Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Mula sa higanteng alpombrang balot
Bumuhos ang walong henerasyon halos
Ng karit, palay, tagtuyot, unos
Martilyo, pako, pagpapakaputa sa utos!
Aba, hindi pangako ng sistema ang presensya ni Hesus!

Sa madilim na purgatoryo ng impiyerno at kalangitan,
Sa mahiwagang pagitan ng lunsuran at lansangan
Nagka-prusisyon ang dibinong Toledong bayan
‘Pagkat naipasalangit na
Ang Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka/
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo/
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata
Na sumiil sa banal na pook ng Toledo.

Pitu-pituhan ang naging palitan
Sa pagbuhat sa bangkay ni Rodiano Abduhan.
“Dito ako sa ulo.” “Pasmado ka ba? Larga na!”
Padulas-dulas ang kapit, sumisilip na ang paa
At sa bawat yapak, bumuhos ang patak
Ng dugong pesante sa sagradong Toledong lupa.

Rodiano Abduhan, mas kilala bilang Tatay Godong
Manggagamot, tagalunas ng salot, kampon ng Diyos,
Ika ng iilang nagpatingin sa mahiwagang tatang,
Pero manyak, magnanakaw, aswang, mangkukulam
Kamo ng nagmula sa abang Toledong bayan.
‘Pagkat ang pugad niya’y sa kanayunan, sa kalaliman, sa kaibuturan,
Ng mailap na lansangang ng Diyos tinalikuran.

Kaya nang ang taumbaya’y nakabatid
Na lumubha ang sakit ng pamangking si Adring,
At na natagpuang bukbukin ang bangkay ni Celine,
Kaniya-kaniyang satsat, sitsit, at hirit
Ang kumapal sa amihan ng Toledong hangin.

“Mangkukulam! Heto yung bumati sa Adring kong pamangkin!”
Kaya ng taumbaya’y binatikos at siniraan sa lihim
Sa walwal o gimik, pagkalaklak ng gin.

“Berbalang! ‘Di ka umawat hanggang naubos ang dugo!”
Kaya’t nang-imprinta ang madla ng mga galos abot sa buto
Tatak Cebu! Tatak lungsod ng Toledo!

“Aswang! Luwal ng putang nakunan!”
Kung kaya’t naisama rin ang anak ni Abduhan
Sa kawawang listahan ng mapapaslang.

Biro mo! Ang manggagawa ng himala
Natamaan ng sumbi ng masaklap na realidad!
Ay, hindi makaliligtas ang dukha
Sa kamandag ng pader ng matayog na siyudad!

Pero nang maabot ang mapanglaw na kremahan,
Ang mailap na lubid ng buhay at kamatayan
Ni Rodiano Abduhan, aswang at mangkukulam,
Ng dugong maliliwat ay tuluyan siyang naubusan.
Maputla niyang balat, sa abong langit ay umagpang.
Inaakit ng lagay na hamak na sa wakas ay tumahan.
Pero nang maunawaan niya na sa kaniyang kamatayan
Mapupuksa ang kasarinlan at kalayaan,
‘Pagkat siya ang sisidlan ng dugong maglilinang,
Kampeon ng kanayunan, hari ng himagsikan,

Nasapian ni Lazaro.
Nabuhay.
Natauhan.

Magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya.
Artista, mayora, tindera, tsismosa.
Karpintero, ****, kutsero, kaminero.
Abugado, inhinyero, piloto, maestro.
Ninais ng lungsod ang pagsapit ng mundo
Sa mahinhing mundo ng mga diwata’t engkanto.
Oo lang nang oo, bawal mangontrabida,
Kaya kung gusto nila ng Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka
Ano pang magagawa kundi patabain ang mataba?

So natunaw ang pintura
Ng nagbabalat na ngang dingding
Nabawian ng Sol at Luna
Ang kalangitang sadya nang makulimlim
Ang basang semento ay nauhaw
At naging nagbabantang lamig.

Mula sa naagnas na kabaong sa hukay lumaya
Ang mga magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya
Ang mga Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.
Mula sa abo sa loob ng saro nagka-anyo
Ang mga karpintero, ****, kutsero, kaminero
Ang mga Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo.

Tsaka humayo’t bumulong kay Abduhan
Nang siya’y mailatag sa loob ng makinarya.
Tsaka niya nagunita ang anak at asawa
Nombrado na atang manananggal at tiyanak.
At ang bawat katiting na patak ng dugo
Na hinayaan niyang umagos, bumuhos, tumulo
Sa lupang Toledo, lupa ng berdugo’t demonyo.
Doon niya nabatid kung saan totoong nagmula
Ang mga Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka,
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo,
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.

