Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
theivanger Jun 2019
Hindi alam kung pano sisimulan,
nahihirapan itugma ang bawat salita na lumilitaw sa isipan,
Ang bawat tunog sa bawat saknong ng bawat kaludtod ay nabibigatan,
Ilapat sa mensaheng
ibig iparating ng damdaming nagaalinlangan.

Oo, hindi ako sanay gumawa ng tula,
Itoy dili iba't hindi inaakala,
Ngunit aking susubukan, alang alang sa kaibigan,
Nanghihinayang sa alaala ng ating samahan, sa isang saglit ay iniwan.

Mga pagsubok biglang dumarating,
Sa kabagabagan ng buhay at panimdim, saklolo niyaong Dakilang may gawa ang tanging hiling, araw at gabi siyang dalangin.

Ako ma'y naguguluhan sa mararamdaman, isip at puso laging nasa kabagabagan, kalungkutan ang nasusumpungan sa bawat araw ng aking kinalalagyan, damdamin ay halintulad sa parisukat, makipot at madilim na kulungan.

Kaibagan koy huwag magtanim ng sama ng loob, Sa puso ko'y kalungkutan ang bumabalot, hirap ng pakikibaka sa araw-araw siyang sahod, ng buhay na sa pagsusumakit sa paglilikod, upang sa harap Niya'y magbigay ng lugod.

Ala ala ang siyang pumupukaw sa aking loob, huwarang kaibigan ang ipinagkaloob, nagbigay inspirasyon at lakas ng loob, upang maganap tungkuling kaloob, sa Maylalang aking utang na loob.

Patawad, unang sambit kung tayo man ay muling magkikita. Kalakip ay ngiti't saya sayo'y muling igagawad. Ipapalit sa galit at sama ng loob ay aking ilalahad, magpapakumbaba sayo ay aking hangad.
ikalawang tula nagawa para sa kaibagan. Hindi ako makatang tunay kayat iyong pagpasenyahan.
Pluma Apr 2015
Kling Klang....  Kling.. Klang..

Tunog ng kampana'y sumisigaw ng kagalakan,
Amihan hanging sumisimbolo ng isang Banal na kaarawan.

Saanman pumaroo't-pumarito'y puno ng kasiglahan;
Mga hapag-kaina'y dinadagsa ng iba't-ibang kasaganaan,
Mumunting kislap sa bawat bahay ay pawang madadaanan,
At mga magigiliw na parol sa bawat poste'y isa-isang nagtitingkaran.

Habang ang lahat ay masiglang nagkakantahan,
Isang lalaki ang naglalakad sa makipot na eskinitang daanan,
Maruming damit, gusgusing katawan,
Balbasing mukhang mistulang mga puno sa isang mayabong na kabukiran.

Pasuray-suray n'yang tinahak ang kadiliman,
Dala ang isang boteng alak na kanyang nag-iisang kasamahan.
Mga lasing na hakbang ay pilit binibitawan,
Mumunting yapak patungong bahay na kubli sa kasayahan.

Pagdating sa bukana, bote'y itinapon sa pintuan.
Nagsusumigaw at pilit humihiyaw na siya'y agad na pagbuksan.
Isang babaeng puno ng pasa't sugat ang kanyang naalinagan;
Mayuming mukhang naging busangot ng dahil sa kahirapan.

Ilang minuto pa'ng nakakaraan,
Isang nakakakilabot na sigaw ang pumagitna sa masasayahang kantahan,
Iyak na pilit tinatago, pinipigilan ngunit sa huli'y sumuko't mabilis na nagsilabasan.

Ang katanungan, ano nga ba ang dahilan ng kasuklam-suklam na sigaw na nasaksihan?

Mistulang iyak ng pagkahabag ng kalangitan
Ang unti-unting nagsipatakan.
Ulang nakisabay sa nakakakilabot na kalagayan -
Binubugbog ng lalaki ang asawa; ang kanyang pinangakuan ng pag-iibigan,
Isang taon pa lamang ang nakakaraan!

Dugo'y nag-unahan sa pagpatak,
Nagsimula sa kanyang kaibuturan binaybay hanggang sa kanyang talampakan.
Babae'y nanghina't nagsumamo
Na tigilan na ng kabiyak ang pambababoy dito at sa *anghel
sa tiyan nito.

Ngunit ang tainga niya'y nagmistulang sungay;
Walang bahid ng pag-aalinlangang pinagpatuloy ang maling labanan.
Tengang-kawali't pinag-igihan pa'ng pagsipa't pagsuntok sa tinuturing n'yang kalaban.

