Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Sep 2018
sumulat ako ng elehiya

ginamit ko lahat ng palasak na salita
ninais ko ang naunsiyaming kapayapaan: yaong hindi bayolente't nababahiran ng dugo't karahasan
mayroon pa naman sigurong mas malinis na paraan, 'yun, 'y-'yun bang legal at dinaraan sa reporma
'yaong tulad ng kay rizal! tama! yaong may diplomasya

tumigil ako pansamantala upang bumuklat ng pahina
napakarami nang rebolusyong hindi tulad ng inihahatag nila, katulad ng, ah! katulad ng EDSA!

nauhaw ako at tumigil pansamantala habang sa lamig ng aking kwarto'y rinig malakas na buhos ng galit ng araw
mabuti't nang buksan ko ang mga kurtina, payapang nagwawalis sa bakuran ang kapitbahay
may nagpapaligo ng aso't magagarang sasakyan
ipinagpasalamat ko ang bubong sa king ulunan. ah, payapa.

hindi rinig sa balita ang pandarahas ng militar sa kanayunan
ngunit batid ng karamihan, at ang solusyon ika nila ay armadong pakikibaka
nanlamig ako at namutla,

binaybay ko ang mga taong nakalipas bago ko marinig ang pangangalampag sa aming pintuan
pilit kaming inaakusahan, walang dokumento o anumang ebidensya

at dumaan ang mga imahe ng militar sa kanayunan:
ang daan-daang pamamaslang habang walang kalaban-laban

sa huli, wala akong armas na nilundayan

sa aking mga huling sandali, para sa sarili ko lamang,
sumulat ako ng elehiya
Eugene Aug 2017
ni Reagan A. Latumbo

Hindi man ako biniyayaan ng karangyaan,
O nakakain ng masasarap na pagkain sa hapag-kainan,
O nakabili at nakasuot ng magagarang kasuotan,
Kuntento naman ako sa lahat noong panahon ng aking kabataan.

Mahirap man ang buhay na aking pinagdaanan,
Milya man ang nilalakad ko noon marating lang ang paaralan,
Ipinagpatuloy ko pa rin ang pag-abot ng aking pangarap kahit na nasaktan,
Tiniis ko ang lahat dahil Siya ay nariyan.

Kahit na pandinig ko ay unti-unti na ngayong nawawala sa akin,
Nariyan pa rin si Ama at ako ay hindi Niya pinababayaan.
Kaya kahit ako man ay may kapansanan,
Naibabahagi ko pa rin ang aking talento at kaalaman.

Sa mundong aking pinapasukan,
Sa trabahong aking iniingatan,
Kahit bingi man ay marami pa rin akong natutulungan.
Mga baguhang empleyado ay aking tinuturuan.

May kapansanan ka man o wala,
Ang pagtulong ay hindi dinadaan sa usap-usapan.
Ito ay kusang ginagawa at pinaninindigan,
Maraming tao ang lubos na masisiyahan kung tulong mo ay hindi ipinagkakait sa kanilang harapan.

Bingi ka man o bulag o kulang ka man ng kamay o paa,
May sakit ka man sa puso o namanang karamdaman o wala,
Kapag tulong ang hinihingi, 'wag kang mag-aatubiling ipagkait ito sa iba,
Dahil sa bandang huli, ang iyong kabutihan ay masusuklian Niya.
Krysel Anson Sep 2018
Dito sa Lungsod ng mga siksikang tren
sa umaga at sa gabi ng paglubog sa mga makinarya,
Ang sentro ng  pabrikang papel at usok, na buong bilis
sa inaliping katapatan at tapang
ay naninirahan palagi sa piling
ng mga madaming mga ipis at daga.

May nalilimutan na mahalaga tungkol
Sa tahimik na hele ng mga flourescent na ilaw, kaalwanan
ng mga matatayog na pangako ng condo't bagong mga kainan, magagarang mga pabuya.
Mga panibagong mga tagisan ng lakas
sa mga makabagong Coliseum ng Roma,
sa bawat amoy ng dugo at bagong silang.