At doon nabuhay ang Santelmo ng Toledo;
Nang umalpas mula sa crematorium si Rodiano Abduhan,
‘Di na mas hahaba ang buhok, at nakatatak ang pangalan
Sa kaniyang mga galos at sugat, habang
Noo’y banig ang balot, ngayo’y apoy na bagong silang.
At nang nadaanan niya ang mga balintataw
Ng mayayamang poong siya mismo ang nakapukaw,
Nabatid niya kung bakit kailangan ng Toledo ng isang halimaw.
ive never written in such an aboveboard style aint proud of this **** lol
Jun Lit Jan 2018
Nag-aanyaya
ang kinagisnang duyan,
sa puso'y kumakatok:
halika, kita'y ipagsasalok
kapeng barako, ika'y lumag’ok
kung kulang ang 'sang tasa'y
mayroon namang mangkok -
Sa Lumang Lipa, ang pakilasa’y
pakiramdam at hindi tam’is
kagaya ng pagsasamahan
o pait na dulot ng kasawian.

Inaapuhap sa aparador na pinagtaguan
ang malukong na tagayan
ng nagkaribok na kabataan;
mula sa sulok ng balintataw,
nilililok, aking natatanaw
ang mga imahen, hindi mga anghel,
nagbabalibol ang kaibigan
kong tagapagtanggol,
habang sa kabilang koponan
nanlilibak ang kalaban -
ako ang bolang pinagpasa-pasahan
binugbog ng mga kahon ng lipunan
kahit alin doon, walang pinagkasyahan

mga kahong nagtatakda ng katangian:
     ang tao ay dapat ganito,
     ang kilos ay dapat ganoon
     ang suot ay dapat ganyan
          ang maganda ay ganito ang kulay
          ang makisig ay ganoon ang taglay
          ang tindig ay hindi malambot na gulay:
“kahon, kahon, kahon,
magkasya sa kahon
kapag nagkataon
lagot ka sa ****”

wari’y multong takot lumingon
ang nagtulug-tulugang kahapon
sa ngayo’y gising na kampon -
pinalaya ng kupas na maong

Sisinsay na laang ako doon
at sa huntahan ay tutugon
kung saan nahapon
ang labuyong
hindi kailanman inilaban sa sabong

panalo ka pa rin at karamay,
kapeng gawa sa gal’pong
     barako sa isip
     matam’is sa puso
     at sa lalamunan ko
     ikaw ang kasuyo.
To be translated as "Brewed Coffee V (My Memories of Dear Old Lipa)"
Ernie J Trillo Sep 2018
Ang higanteng tulyasi,
tila bulkan, humihilab sa init,
sumusuka ng kumukulong putik at singaw,
bumubuga ng bulang panis.
Subalit ang mga serbidor at weyter
ng panginoong naluklok
ay mabangis na nagbubunyi. Nagugulat ako
kung paanong ipinaparada
bilang obra-maestrang sopas na manok
ang gabundok na naiipong ipot
ng kanilang hinirang
at ng kanyang mga ministrong kampon.

Dusa nating pinagbabayaran
ang pagsulong ng bulag na katapatan
at laganap na kamangmangan
sumusuong sa martsang hindi nauunawaan
habang sanlaksa’y kay daling naniwala,
panloloko’t manloloko ay sagana
isang maluho’t makulay na palabas ng paputok at kwitis -
sinasakal ang mga kaluluwa, nilalason ang mga isip
isang malaking karnabal
ng mga manlilinlang na payasong ngising-aso
mga nakakatawang bistadong manggagantso
at mga saksing bulaan -
na ang mga utos ng banal na panahon ay kinakalimutan -
at mga binaluktot ng kwento’t kasaysayan -
patung-patong na kasinungalingan
kumpul-kumpol na tungayaw at murahan
mahihiya ang mga alamat ng bayan
at pabula ng nakaraan.