Dala ng matinding droga, ang haligi ng kabahayan ay naging sundalo't kaaway sa sarili niyang tahanan.
Mistulang militar na naging ispeya't traydor sa dapat sana niyang pinagsisilbihang kaharian.

Ilang araw pa'ng nakalipas, isang nakakabangungot na kaganapan,
Ang naging usap-usapan sa pamayanan.
Isang inang nilapastangan ang nakitang walang malay, duguan at butas ang sinapupunan.

Sa gitna ng pighati't panlulumo,
Ang kampana'y muling umiyak ng pakikiramay.
Tunog ng madamdaming dalamhati.
Musikang malumanay,
.......dahan-dahang naghahatid sa inosenteng sumakabilang buhay.


*
Kling Klang... Kling.. Klang..
Bells and their ironies.
kingjay Aug 2019
Ilang ulan pa sa langit
Ang magwiwisik sa tumana
At para tumubo ang mga ipinunla
na harana
Sa isip aawitin upang dudungawin ng sinta

Mahal na prinsesa
Nakakawili kahit ang aparisyon
Umaantala sa paglakad
Dahilan para lumingon
Kahit matisod, sapat na ang lugod

Anong saya ang mabuhay na malaya
Ngunit kung papipiliin
Kalayaan o ang prinsesa
Magmistulan man na alipin
Walang kaparis pa rin ang ligaya

Ang nakalugay na buhok
Tila malambot kung salatin
Ang ngiting nagpapaindayog sa ulap at bituin
Ang kalawakan ay makipot
Kung ikumpara sa ibinungang panghuhumaling

Sa malabnaw na mata
Ay mananalamin
Kawangki ng perlas ng Pilipinas
Sadyang matimyas ang pagkayumi
Kalikasan na lihim
Joyce Nov 2010
Dumaan ako sa Nagtahan
at doo'y nanahan
aking diwang gising
at minulat,
pilit binulag
ng isang dakot
na Asin.
Rumampa sa Laong Laan,
pilit inabangan
ang pagtila,
tila Luha
ang tanging pakinabang.
Tumawid sa Lacson,
nadapa --
bumangon.
Sumakay ng traysikel
sa Ocampo,
pumara sa Crisostomo;
nangapitbahay sa Maria Clara
nagpalamig sa Ibarra
hanggang Simoun,
Quintos, Dapitan.
Hindi ka matagpuan.
Tila silyang marupok
na walang pakinabang;
Tila laway na muntik
masayang
ang paglalakad ng pusong
minsan nasagasaan
noong binagtas ang kahabaan ng Dimasalang.

Umuwi sa Sampaloc,
kumuha ng gamit.
Palihim na naglakad
papuntang Blumentritt.
Pinagpawisan sa pagsakay
sa Recto.
Anong ginagawa ko rito
sa Quiapo?
Isang makipot na sangandaan
kailangang mairaos daanan.
Isang hakbang palayo
sa maputik na Ocampo;
minsan nang bumagyo dito.
Meron pa bang tayo?
Jun Lit Mar 2021
Alpas sa gabing lumukob
Dulo’t dulo’y itim pulos
Salamat anuman yung d’yos
Kalul’wa kong di pasakop

Sa pagkakataong malma
Di sumuko ni lumuha
Binugbog man ng tadhana
Ulong dug’ua’y tunghay-laya

Lampas ditong hagpis-luha
Tanging lilim lang ang banta
Datnan man dantaong sumpa
N’ia ‘nong takot, ako’y wala

Makipot man ang lagusan
Bale-wala’ng parusahan
Ang palad ko’y aking tangan
Ako’y ako ang Kapitan.
This is my attempt to translate my favorite poem Invictus into Tagalog.
reyftamayo Aug 2020
umiikot ka na naman
sa tabi ng parisukat
na tatlong taon mo ng ginagawa
araw-araw.
binabaybay ang makipot
na diwa sa malawak na kamalayan
hanggang tuluyan itong sumabog
at magkahiwa-hiwalay
upang muling mabuo.
maliit ang kurot
ng ibinatong kulangot,
sa halip na ito'y humarang
bumara lang at nakapuwing
sayang ay muntik pang matapakan
dulot ng taglay nitong kalakihan
sa kailaliman na abot pusod
pero balon ang katumbas.
kaya sige pa at ituloy
ang animo'y walang humpay
na paghahanap sa hindi mawala-wala.
nasa likod lang ng buwan.
kasing daling tingnan ng araw.
lalo na kung gabi't mapanglaw ka,
walang kasama.

— The End —