Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Ayin Azores Aug 2018
Ilang taon akong nabulag sa paniniwalang kailangan mo munang makaranas ng sakit bago mo makamit ang tunay na ligaya.
Na ang bawat luha ay may katumbas na galak, na ang bawat gabi ng pighati ay may pangako ng isang masayang umaga.

Ilang taon akong nakipagsapalaran sa pagibig na mapagpanggap. Kaliwa't kanang kabitan, walang katapusang kasinungalingan.
Pagibig na sa harap ng madla ay puno ng kilig at lambing. Ngunit sa ilalim ng mga yakap at mga halik ay ang mga pasa at sugat na dulot ng masasakit na salitang sing talim ng bagong hasang lanseta.

Ilang taon akong nasanay sa kalungkutan, walang kadaladala. Sugod ng sugod sa labang alam ko namang sa bandang dulo ay ako ang uuwing talunan. Pilit akong kumapit sa mga maling tao. O tamang tao sa maling pagkakataon. O sa akala ko'y tamang tao pero hindi naman ako gusto. Sakit no?

Ilang taon akong sumugal sa mga relasyong walang kasiguraduhan, sa pagibig na "pwede na", kahit alam ko sa sarili kong walang patutunguhan. Minsan nga kahit wala nang kakabit na emosyon basta lang may pantawid sa tawag ng laman pinapatos ko ng walang pagaalinlangan.

Ilang taon akong pansamantalang nakisilong sa iba’t ibang tahanan. Na sa una’y buong puso ang pagtanggap ngunit sa bandang dulo ay walang habas din akong pinagtabuyan palabas.

Ilang taon? Hindi ko na mabilang. Hindi ko na mabilang kung ilang taon akong nagtapang tapangan na suungin ang mga tila panibago na namang disgrasyang maaari kong kaharapin sa proseso ng paghahanap ng tunay na ligaya. Isang pagibig na may pangako ng walang hanggan.

Hanggang sa... napagod na ako. Sa wakas, napagod na ako. Napagod na akong kwestyunin ang kalawakan sa kung bakit palagi na lang akong pumapalya sa pagibig. Napagod na akong magtiwala. Natakot na akong magtiwala. Natakot na akong buksang muli ang puso ko sa susunod na estrangherong magsasabing “hindi kita sasaktan, peksman mamatay man”

At Unti unti kong napagtanto na sa ilan taon kong paghahanap ay ako, ako ang nawala.

At nahanap mo ako.

Ikaw ang naging sagot sa bawat tandang panong na ibinato ko sa kalawakan sa loob ng maraming taon. Tinuldukan mo ang lumbay at ipinamukha sa akin na hindi ko kailangang masaktan para makamtan ang tunay na ligaya. Na kailanma'y hindi ako dapat lumuha dahil sa hinagpis. Hindi ka nangakong hindi mo ako sasaktan, ngunit ipinadama mo sa akin ang  ang masarap **** pagaalaga. Pagaalagang hindi kailangan malaman ng iba para mapatunayan na bukal sa loob ang hangarin. Binigyan mo ako ng dahilan para muling magtiwala.

... Ng lakas na sayo ay kumapit at ipadama sayo ang init at gigil ng pagibig na ni minsan ay hindi ko naipadama sa sinoman. Binigyan mo ako ng pagasa... ng dahilan para muling maging matapang.


At ngayon, sa unang pagkakataon.
Buong tapang kong ipagsisigawan sa buong mundo na palangga ta ka. Na handa na ako sa pagsisimula ng isang bagong paglalakbay kasama mo mahal ko. At oo, oo ang naging sagot ko.
Christien Ramos May 2020
Isang katangian na ipinamukha sa akin ng kalungkutan ---
Madaya siya.

Madaya ang kalungkutan
Kaya ka niyang linlangin

Minsa’y kawangis niya ang tahimik na kalsada.
Bibigyan ka niya ng pagkakataon
upang mag-isip.
Hahayaan niyang makinig sa’yo ang buwan
Subalit hindi ka nito kakausapin; sa halip,
mas papangibabawin niya ang iyong pagkalito.
Pipigilan niya
ang pagkahol ng mga aso;
pahihintuin niya ang huni ng mga ibon.
Maging ang hangin ay pahihinain nito.
Ititikom ng mga nakatambay na pagtatanong
ang mga bibig nila.
Ngunit, ang akala **** tahimik;
Malungkot na pala.

Kaya ka niyang linlangin

Minsa’y kamukha niya ang payapang tahanan.
Na kahit ang bangaya’y mahihiya.
Walang mintis ang mga yakap,
ang mga tawanan
Buo sa numero
Hanggang sa dulo’t
magmula sa umpisa
Walang bahid ng pagkakawatak-watak
subalit, dama mo pa rin ang pag-iisa.
Dahil ang akala **** mapayapa;
Malungkot na pala.

Kaya ka niyang linlangin

Minsa’y kahawig niya ang mahinahon na ilog.
Na tanging lamig lamang ng tubig
ang kaya **** kilalanin
Bilang sa iyong mga daliri
ang mga batong natatangay nito.
Kaya niya itong gawing panatag
Subalit, hindi ang damdamin mo.
Matutuwa pa siya
Sa panghihinayang **** makasaksi
ng mabilis na pag-agos at pagbabadya.
Ang akala **** mahinahon;
Malungkot na pala.

Oo.
Mapagbalatkyo ang kalungkutan
Kaya niyang maghain
ng maraming pagkakakilanlan.
Bahagi ng kanyang iskema
ang pagkalito na siyang
sa’yo’y mananahan;

mahirap siyang maging kalaban.
Mahirap siyang maging kalaban.

Kaya't siya'y gayahin mo.
Linlangin mo rin siya
ng kakayahan **** magwangis
Ipakita mo na ikaw ang ingay
sa tahimik niyang kalsada;
Na ikaw ang bangayan
sa payapa niyang tahanan;
Na ikaw ang rumaragasang tubig
sa mahinahon niyang ilog.
Bigyan mo rin siya ng maraming mukha
na may iisang ulo ng katatagan
at paglaban.

Pero huwag sa sarili mo
Maging tapat ka rito
magiging armas mo ang pagbabalatkayo
laban sa lungkot; pero
huwag sa sarili mo.
Keep on fighting, fam!

— The End —