Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
L S O Oct 2017
Ang salita ng hari ay apoy
na nagpapainit sa pugon
ng kawalang-katarungan,
nagpapakulo sa bituka
ng balikong lipunan

kung saan ang kampeon
ng disiplina
ay nagiging kampon
ng pagmamalabis,
at ang pagtakbo ng hustisya
ay nauungusan na
ng pagtakbo ng mga nasisiil.

At sa gitna ng kaguluhan,
sa gitna ng katahimikan
ng karamihan,
mas lumalakas ang loob
ng masasamang-loob,
at lalong lumalago
ang masasamang damo.

Sindilim na ng gabi
ang tanghaling tapat,
sa panganib na ngayo'y
wala nang pinipiling oras

at ang buhay na iyong
pinagkaingat-ingatan,
baka bukas sa kalsada'y
isang mantsang pula na lamang.
Glenn Sentes May 2023
Bakit tinuring na pananampalataya ang pagpagal sa luhuran?
Hinaing na tumagos sa kaluluwa't banal hayo't di na natanggal--mantsang nakabaon 'gang hukay.

Dinalangin ang sarap at ginhawa sa kahoy na nakahubad sa kapwa kahoy
Tiningala nga't sinamba
Binalahura nama't minura.

Anu't ano pa'y pumaslang at nanggahasa
Nagnakaw at nagpakasasa
sa salapi at tawag ng laman
Nang mahulog sa bangin ay biglang tinawagan ang minura't binalahura.

Iligtas mo ako.
Lumuhod ka, sabi Niya.
Nakikipagusap ba ako sa patal at mangmang?
Heto nga't sugat na'ng mga kamay sa kapitan lumuhod pa ang sigaw ng Dinakilang Hangal?

Lumuhod ka!
Ilang ulit pang sinugo ng tinig na hindi tanto ang poot sa anak na ang sungay tumubo hanggang likod.

Lumuhod ka.

Lumuhod ka.

— The End —