Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
102516 #Manila

Ililiyad ko ang mga kamay
Pakanan at pakaliwa
At hindi ako mapapagod,
Hindi ako mangangalay.

Tangan ko ang sari't saring mga bagahe
Iba't iba ang sukat
Batay sa kapasidad ng bawat isa.
Pero sila rin ang pumili;
Kailanman, di ko sila diniktahan.
May ibang kaya nila, may ibang hindi
May ibang nang-iiwan,
Ikaw na raw ang bumitbit.

Lilipad ako, higit pa sa agila
Lilipad ako pero hindi ako kakampay.
May engkwentro sa ere,
May digmaan sa himpapawid.

At hindi ako paiihip
Kahit pa taliwas ang hangin.
Ako'y tutuloy lang --
Makalalapag din ako,
Kaya't hintayin mo sana.
Christien Ramos Jun 2020
patawad
patawad kung natakot ang mga balikat ko.
kung wala silang lakas ng loob upang pasanin ang bigat ng mga kwento mo.
alam nilang mangangalay sila
at baka hindi ako patulugin sa sakit,
sa pangamba,
sa pag-aalala.
nababahala ang kanan,
ang kaliwa
silang dalawa
kaya patawad;

patawad kung inalagaan ko ang lamya
hindi mo makakapitan ang mga buto
dahil sa rupok
dahil sa walang kasiguraduhan
dahil takot sila sa pusok
hindi kongkreto ang pundasyon
at inisip kong 'wag sila ialok sa'yo.
kaya patawad;

patawad kung walang tamis ang mga pangungusap.
tinanan ka ng matatabang na salita sa kawalan
at wala silang balak na bumalik.
iniwan kang nakalutang sa ere;
nag-iisip,
nanabik
sa ginhawang mailap.
kaya patawad;

takot lang ang mga balikat na ito
na maging makasarili.
ayaw lang nilang sumandig ka sa pader
na nagdadalawang-isip.

kaya kapag dumalaw muli ang gabi
na kailangan **** ihilig ang sarili mo,
handa na sila

sumandal ka't makikinig ang mga ito.

— The End —