May tipo ng sukal na wala sa mga gubat, at tunog ng mga
malalakas na putok ng baril na wala sa digmaan.
Tila sa kahit anong panahon, mag-alsa man mismo ang Kalikasan
at magpadala ng Tsunami,
magpalindol at magpaputok ng bulkan
sa panahon ng kakaibang asul at pula na buwan
sa pagkakabuwal ng bagong bilang
ng mga magsasakang sa mga mass-suicide
mula India, Korea, at Pilipinas dahil sa di-pantay
na mga batas kalakalan:

Ipadala man ng mga makata't hukbong
gerilya ang kanilang pinakamatikas at
pinakamatatapat na mga bilang sa mga pagsubok
ng panibagong mga pag-aaral at pagsasapraktika,
maaaring Puting Elepante din ang
hindi sasapat ang kabayaran para sa mga utang
na dapat matagal nang nabura at naigpawan.

Mula sa lakas at pwersa hindi lang ng mga diyos
ng mga sari-saring pampulitikang mga pormasyong nagdidirehe
sa mga kilos ng mga taong kapit na sa patalim,
Kung hindi mula din sa lakas ng mga nangahas mabuhay
at lumikha ng mga paraan para makapagpatuloy na
makapagaral ng sariling pagkamulat:

Ang kaaway na papel na salapi o papel na tigre
ay nilikha din ng tao para din lamang
maunawaan ang mga sariling kahinaan,
mamulat sa mga repleksyon ng mga nagbabagong
sarili sa gitna ng unos, upang matiyak ang yapak at
mabuo ang mga hanay at kahandaan ng mga
unang hawan, at huling mga walis.
Ang mga kalabisan ay para lamang mapatingkad
ang kahinaang dala ng kasaysayang nagluwal,
ang kawalan ng pagpapahalaga sa binubuhay na mga palitan.#
English Translation to follow.
Dhaye Margaux Sep 2015
Tinukso mo ako ng iyong maskara
Ang pinto **** bakal ay nagmukhang pilak
Mga bintana mo'y tila walang sara
Ang bawat sulok mo'y humahalimuyak

Akong naghahanap ng lugar sa mundo
Namalik-mata nga't naakit mo agad
Sa mga pangako'y nadala't natukso
Naghintay ng dulot, magagarang gawad

Sa aking pagyakap sa pintong makinang
Ngiti ko'y sumilay, nag-isip, nangarap
Akala ko'y lungkot dito'y mapupunan
Saya ang papalit sa dusa at hirap

Subalit nagulat sa aking pagmulat
Ang pinto **** pilak ay puro kalawang
Mga bintana mo'y  nabuway ng lahat
Ang bawat sulok mo'y amoy basurahan

Paano pa ako ngingiti, sasaya
Kung ang pangarap ko ay biglang naglaho?
Mabubuhay ka bang kuntento't payapa
Sa lugar na itong ngayo'y gumuguho?

Nais kong tumakas, lumayo, tumakbo
Sa bilangguan kong kakila-kilabot
Subalit kadena ko'y mayroong kandado
Kasama ba akong mababaon sa limot?

Hindi! Ang sigaw ng matapang kong puso
Kadena sa paa'y aking wawakasan
Mabubuhay ako na hindi bilanggo
Ipaglalaban ko, aking kalayaan!

