Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2020
Tuwing balikan ko ang nangakaraang
araw na nagugol noong kabataan.
Wari'y nagbabalik ang diwang malumbay,
na minsang dinanas niring abang buhay.

Ang bawat nagdaang aking mga araw,
doon sa luntiang ating paaralan
gunita ay pawang dusa't kapanglawan,
ang bumabalot niring balintataw.

Subalit ang dusang nakapanghihina,
pilit napapawi ng mumunting saya.
Ang isang bituing kahali-halina'y
naging hugot-lakas niring pusong aba.

Hindi ko mawari noon yaring dibdib,
tuwing binabaybay ang daang matinik.
Anong ubod sayang naglaro sa isip,
ang sinintang Musa ng aking pagibig.

Simula nang ikaw ay aking mamasdan
O! hangad kong tala sa sangkalangitan,
hindi ko malirip at di na maparam
tila nanggayumang lagi sa isipan.

At magbuhat noo'y aking hinahangad;
ang sangkalangita'y aking malilipad,
upang mahahaplos ang talang pangarap
at isang dahilan niring pagsisikap.

Subalit ang hangad wari'y panaginip
at tila'y malabo itong makakamit.
Pagkat ako'y lupa't ikaw'y nasa langit,
at kutad ang pakpak at walang pangsungkit.

Ang tanging nagawa, sa layo'y pagmasdan.
Puso'y inaaliw sa taglay **** kinang,
at kung anong siglang sa akin nanahan,
ang sanlibong dipa'y lakaring di pagal.

Iyon ang gunita't aking kabataan,
doon sa mahal kong ating paaralan.
Kung pagsaulan ko'y pawang kapusukan,
subalit tiyak kong sa puso ay bukal.

Sumapit ang yugtong di ko na namasdan
ang tanging bituing aking minamahal.
Pagkat ay nalayo ako sa tahanan,
upang susuungin ang bago kong daan.

Ang pakiwari ko'y sa taong nagbago,
paghanga'y aayon at ito'y maglaho.
Tulad ng magapok ang buhay na bato,
kung saan inukit ang puso't ngalan mo.

Taon ay nagdaa't panaho'y lumipas,
ngunit ang paghanga'y hindi kumukupas.
Hindi ko maarok na lalong nagningas,
nang muling magtagpo ang ating nilandas.

Kaya ninais kong maipapahayag,
ang mga damdaming sa puso'y nailimbag.
Limang ikot-araw ang mga nagwakas,
magpahanggang ngayo'y laging umaalab.

Ikaw ang bituing aking hinahangad,
isa sa nagtanglaw niring aking landas.
Ang Musa sa puso't tanging nililiyag,
ang umakay niring diwa na sumulat.

At ngayon ay aking naipapabatid,
dito sa talatang nagsalasalabid.
Mula sa paghanga't tungo sa pagibig,
ang hindi maihayag niring dilang umid.

Papalarin kaya itong abang lingkod,
at mula sa langit ikaw'y pumanaog?
Diringgin mo kaya yaring tinitibok
ng pusong noon pa'y sa'yo umiirog?

At kung yaring akda'y sa'yo walang lasap,
ipaguumanhin ang pusong sumulat.
Ninanais ko lang na maipahayag,
ang aking pagtangi sa'yo at paglingap.

At kung kasadlakan nito'y pagkabigo,
sa aking paglapit, ikaw ay lalayo.
Tanging hinihiling, sa iyong pagtakbo,
nawa'y di burahin ang mga yapak mo.

©Raffy Love Canoy |March 2020|
Jor Jun 2016
I.
Patawad at salamat sa tula;
Kasi ikaw lang ang natatakbuhan ko,
Kapag mabigat ang damdamin ko.
Kapag pakiramdam ko; iniwan na ako ng mundo.

II.
Patawad at salamat sa tula;
Kasi ikaw ang kumalinga sa akin,
Sa tuwing ako’y lumuluha,
At sa tuwing ako’y may naisip iparating.

