Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
El Aug 2017
limampung pulgada ang pagitan ng ating upuan
limampung pulgada na tila parang isang kilometro ang distansyang kinakailangang tahakin
upang maipatong ang braso sa pahirabang nakaumbok sa gitna ng ating luklukan,
kung saan ang iyong braso'y nakapatong rin.

apatnapung pulgada nang sumara ang ilaw kasabay ng aking mga mata
kung saan sinakop tayo ng karimlang mas madilim pa sa kalagitnaan ng takipsilim
ngunit ako'y nakatayo, naglalakad na patungo sa'yo –
mga kamay na kinakapkap ang malalambot na pulang ulo
sakaling ako'y mahulog dahil ang ninanais kong sumalo sa akin
ay apatnapung pulgada pa ang layo.

(tatlumpu, dalawampu, sampu)
bawat tapak na nanatiling tahimik, maingat.
(siyam, walo, pito)
natatanaw kita sa halip ng dilim kung saan wala talagang makita, makilala.
(anim, lima, apat)
para bang lahat ng puso sa silid ay nagsabayan sa pagsigaw.
(tatlo, dalawa, isa)
nasa tabi na ki–

bumukas ang mga ilaw, kasabay ng aking mga mata;
pumalakpak ang lahat.

Limampung pulgada pa rin ang pagitan ng ating upuan.
100521

Humihikab na naman ang kalawakan,
Natutulog ang mga bituing
Patay-sindi kung magparamdam.
At ang bagong-gising na buwan ay sumisigaw
Na parang mga pinag-samasamang alikabok
At syang isinaboy sa garapon ng buhay.

Kusang nagtutuklapan ang mga nakahilerang pader
Na pinino na parang mga buhangin sa dalampasigan.
Habang paisa-isang nagbabato ng galit
Ang mitikolosong likido na tumataboy
Sa mga ekstranghero ng sanlibutan.

Nagsisimula na ring gumapang ang pananim
Na ang binhi'y hiningahan ng kariktan.
At sa malalambot na mga ulap
Ay magtatapat ito ng kanyang paghanga.

Hinahawi na parang mga bagong pitas na rosas sa hardin
Ang bawat bungang muling ihahasik sa pagsapit ng dilim.
At sa ikalawang pagbangon ng binhing pinagmulan ng lahat
Ay masasaksihan ng bawat nilalang
Ang sinasabi nitong liwanag na bubulag sa lahat.
Apatnapu't limang minuto makalipas ang alas-dose. Umaga na naman -- umaga na naman pipikit ang mga mata kong kasingbigat na ng ulap na napuno ng tubig mula sa lupa at dagat. Mapungay at napapaluha dulot ng pasakit na hatid ng walang sawang sulatin, babasahin, at kung anu-ano pang mga dapat tapusin.

Mga labi kong medyo nakabuka na marahil akala nila'y tapos na ang lahat ng gawain kaya namamahinga. At muli silang sasara, kasingbilis ng motorsiklong humaharurot sa labasan na parang nakikipagkarera, kapag naiisip na malayo pa ako sa pagtuldok sa katapusan.

Tumatabingi na ang mundo. Ay, mali, ulo ko lang pala na napapahiga na sa aking kanang balikat tila may sariling isip at ginugusto nang humiga sa kama -- akala niya rin siguro'y matatapos na sa pagsusulat at pagbabasa ngunit sadyang nagkakamali siya.

Tak. Tak. Tak.
Tak. Tak. Tak.

Tunog na ginagawa ng aking mga daliri na kay bagal nang bumaba para pindutin ang mga letra sa aking kompyuter. Suko na raw sila at nasasabik na silang muling mayakap ang malalambot na unan na nag-aantay sa kanila.

Tak. Tak. Tak.
Tak. Tak. Tak.

Tunog na lang ng pagbagsak ng aking mga daliri sa bawat letra ng aking laptop ang pumapasok sa aking utak. Ilang minuto na nakatitig sa iisang pahina...

Sa iisang talata...
Sa iisang pangungusap...
Sa iisang letra...

Blag!
Kasi nga antok na ako.

— The End —