Ang namumunong bunganga’y kumukulong lagaan
ng mabahong tae,
mangmang na nag-iisip sa bibig,
tinimplahan ng santambak
ng mabantot na kawalan
ng konting katalinuhan
at pakundangan,
- isang lugaw ng bigas na plastik, panis
adobong sa mga pilyong uod, ay matamis.
isang hapunang ang pampagana ay mga bala at pulpol na iskrip
ang pangunahing ulam ay mga katauhang walang pantaong karapatan

At ako, isang napilitang anino,
binihag ng isang tampalasang multo
inilibing sa pambayaning nitso
at sanlibong mapangsanib na espiritu
sa Kaharian ng mga Pangako
pawang napako, at mga pag-asang naglaho,
ay hindi maibandila, bagkus, nanliliit ako
sa walang puknat na pagpururot ng nguso
na kapag ang mundo’y tinatanong ako,
- Siya ba ang hinirang ninyo?

Hiyang-hiya ako . . .
L S O Oct 2017
Ang salita ng hari ay apoy
na nagpapainit sa pugon
ng kawalang-katarungan,
nagpapakulo sa bituka
ng balikong lipunan

kung saan ang kampeon
ng disiplina
ay nagiging kampon
ng pagmamalabis,
at ang pagtakbo ng hustisya
ay nauungusan na
ng pagtakbo ng mga nasisiil.

At sa gitna ng kaguluhan,
sa gitna ng katahimikan
ng karamihan,
mas lumalakas ang loob
ng masasamang-loob,
at lalong lumalago
ang masasamang damo.

Sindilim na ng gabi
ang tanghaling tapat,
sa panganib na ngayo'y
wala nang pinipiling oras

at ang buhay na iyong
pinagkaingat-ingatan,
baka bukas sa kalsada'y
isang mantsang pula na lamang.
Kalabit, Takbo

Kakahiwalay lang ng buwan sa kalangitan
Disoras ng gabi, di pa 'ko naghahapunan
Kinailangan magtrabaho, kakasara lang ng tindahan
"Mamang Pulis, magandang gabi, anong inyong kailangan?"

Akbay, "may itatanong lang", aking narinig
Hindi ko na malaman, bat biglang nanginig
"Utoy balita namin ikaw ay sangkot"
Niyakap ng kaba, hinaplos ng takot

Pagsigaw na walang kinalaman
Suntok, sipa, mura ako'y pinaliguan
"Tama na po, may exam pa kinabukasan"
Animo'y mga bingi, mga kampon ng kadiliman

Kasalanang di ko alam pilit pinaako
"Mag uuwi ako ng pansit" kay bunso ko pinangako
Ngunit bilang na pala ang oras ko
Dalawang segundo, ang narinig ko lang ay "Kalabit, takbo"
Dahil sa binitawang mga salita
Ako’y nakadama ng kakaibang pangamba

Animo’y demonyo sa akin ay sumapi
Nakahanap ako ng mapanganib na kakampi

Kaya binawi agad nang ako’y kilabutan
Subalit nanatili nang ako’y nasaktan

Kahit kinontra ay wala paring nagawa
Dahil sa pinaghalong negatibong nadama

Lumipas mga taon ay ‘di parin mapakali
Ginamit ang sumpa upang manakot at mangwaksi

Sa pag-aakalang may taglay na kapangyarihan
Iniugnay dito mga trahedya sa sanlibutan

Kaya pinagbintangang kampon ni Satanas
At ninais na aking buhay ay magwakas!

-11/13/2014
(Dumarao)
*My Cursed Poems Collection
My Poem No. 277
Jun Lit Jul 2021
Ang Lipa ng aking kabataan, tila kumakatawan,
sumasalamin sa mahal nating Inang Bayan

Ilang tampalasan na ang dumaan
Kolera eltor, malaria, pesteng balang
Mga sundalong Hapon, mga sakang
Malulupit na kampon ni Kamatayan
Dumaan pa ang sakit na kalawang
sa dahon ng kapeng inaalagaan
At bukbok sa bungang manibalang,
nanlalaglag, di na pakikinabangan.

Ngunit ibang klase itong ngayo’y salot
Bala ay di nakikita, mala-bola daw ang balot
at tila may mumunting galamay na nakakakilabot
at masusundan ka, sa’n ka man sumuot.

Binago ng COVID ang ating kapalaran,
pananaw, pagkilos, pati kabuhayan
Nakita kung alin at sino ang dapat pahalagahan
at kung sino ang tunay na karamay at kaibigan.

Kung sa nilagang kape pa ang pagtutularan
kitang-kita kung alin ang latak at alin ang matapang.
Nawa’y may masalok na pag-asa sa Silangan,
Nawa’y may malagok tayong kaligtasan.
15th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats.

— The End —