III.
Patawad at salamat sa mga salita;
Kung ika’y nagiging panakip-butas.
Sa tuwing ako’y tahimik sa sulok,
Ngunit may gustong ibulaslas.

IV.
Patawad at salamat sa’yo;
Kung hindi dahil sa iyo,
Baka tuluyan ko nang di maipahayag--
Ang aking sarili gamit ang tula sa mundo.
kingjay Dec 2018
Ang panggagaway ay sinukat na plano
Nadinig ang umanas na demonyo
Marahil di itinadhana
Patawarin sana ang kaluluwa na binahiran ng tintang itim

Nanawagan sa iba't-ibang uri ng engkanto
Sila'y maging alipin
Lumagablab ang raya
Naupod parang sigaro ang katinuan
Walang sumansala sa hangad

Lumapit na  ang liyag
Tulala habang bumalisbis ang luha
Dinukot ang puso niya't nilunok
Mamamatay kung hindi maaangkin

Ang nag-udyok ay ang nilalaman ng diwa
para tumahi ng isang hiraya
Sapagkat di maipahayag nang harap harapan
kaya ang hinanakit ang naghari sa gitna ng pagsinta

Pinalipad gaya ng saranggola
Ang guryon ay mahigpit na tinalian
Sa kalaunan, napugto ang sinulid
Nakalaya sa pagkabigkis
Crissel Famorcan Mar 2017
Ang mensahe ko sa pamahalaan,
Pakiusap wag niyo kaming gulangan
Pagkat di naman kayo dayuhan,
Para magkaroon ng pusong gahaman

Huwag niyo sanang ibulsa ang pondo
Na pagmamay - ari naming mga pilipino
Pagkat pinaghirapan namin ito,
Dugo't pawis puhunan diyan,para may maibayad sa inyo

Ano ang silbi ng mga slogan
at mungkahi nihong patakaran
Noong nakaraang halalan?
Yun ba ay agad nakalimutan?

Di ba't marami kayong pangako
Na sabi niyo'y di mapapako?
Nasaan na ang mga ito?
Naglaho ba kasama ng bagyo?

Nasaan na ang inyong sinasabi
Na bukambibig niyo palagi
"Kung walang kurap,walang mahirap"
Nakalimutan niyo ba sa isang iglap?

Ito pa nga ang isa,
Tila mas maganda sa nauna
"Ang tuwid na daan"
Eh puro liko naman ang nasa pamahalaan!

Alam niyo di dapat pilipino
Ang itawag sa mga tulad niyo
Pagkat kayo'y may pusong dayo
Pawang mga gahaman at tuso

Para kayong espanyol na dayuhan,
Kinakamkam ang aming pinaghirapan
mababait lang kapag may kailangan
Lalong - lalo na sa araw ng halalan

Pwede rin kayong maging amerikano
Mayaman nga,panot naman ang ulo
Maaari ring maging hapon,
Na nagpasakit nang ating kahapon

Bakit ko ito sinasabi?
Para malaman niyo ang mali,
Baka sakaling kayo'y magbago,
Para pilipinas,mag-iba ang takbo

Wala sanang tamaan dito sa nilalaman,
Pagkat ito ay karapatan:
Ang maipahayag ang nilalaman,
Nitong damdamin ko at isipan..
kingjay Dec 2018
Sa sulating papel,
ilang letra ang nailimbag
para lantaran maipahayag na ang pagdarahop sa alpabeto ay ang masamang salagimsim na pasanin

Mapait ang sasapitin sa guhit ng palad
Makulimlim na hudyat ng kaharian
Sa malas na katalagahan
Ang pangawan na nag-alingayngay
Nagtitiis nang pagkahimay-himay

Mahabang kadena na nakakabit
Sa dantaon na nagnobena sa templo
Ang naisaulo lang sa gilid ay ang iba't-ibang kapintasan
na nagkadikit-dikit at nagtatanikala

Natumba sa kaskaho ang nanlambot na tuhod
Ito'y naging karanasan ng pilay
Ginamit ang tungkod ng katatagan
nang maayos na kumandirit sa daan

