Isang pinto ang nasa aking harapan.
Pintong gawa sa kahoy. Limang tao ang lapad ng pinto, at dalawan' tao ang taas nito. Dahan-dahan 'kong hinawakan ang nakausling parte.
Hinila ko. Ang bigat.
Isang engrandeng *ballroom ang itinatago ng pintong aking pinasok. Ang una talagang mapapansin ay ang magarang wallpaper na yumayakap sa pader. Sa pinakaharap, may hagdanan na tila hari't reyna lang ang maaring gumamit. Sa bawat dulo ng hagdanan, may mga nakapatong na gintong mga dekorasyon- mga anghel at mga hayop na makikita lamang sa panaginip. Pero, mapapatingala ka talaga sa larawan ng Diyos at mga anghel na sumasakop sa buong kaitaasan ng ballroom.
Ang amoy naman, amoy ng mamahaling pagkain.
May mga lamesa at mga plato para sa mga nais kumain
Ang unang yapak ko sa loob ay sinalubong ng mga tingin mula sa mga tao sa loob. Lahat sila'y magkamukha...
magkakambal kaya?
Nilapitan ako ng waiter. May dala-dalang alak.
"Ser, gusto niyo po ba ng-"
"Bakit magkamukha kayong lahat dito?"
Lumabas lang ang mga salita sa aking bibig. Di na ako nakapaghintay.
"Ah... ser, kung gusto niyo po ang kasagutan sa tanong niyo, sigurado akong may makakapagpaliwanag sayo nang mas maayos."
At sabay siyang umalis.
Inikot ko ang ballroom. Kinausap ko ang mga tao. May mga sumasayaw, may mga kumakanta, at mayroon pang mini magic show. May mga nakabarong, iba nama'y naka tuxedo.
Naging masaya ang mga usapan, hanggang itinanong ko ang tanong ukol sa kanilang pagiging magkamukha. Pinapasa-pasa lang nila ang tanong sa mga ibang nasa ballroom. Ika nga, "hindi nila mapapaliwanag nang mabuti."
Ano naman ang napakakumplikadong paliwanag na ito?
Lahat ba, naitanong ko na?
Nanlaki ang aking mga mata. May nakita akong nag-iisa sa dulo ng kwarto. Mukhang matalino. Nilapitan ko.
"Sarap ng pagkain."
Binigyan niya 'ko ng tingin ng pagkagulat.
Makalipas ang ilang segundo, nagsalita na rin siya.
"Ganyan ka ba talaga nagsisimula ng isang conversation?"
"Di eh. Pero masarap naman talaga. Kinailangan ko lang ilabas ang matinding damdamin ko para sa handa."
Tawanan. Pero desperado na 'ko. Gusto ko nang malaman kung bakit.
"Bakit magkamukha kayong lahat dito?"
"Ah.... ikaw ay tulog ngayon. Nananaginip ka lang. Ang bawat tao rito'y indibidwal na parte ng iyong sarili. Ang iba't-iba **** personalidad, nag anyong-tao."
"Ha?"
Ginagago ako nito, ah.
"Subukan '**** kurutin ang 'yong sarili. Di siya masakit, di ba?"
Tiningnan ko ang braso ko. Kinurot ko, yung masakit talaga.
Wala akong naramdaman.
"Gets? Ako ang parteng nais tumulong sa iba, sa kapwa-tao."
".... Maniniwala muna ako sayo, ngayon. Pero, ibig sabihin ba'y ang lahat ng personalidad ko'y pantay-pantay?"
"Hindi. Ang mga taong nasa itaas ng hagdan, sila ang pinakamalalaking parte ng 'yong sarili. Kaya sila ang mga pinakamakapangyarihan dito sa ballroom."
"At pwede akong umakyat doon?"
Gusto kong umakyat.
"Handa ka bang tanggapin ang iyong sarili? Pa'no kung puro mamamatay-tao pala ang mga nasa itaas? O magnanakaw? O sinungaling?"
