Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2020
Tuwing balikan ko ang nangakaraang
araw na nagugol noong kabataan.
Wari'y nagbabalik ang diwang malumbay,
na minsang dinanas niring abang buhay.

Ang bawat nagdaang aking mga araw,
doon sa luntiang ating paaralan
gunita ay pawang dusa't kapanglawan,
ang bumabalot niring balintataw.

Subalit ang dusang nakapanghihina,
pilit napapawi ng mumunting saya.
Ang isang bituing kahali-halina'y
naging hugot-lakas niring pusong aba.

Hindi ko mawari noon yaring dibdib,
tuwing binabaybay ang daang matinik.
Anong ubod sayang naglaro sa isip,
ang sinintang Musa ng aking pagibig.

Simula nang ikaw ay aking mamasdan
O! hangad kong tala sa sangkalangitan,
hindi ko malirip at di na maparam
tila nanggayumang lagi sa isipan.

At magbuhat noo'y aking hinahangad;
ang sangkalangita'y aking malilipad,
upang mahahaplos ang talang pangarap
at isang dahilan niring pagsisikap.

Subalit ang hangad wari'y panaginip
at tila'y malabo itong makakamit.
Pagkat ako'y lupa't ikaw'y nasa langit,
at kutad ang pakpak at walang pangsungkit.

Ang tanging nagawa, sa layo'y pagmasdan.
Puso'y inaaliw sa taglay **** kinang,
at kung anong siglang sa akin nanahan,
ang sanlibong dipa'y lakaring di pagal.

Iyon ang gunita't aking kabataan,
doon sa mahal kong ating paaralan.
Kung pagsaulan ko'y pawang kapusukan,
subalit tiyak kong sa puso ay bukal.

Sumapit ang yugtong di ko na namasdan
ang tanging bituing aking minamahal.
Pagkat ay nalayo ako sa tahanan,
upang susuungin ang bago kong daan.

Ang pakiwari ko'y sa taong nagbago,
paghanga'y aayon at ito'y maglaho.
Tulad ng magapok ang buhay na bato,
kung saan inukit ang puso't ngalan mo.

Taon ay nagdaa't panaho'y lumipas,
ngunit ang paghanga'y hindi kumukupas.
Hindi ko maarok na lalong nagningas,
nang muling magtagpo ang ating nilandas.

Kaya ninais kong maipapahayag,
ang mga damdaming sa puso'y nailimbag.
Limang ikot-araw ang mga nagwakas,
magpahanggang ngayo'y laging umaalab.

Ikaw ang bituing aking hinahangad,
isa sa nagtanglaw niring aking landas.
Ang Musa sa puso't tanging nililiyag,
ang umakay niring diwa na sumulat.

At ngayon ay aking naipapabatid,
dito sa talatang nagsalasalabid.
Mula sa paghanga't tungo sa pagibig,
ang hindi maihayag niring dilang umid.

Papalarin kaya itong abang lingkod,
at mula sa langit ikaw'y pumanaog?
Diringgin mo kaya yaring tinitibok
ng pusong noon pa'y sa'yo umiirog?

At kung yaring akda'y sa'yo walang lasap,
ipaguumanhin ang pusong sumulat.
Ninanais ko lang na maipahayag,
ang aking pagtangi sa'yo at paglingap.

At kung kasadlakan nito'y pagkabigo,
sa aking paglapit, ikaw ay lalayo.
Tanging hinihiling, sa iyong pagtakbo,
nawa'y di burahin ang mga yapak mo.