Karamdamang na di maibsan
Ang pagtitimpi ay sadyang kahinaan
Tila'y sakitin na sisiw nagtatampisaw sa baha na sa inahin nakahanap ng pagkalinga
yndnmncnll Sep 2020
Hindi ko mahanap  
ang tamang mga salita  
upang maipahayag sa iyo  
ang nais kong sabihin.  
Ngunit tila panahon na  
upang ilabas ko ang lahat ng hinanakit,  
ang mga pasakit na dinanas ko  
habang nasa piling mo.  
Noong mga panahong  
akin ka pa,  
noong mga araw na magkasama pa tayo,  
at noong mga sandaling  
may “tayo” pang umiiral.  

Hindi ko inasahang magbabago ka,  
na magsasawa ka,  
na iiwan mo ako,  
at ipagpapalit sa kanya.  
Pero ang hindi ko maunawaan,  
bakit mo nasabing ayaw mo na?  
Pagod ka lang ba talaga,  
o napagod ka na  
sa atin, sa sitwasyon,  
sa pagtatago,  
sa mga muntikan na tayong mabuking,  
o sa mga araw na may nakakita sa atin?  
Sino ba talaga ang nagbago—  
ako, ikaw,  
o baka tayo pareho?  

Bakit tila nawalan ka na ng gana?  
Ang mga salita mo’y naging malamig,  
ang mga yakap mo’y unti-unting naglaho,  
at ang dati **** liwanag  
sa mga mata’y nawala.  
Sa gitna ng lahat ng ito,  
ako’y patuloy na lumalaban,  
habang ikaw,  
unti-unting bumitaw.  

Paano mo nagawang balewalain  
ang lahat ng pinagsamahan natin?  
Paano mo natapos  
ang ugnayang binuo natin nang magkasama?  
Ngayon, nauunawaan ko na  
kung bakit mo ako iniwan:  
nakuha mo na ang gusto mo—  
sirain ako,  
iwan ako,  
pagkatapos mo akong pakinabangan.  

Noong araw na hinatid mo ako  
hanggang sa dulo ng kalsada,  
lumingon ako,  
nagbabakasakaling lilingon ka rin,  
tatakbo papunta sa akin,  
yayakapin ako,  
susuyuin ako  
na huwag kang iwan.  
Pero hindi na pala.  
Pinili **** lumayo,  
at sa wakas,  
pinili ko ring  
huwag nang bumalik pa.  

Nararamdaman ko na lang  
ang mga hawak mo—  
tila paalam na,  
ang mga yakap **** nanlalamig,  
ang mga titig **** umiiwas,  
hanggang sa tuluyan kang nawala.  
Ang mga pangako ****  
“mahal kita,”  
“ikaw lang,”  
at “hindi kita iiwan”—  
lahat pala’y kasinungalingan.  

Noong akin ka pa,  
pinanghawakan ko ang mga salitang iyon,  
pero ngayon,  
ang “ikaw at ako”  
ay naging bulong na lamang sa hangin,  
tinatangay ng nakaraan.  

Kung iisa tayo,  
bakit mo nagawang pagkaisahan  
ang damdamin ko?  
Saan ako nagkulang?  
Saan ako nagkamali?  
At bakit mo ako iniwang ganito?  

Oo, bigla kang nawala,  
at nagmukha akong tanga  
kakahanap sa iyo.  
Hanggang sa makita kita,  
nasa piling na pala ng iba.  
Sobrang saya mo sa kanya,  
ibang-iba sa tuwing ikaw ay kasama ko noon.  

Pinilit kong lumayo,  
kahit alam kong mahirap.  
Pinalaya kita,  
kahit hindi ko kaya.  
Ginawa ko ito para  
sa kapayapaan nating dalawa.  

Hindi na kita hahabulin.  
Tanggap ko na—  
matagal na tayong wala.  
Ibabaon ko sa limot  
ang lahat ng sakit,  
ang lahat ng alaala,  
at ang lahat ng naging tayo.  

Paalam,  
nagmamahal pa rin,  
Mahal.

— The End —