"Edi ok, tanggap ko naman na di ako perpekto."
Pero sa isipan ko, natakot ako. Nakakatakot makita ang mga masasamang parte ng sarili mo, na naging sarili niyang tao.
"Edi umakyat ka. Panaginip mo 'to. 'Di akin."
"Sige, salamat pare."
"Geh."
Inakala ko na ang huli niyang sasabihin ay may relasyon sa pag-iingat, o pagkukumbinsi na 'wag na 'kong umakyat. Pero dahil sa isang "geh" na sagot niya, nahalata 'kong wala na akong makukuhang impormasyon kung di ako aakyat.
Nasa harap na ako ng hagdanan. Kung nakatayo ka pala rito, parang nakatitig ang mga gintong dekorasyon sa 'yo.
Isa-isa kong inakyat ang mga hagdan, at sa taas, may nakita akong apat na tao.
Yung tatlo, nakikinig at tumatawa sa biro ng isa.
"Hi...?"
Wala naman akong ibang masabi, e.
Bigla silang tumahimik at napatingin sa 'kin.
Alam na siguro nila kung sino ako, dahil nilapitan nila ako at nakipag-kamay.
"Alam mo na ba ang lugar na ito? May nagsabi na ba sa 'yo?"
"Oo. Sabi sa 'kin ng isa na kayo raw ang mga pinakamalaking parte ng aking personalidad."
"AHHH! Mali siya! Nasa impiyerno ka na ngayon. Masama ka kasi eh."
Napatingin lang ako sa kanya.
"Joke lang, 'wag naman masyadong seryoso. Edi madali na lang pala! Sige, pakilala tayo!"
Ngumiti naman ang apat.
Nauna yung tatlo.
"Ako ang parte **** responsable. Alam mo ang mga responsibilidad mo, at maaga mo tinatapos."
Wow. Responsable pala ako.
Ang pangalawa.
"Ako naman ang parte **** madasalin. Malakas ang tiwala mo sa Diyos, kaya mahilig ka magdasal."
Grabe, banal pala ako?
Ang pangatlo.
"Ako naman ang parte **** mahilig sa sports. Mapa-boxing man o swimming, o basketball. Lagi kang handa."
Parang yung bodybuilder ko lang na klasmeyt ah. Napatawa ako.
At ang pang-apat, at ang lider:
"Ako ang parte ng sarili mo na nais makatulong sa ibang tao. Handa kang magpatawa kung kailangan, pero kaya mo naman ring magseryoso. 'Di ka nang-iiwan. Tunay kang kaibigan."
Pero yung tao kanina yung nais makatulong sa ibang tao.... baka ito yung sinungaling. Bahala na.
"Kayo ang pinakamalaki? Natutuwa naman ako."
Nagtawanan lahat.
"Pero may isa pa. Ang pinakamalaki talaga sa lahat."
"Saan?"
Saan nga ba talaga?
"Dito. Halika. Bago ka magising. Para makilala mo."
Pumunta yung pang-apat sa isang dulo ng kwarto. May pinindot siya. May maliit na butas na nagpakita sa pader. Madilim. Nahirapan akong pumasok. 'Di na sumunod ang apat.
Sa gitna ng kwarto, may isang tao. Isa. Nag-iisa, kasama ng mga libro at papel.
"Ikaw ang pinakamalaking parte?"
Tumingin lang siya sa 'kin.
"Ikaw ba talaga? Ano naman sinisimbolo mo?"
"Ako ang katahimikan. Ang katahimikan sa iyong loob. Matatag ang puso mo, at kahit marami kang kinakatakutan, hindi ito nagiging hadlang sa 'yo. Ako ang nagbibigay buhay at enerhiya sa lahat ng mga personalidad mo."
*At ako'y napatahimik. Katahimikan pala ang pinakamalaking parte.
It's 3:44 am woooooooo I started at 3. ps this is in tagalog/filipino. thank you