©Raffy Love Canoy |March 2020|
Zeggie Cruz Sep 2015
Aking Pangarap
Dito sa aking tabi.
Sinag Damahin

Luntiang Dahon
Sa hangin ay Liparin
Dala ay Dasal

Ang Pusong ito
Kay tagal na naghintay
Irog kong Mahal

Pusong Taimtim
Sa Bathala humiling
Iyong pagdating

Sa tabing dagat
Kung s'an huling nagkita
Ating Pagsinta

Dito ay Saksi
Ang Langit at ang Lupa
Pati ang Tala

Wagas at Tunay
Pagsintang ating Alay
Sadyang Dalisay

Nasaan ka na?
Ako'y lubos na sabik
Sa'yong Pagbalik

Huni ng Ibon
Tila sumasayaw din
Kanta'y Malambing

Ilang araw pa
Alam kong darating ka
Irog kong Mahal

Dito lang ako
Maghihintay sa iyo
Sa muling Sibol.
Sa gitna ng mga nagtataasang puno
Halika't ating langhapin
Ang amoy ng mga patak ng ulan
Sa mga luntiang dahon ng kagubatan

Parating na ang dapithapon
Di ba pwedeng manatili ka muna?
Kahit sandali lang
Tabihan ako kasama ng ingay ng katahimikan

Ang tamis ng mga sandaling itinanikala
Sa mga ala-alang upos
At ang mga sabik na yapos
Ng aking mga kamay sa iyong mukha

Ang mga paglubog na araw
na magkasamang tinignan
Kung ako ang iyong tatanungin
Gusto ko na lamang manatili
Sa mga panahong kasama kang tumatakbo sa ulan.
kingjay Jan 2019
Na minsan ang mga puso'y nagpalikawlikaw
Ginugunita ang dating panahon
Ang dapyo sa pisngi ng
makapanlulumay niyang tinig

Paano makukuha kung hindi ibibigay
At ibibigay kung hindi naman hinihingi
Kahit di man hingin basta tuwiran lang maipatalastas
ang nadarama na umilandang na lingid sa kanyang mga mata

Nakatungo ang ulo
Hanap-hanap ang tumilapong pag-irog
na nangabusog sa pagtingin-tingin
Mabilis kapag sa biro akayin
at sa pag-uusap na naglulubid ng buhangin

Napigta ng panghihinayang
Tila sa salmuwera'y babad
Nanatili sa pangangalaga ng kaalatan
naka-imbak para sa kanya
subalit wala ng kabuluhan

Taganas tulad ng kalikasan
Ang yumi'y pasukdol nang sumikat
Walang anuman ang bumahid
Sa kutis niyang malinaw
nababanaag ang luntiang ugat
solEmn oaSis Nov 2015
sa dami ng puting buhangin,,may ugong ang paligid
sapantaha koy taimtim na nagmamasid
sapagkat pikit-mata akong napatitig ng isang iglap
dahil sa aking hinagap tanging puwing ang nasagap

o luntiang hugis-bakit ang kaanyuan
meron akong mumunting katanungan
hiraya manawari,, maibsan itong alinlangan
kapara ng hardinero sa kanyang halamanan

hanggang kailan pa kaya ang pagkapa ko sa dilim?
at sa aking pagdilat,,di na ba matatakam sa pagtikim?
sa samyo ng mahiwagang halaman,, sa tubig ay tigib
sa nakaambang mga tinik,,pahiwatig ay kutob sa king dibdib

Tanong Ko Lang?,,,,,,,

KANINONG ANINO NGA BA
ANG TILA NANGANGAMBA,
SA SILWETA O SA TALABABA?
DI KASI HALATA,SINTOMAS NG AMIBA!
---the talent i've been hiding?Well...
well,,,it comes from-by being well
or specially if am a little bit unwell
Dan Mills i'm glad you appeared to my home,tonight,to your poem i will dwell!
JOJO C PINCA Nov 2017
kanina habang
hinihigop ko
ang kapeng mainit
at hinihithit
ang mapait
na sigarilyo
habang nakaupo
sa may beranda
ng aming opisina
napanood ko
kung paano
sumayaw
ang mga kawayan
sa saliw ng malamig
na hangan
humahapay ito at
humahalik sa beranda at
nangingiliti ang luntiang
mga dahon
dito humahapon
ang mga ibon
at dito rin gumagapang
ang dagang sugapa
sa basura at tira-tirang ulam
habang nag-aabang
ang itim na pusa
na saksakan ng tahimik
sa sayaw ng kawayan
sa awit ng hangin
sa huni ng mga ibon
sa labis na pagkadiri
sa dagang nuknukan ng dugyot
at sa tulong ng kape at sigarilyo
pinalilipas ko ang
nakakainis na pagkabagot.
elvin ado Feb 2020
BY; ELVIN ADO