---Marguerite
9/18/2015
7:33 am
Will translate soon
Angel Tomas Sep 2015
Naaalala ko pa ang araw na una kong masilayan ang ngiti sa iyong mukha.
Para bang biglang nagliwanag lahat ng tala sa langit.
Para bang isang eksena sa isang pelikulang patok sa takilya.
Para bang kaya ko atang sumulat ng ilang pahina ng paglalarawan at paghahalintulad nito sa mga bagay na aking hinahangaan.
Para bang bumilis ang pintig ng puso kong matagal nang nakaupo’t nananahimik.
Para bang maraming sumasabog na magagarang kulay sa paligid, sa aking katawan.
Para bang kilala ko ata ‘yung ganitong tagpong naglalaro sa aking isipan.
Para bang alam ko rin ata ang kahihinatnan ng lahat.
Para bang hindi ata sa akin ang matamis na pag kurba ng iyong labi.
Para bang lahat ng ito ay isang pagnanais sa isang pangarap na lipas na.
“Para saan?” Tanong ko. Hindi mawala-wala ang ngiti sa iyong labi.
Para bang nakita kong sinindihan ang aking mundo at panuorin ‘tong gumuho sa harapan ko.

“Para sakanya.” Hindi sa’yo, sa kanya.
Para sa'yo.
JOJO C PINCA Nov 2017
“Real generosity towards the future lies in giving all to the present.”
― Albert Camus

Kung gusto may paraan, kung ayaw laging may dahilan. Pero may mga taong sadyang mahina kaya’t nahihirapan makahabol. May mga naghahabol naman na hindi talaga umaabot. Kahit anong gawin walang nasasambot, parang bunga na laging bubot at mukhang hindi na mahihinog. Hindi mo kailangan na maging alipin ng sistema kung ito ay iyong isinusuka. Kumawala ka at maging palaboy kung kinakailangan. Ibinabaon ka ng mga sama ng loob at ng matinding awa sa sarili. Hindi dapat maging ganito ang buhay.

Dalawang taon nang pagtitiis, dalawang taon na puro hinagpis at dalawang taon na panay tanggap ng mga galit at paninisi. Tama na, ito na ang panahon para wakasan ang lahat. Sapat na ang mga pagpapakumbaba at pagsasawalang kibo. Hindi ka aso, tao ka tandaan mo yan. ‘Hwag mo’ng ipilit kung hindi naman talaga sukat dahil kahit anong pilit hindi ito babakat. Maging karapt-dapat ka sa paggalang na dapat ibigay mo sa’yong sarili. Tama lang yan magpahinga kana.

Ang mundo ay de-kahon hindi kapa isinisilang ganito na ito, wala ka nang magagawa para baguhin ito. Pero ‘pwede kang kumawala, maging rebelde at lagalag. Oo, maghimagsik ka laban sa mapang-dusta na sistemang umiiral. Patunayan sa kanila na kaya mo’ng mabuhay sa labas ng sapot na bumabalot. Hindi ka balut kundi tao kaya hindi ka dapat na matakot kahit naglipana pa ang mga salot. Hindi ka dapat na lumuhod at magmaka-awa sa mga taong umaastang panginoon.

May mga nag-di-diyos-diyosan na mga kupal na nasa lipunan na ang paboritong tapakan ay ang mga mahihina at hampas-lupa na tulad mo; mga putang-ina sila na walang alam gawin kundi ang mang-api ng mga taong kapos sa dunong at pinag-aralan. Ganito ang sistema ng lipunan, ganito kabaho ang mundo na pinatatakbo nang mga walanghiyang tao na kung umasta ay aakalain mo’ng mga kagalang-galang. Mga hindot sila na walang pakundangan sa damdamin ng iba maitanghal lamang nila ang huwad na kadakilaan ng kanilang nabubulok na mga sarili.

Tama lang ang ginawa mo, tama lang na kumalas ka sa naaagnas na sistema na nagkukubli sa loob ng mga magagarang opisina. Tama yan, itakwil mo ang mga panlalait na pinakikinis nang mga salitang Inglis na inilalagay sa mga dokumento. Panahon na para maging totoo ka sa iyong sariling damdamin at pagkatao. Binabati kita dahil sa wakas nagpasya ka ng may katapangan – sana noon mo pa ito ginawa. Ako na ang sasalo sa natitira mo’ng kalat, ako na ang haharap sa mga halimaw na iyong tinakasan.
Para kay Rey

— The End —