --
Ngunit sa kabila ng paglaganap ng demokrasya
Ay nais ko pa ring makasalamuha ang kahigpitan ng hustiya
Nang sa gayo'y masilaya't malasap ko ring mahalaga pa rin sa lahat
Ang pagbuwis ng mga buhay --
Silang mga pinagbunyi o silang nilimot ng sarili nilang mga kababayan.

Gusto kong manatili bilang isang Pilipinong may dangal sa aking pagkatao
Na ako'y titingala hindi dahil ako'y nagmamataas
Bagkus sagisag at bunga ito ng paghilom sa akin ng may Likha
At isang grasya ang buhay na hindi ko nanaising itapon sa wala.

Hindi ako magbibigay-pugay sa watawat na walang kamuang-muang
Na ang aking laban ay tapos na.
Hindi ako magpapadaig sa lipunang maaaring bumagsak sa kahit anong pagkakataon
Kapag ito'y nakalimot sa Ngalang higit na tanyag sa kanya.
At kung ito ang magiging dahilan para ako'y maliko sa ibang ideolohiya'y
Lilisanin ko na lamang ang aking pagkatao --
Ngunit ako'y madiing magpapatuloy sa aking lakaring higit pa sa pagka-Pilipino
Kahit na ang mga tungkuling nasa harap ko'y hindi pa lubos na malinaw
Pero pangako --
Hindi ako titigil.

Oo, pupuwede akong magsimula sa wala
Pero ako ay may mararating
At marahil bukas o sa makalawa,
Kung tayo lamang ay magpapatuloy sa pakikibaka para sa ating mga paniniwala'y
Magiging higit pa tayo sa mga bayani.
At hindi mahalaga kung tayo'y limutin ng bukas
Gaya ng paghawi ng masidhing hangin sa mga ulap na emosyonal.

Ayos lang --
Pagkat sa likod ng mga kurtina nang walang humpay na palakpakan
Ay naroon ang tunay na mga bayani
Na hindi sigaw at mga pagbubunyi ang mithiin.
Hindi ginto’t mga pilak ang maibubulsa sa kamatayan
Bagkus ang makapaglingkod sa bayan na may bukal na puso't malinis na konsensya
At kalakip nito ang higit pa sa mga pamanang medalya ng kasaysayan.

Sa muling pagkikita, salubong ng ating mga ninuno
Ay mabubuksan ang ating pagkatao sa isang paraisong patay na ang kabayanihan.
Doon, sama-sama nating lilisanin ang ganid na administrasyon
At hihipuin ang galit ng lambing ng Liwanag na higit pa sa milyong mga lampara
At doon lamang natin lubos na maaakap ang pagiging isang "bayani."
kate Apr 2022
habang naglalakad ako sa lupain ng mga sirang pangarap, mayroon akong pangitain sa napakaraming bagay. ang mga paghihinagpis tila baga'y tumutulong upang madagdagan ang aking pasan sa mundo. aking napagtanto na ang kaligayahan ay isang kalinlangan lamang. sa aking pagkalumbay at pakiramdam ng disorientasyon, buong buhay ko'y nabuhay sa takot. ang mundo'y pinamumunuan ng mga batas ng poot na matatagpuan sa iba't ibang dako. kaya naman ay ang mga nakararanas ng dalisay na kaligayahan ay isang hindi pangkaraniwang pangyayari.

sa bawat araw ng aking paghihirap, umaasang makakaahon sa ilang butil ng kasaklaman ngunit sa kaibuturan ko, wala akong ibang makikita kungdi ang kasuklaman ng buhay. patuloy akong naglalakad sa mga anino upang maghanap ng liwanag ngunit aking napagtanto'y malinaw kong nakikita na wala nang ibang paraan upang makalabas pa sa suliraning ito.

sa aking buong pagkabuhay, dala-dala ko ang mga basag na pag-asa't mga tipak na salamin. ang tanging sinag ng araw ang natitirang kislap ng aking mga masidhing lunggati sa rurok ng tagumpay. kung iyong titignan ang marikit na lilim ng gintong apoy na nagngangalit sa kanluran, ito ay ang aking mga minimithi na nakalilim sa puwang ng kalangitang asul. nais kong lumipad nang malaya tulad ng isang ibon sa kalawakan. sa mga kislap ng mga tala'y nakatingin, hinihiling na sana ang panagimpan ko'y dinggin. lahat ng iya'y hindi makakamtan sapagkat ako'y isang hamak na bata lamang na nangangarap ng imposible. pinapanood malunod ang aking sariling mundo mula sa aking bintana'y natatanto, mga pangarap ko'y dahan-dahang inaanod.
sa araw-araw na aking paglalakbay sa mga repleksyon ng kadiliman, isa lang ang aking katanungan, isang ilusyon lamang ba ang kapayapaang aking matagal nang inaasam?
may mga pangarap talaga tayong mahirap makamit at ito'y hanggang ilusyon na lamang.
Claudee Feb 2017
Dalawang kahoy na upuan
At tatlong libong katanungan
'Yan ang ating distansya.