SIMULA PAGKAMUS-MOS PAGKAKAALAM KO AY SA LANGIT LANG MAKIKITA,
PERO SA LUPA’Y PWEDE RIN PALANG MAKITA,
KAYA HALINAT BASAHIN ANG AKING TULA,
TUNGKOL SA ISANG ANGEL NA PINADALA NI BATHALA SA LUPA.

DAPIT HAPON, NAGLALAKAD MAG-ISA
SA LUGAR KUNG SAAN PURO KAHOY ANG MAKIKITA,
TAHIMIK , LUNTIANG PALIGID ,MGA IBONG NAGSASAYAWAN SA SANGA
NA NAKAKABIGHANI SA MGA BILOGAN KONG MATA,

MGA HUNI NG IBON NAGPAPAIGTING NG TAINGA,
PERPEKTONG LUGAR PARA ILABAS ANG MGA PROBLEMA.
TINGIN SA KANAN ,TINGIN SA KALIWA,
HANGGANG SA NAHAGIP ANG HINDI PAMILYAR NA MUKHA,

NAPAKA-AMONG MUKHA NA TILA BA ISANG DIWATA,
NAPAKO ANG MGA MATA MULA ULO HANGGANG PAA,
KARIKTAN NA SA BUONG BUHAY NGAYON LANG NAKITA,
MAGULONG ISIP AY NAPALITAN NANG KUNG ANONG SAYA,

PAA’Y DI MAPIGILAN LUMAKAD MAGISA,
PATUNGO SA ISANG PRINSESA NA NGAYO’Y NASA HARAP KO NA,
SARILI’Y DI MAPALAGAY KUNG BAKIT IBA ANG NADARAMA,
KABOG SA DIBDIB AY IBANG-IBA.

NGAYON AY KAYLAPIT NA NAMING DALAWA,
BIBIG AY BIGLANG NAGSALITA ,
AT LUMABAS ANG KATAGANG ANGHEL KABA?
SIYA’Y NAPATINGIN AT NAKITA KO ANG MAPUPUNGAY NIYANG MATA.

MALA ANGHEL NA TINIG NA LALONG  NAGPAANTIG NG KABA,
ANO BA TONG NADARAMA PAGIBIG NABA,
TILA BA SILI NA KAY BILIS MADAMA,
MGA LUNGKOT AY NAPALITAN NANG  SAYA.

SA UNANG PAGKAKATAON UMIBIG ANG MAKATA,
PERO ISANG SAGLIT DUMILAT ANG MATA,
NAPAGTANTONG LAHAT AY PANAGINIP LANG PALA,
AKALA’Y  LAHAT AY TOTOO NA SA ISANG IGLAP AY NATAPOS NA.
Jun Lit Oct 2021
Maliwanag ang tanawin sa obrang larawan,
naging aking durungawan -
naroo’t buhay pa –
lumilipad nang matayog ang mga saranggola
ng libong mga Pepe at Pilar, tuloy-tuloy na abakada
ng kinalimutang kasaysayan. Sa likod ng paanyaya
ng luntiang bukirin, kung saan ang manunugtog ay tila
may alay na lumang paulit-ulit na harana,
pilit sumiksik sa tinataklubang ala-ala
ang mapait na wakas ng isang sa himig ay kasama,
sa panahon ng ating ngayon, wari ko ba’y kani-kanina.  

Sa isang sulok ng pinutol na puno
nakasilip – ang malungkot na kuwento
Ang gitara ng isang bilanggong lider-obrero:
          Tunay na marahas
          ang kanyang naging wakas.
          Pinaghinalaang droga isinuksok.
          Sa narinig na kaluskos sa loob
          ng iyong dibdib na kahoy, dinurog
          ang lahat ng ala-alang kinukupkop
          Labing-isang taon ka nang kanugnog,
          kakosa sa pagtulog
          sa isang iglap, daig pa ang binugbog
          Pantugtog ay tinokhang ng mga tanod.
          Sa ‘yong bagting na sumaliw sa koro
          Kahit nilagot ng karahasan at maling akala
          Lubos pa ring nagpapasalamat ang madla.

Ako’y nagsusumamo sa kudyapi ng malayang ninuno
Ang mga tula, awit at mga huni ng mga ibong katutubo,
sabay sa tudyuhan ng mga kulilis at palaka sa ilog at puno.
Ang ating kalikasan ay pamayanang may kalinangan
nawa'y manatiling singsigla ng tapis na tinalak sa parang.
May pangako ang mga bagong usbong sa pinutol na lauan.
Ang noon at ngayon ay tila magkatipan –
Sa tipang bagong tunog – na sa baybayin ay tinuran,
para sa kinabukasan ng bayan.

Halina’t kahit putulin ang kwerdas ng kalakarang malupit
At nakakulong ang mga ibong marikit
Kailanma’y hindi mapipigilan kahit saglit
Patuloy tayo sa malayang pagtula’t pag-awit
Hanggang Kalayaan ay ating makamit.
Mga kaisipang pinadaloy ng Obra ni Egai Talusan Fernandez
at kwento ng gitara ni Oscar Belleza, bilanggong pulitikal

Originally posted as a comment entry to San Anselmo Publications Weekend Poetry Challenge 10/3/2021

Translation:
Eulogy for a Slain Guitar and Prayer to An Ancestor Zither
(Thoughts Inspired by a Painting by Egai Talusan Fernandez and the Story of the Guitar of Oscar Belleza, a political detainee/labor leader)

The painted canvas is an open window.
I see a bright landscape, a vision -
there, still alive
flying high, three kites of a thousand Pepes
and Pilars, reciting the native alphabet
of a forgotten history. Behind the inviting
green rice fields, where the musician seems
to offer an old repeating serenade,
a memory being concealed, squeezes through –
the bitter end of a musical comrade,
in a time that is now, just a while ago, it seems.

In the corner of a stump of a fallen tree
there peeps – one very sad story
The guitar of a labor leader, behind bars, unfree:
Violent indeed
was the end of that dear instrument.
Accused of concealing drugs in a sachet.
And with the faint rustle from the inside
of its wooden chest, they crushed
all the mem’ries it had sacredly kept.
Eleven years, it had been the bedmate,
a comrade in the struggle to have a decent sleep.
In an instant, its fate more dreadful than beaten.
The musician’s hugged box extrajudicially killed
by the guards. The tightened strings that blended
with the chorus, now broken by harsh social realities
and wrongful judgment. This is a belated eulogy –
the people, the masses, are eternally indebted in gratitude.

I now fervently pray to that zither in the portrait,
like our free ancestor. That the poems, songs, the chirps
of indigenous birds alongside the loud debating cicadas
and frogs in the rivers and in tree canopies may forever live.
Our Nature is a community tattooed with its own oneness
and may it stay alive like the woven tinalak wrap in the fields.
The buds shooting out of the buttresses of fallen lauan trees
whisper a promise. The ancient time and today are on a date –
a covenant of a new sound – carved in the baybayin script,
The future lies there, our people are not asleep.

Come and even if the cruel system cuts our singing strings
And imprisons the red-plumed bird that sings
They can never block even for a minute
As endlessly we’ll sing and chant our verses and beat
Until the Freedom we want is reached.
SEAN May 2020
Asul na kalangitan
Luntiang parang
Gabing madilim

Kalungkutan,
Kasiyahan

Lahat ng ito'y napapansin kong may pagmamahal,
Nang ika'y dumating.

Sa bawat pagdampi ng tubig sa aking labi
Sa bawat puyat
Pag-aalimpuyo ng damdamin,
Sa bawat kilig at galak,
Ikaw ang obrang iginuguhit nito

— The End —