Mahihinang muni-muni
Sa lagas nang espasyo
Kasabay ng maingay kong pagkabasag.

Masidhing pagpindot ng telepono
Dahan-dahang pagtakbo ng luha
Ang bumuo lamang sa ating usapan.

Wala na kong masasabi
Wala kang balak sabihin
Wala nga talaga tayong sinasabi!

Sa patuloy na ingay ng kalsada
Umalis akong walang balak bumitaw
Nagpaiwan ka bagaman matagal nang lumisan.
09/22/16
09/30/16
Vincent Liberato Mar 2018
Ang mutya ng kaarawan
Sana'y muling masulyapan
Tinig mo'y may dalang katotohanan
Sana'y labis kong mapakinggan

Hiling na sana'y magkausapan
Ang araw na 'yun ay 'di makalimutan
Taimtim na umaasang magkakitaan,
Upang ika'y pasalamatan

Pagca't ako'y muling nabuhayan
Nagapi ang nanlulumong kamatayan
Sa loob ng masidhing kalooban
Ikaw ang nagdala ng matinding kagalakan

May isang sumpang wagas
Kahit na ang araw ay mag wakas
Sa puso ko'y ikaw ang binibigkas
Tuwing ako'y naghihintay sa labas.
kingjay Apr 2020
Sa ulan naligo nang nagagalak
Bawat patak sa pisngi ay parang biyayang inihahatid
At sa sandaling paghinto ay ang pagbabalik
Paggugunita sa mga araw ng paggiliw

Noong kami pa ay parang langit
Ulap sa paa ko' t bituin sa panaginip
Walang gabi na tahimik
Sapagkat parating may malamyos na awit

Ang pakiramdam ko sa panganorin
Walang hanggan-kataasaan ay di malirip
Ngunit unti-unting nawawari
Kalangitan ay isa lamang bahagi

Kung ituturing ay isangpanig-ibig
Pagkat ang pag-irog ay ganap na pagmamartir
Tinakasan na nakalupasay sa pananabik
Ang sinta ko sa iba kumapit

Naaalala pa nang nakadantay ang kanyang binti
Sa hita ko' t sabay ng masuyong paghalik
Yakap niya sa akin ay napakahigpit
Ngayon bakit kay dali lang sa kanya ako' y ipagpalit

Binigyan man ng malapad na bagwis
Ang bawat wasiwas naman ay dulot pighati' t
Nagpapahiwatig ng pamamaalam na nalalapit
Isang beses lang lumipad, sampung ulit ang hilahil

Tinuring na reyna sa kahariang panaginip
Kahit na inaalila niya' t inaalipin
Para sa akin isa siyang prinsesa na handang isagip
Sa mababangis na lobo' t mga tigreng sakim

Kung maparool man ay hindi itatanggi
Na minamahal siya' t itinatangi
Mapalayo man sa pamilya' t kaibigan siya pa rin ang pipiliin
Namumukod tangi siya, walang kahulilip

Huli na nang malaman ang ibig
Ako' y pala kasangkapan lang sa kanyang ninanais
At upang sa isang tao' y mapalapit
Ginawa niya akong tulay - pantawid

Ano mangyayari sa pakikipagsapalaran sa pag-ibig
Tiyak na maluluray, at dadaing
Dahil sa antak na di naiibsan at naaalis
Duro sa puso' t wasak na damdamin

Nararamdaman ang masidhing lunggati
Na sinilsilyaban sa tuwing ako' y nilalambing
Nasang na sana ay laging magkapiling
Dumadarang na nakatiwangwang di mailihim

Larawan niya' y kinikimkim
Tampalasang kataksilan nailimbag sa isip
Sa mapanlinlang na anyo ng bahaghari
Hubog nito' y lumbay hindi aliw

Hanap-hanap pa rin ang silay ng giliw
Masasadlak man sa landas muli ng pag-ibig
Kung may pagkakataon ay aking hihilingin
Saktan niya sana ako, isa pa at siya' y mamahalin
50 Dahil sa masidhing panibugho
Ng pumangalawang natalo

51 Kung anu-anong balak na mabagsik
Ang sa isip isiniksik

52 Buong loob isasakatuparan
Ang kalapastanganan

53 Isang gabing marilim
Baon ay patalim

54 Nagtungo sa prinsipeng nagpapahangin
Sa may bandang baybayin

55 Kanila itong nilapitan
Tinutok patalim sa lalamunan

56 Ibinangka at ibinalot sa lambat
Siniklot at inihulog sa dagat.

-06/25/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 149

— The End —