Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sarrah Vilar Sep 2016
Kumatok ka sa mundo ko at pinapasok kita
Nagpanggap ako na hindi ko alam na sa unang sulong mo pa lang,
Balang araw ay uurong ka rin—maglalakad palabas.
Pero mali ako—mali ako sa parteng dahan-dahan kang aalis—tumakbo ka.
Parang pananahimik ng paborito kong kanta
Pero ang paborito kong kanta ay maaari kong ulitin
Kung sa unang pagkakataon ay hindi ko siya nabigyang-pansin.

Hindi mo naintindihan na hindi lahat ng pagmamahal
Ay maaari lamang patunayan sa mga salitang "mahal kita."
Mahal kita hindi man sa paraang ginusto **** marinig
Pero mahal kita sa mga lumipas na gabing hinehele tayo ng mundo
Habang nakikinig sa mga puso nating nagdadabog hindi dahil sa galit
Kundi dahil sa tindi ng hampas ng ating mga damdamin.
Mahal kita hindi sa paraang tenga mo lang ang magsasaya.
Mahal kita kahit nung panahong gininaw ka sa lamig ng damdamin ko.
Mahal kita nung isang araw na dumaan ka sa harap ko—dumaan ka lang.
At tinakasan ang titig ng aking mga mata.
Mahal kita nung sandaling 'yon na parang hindi mo na ako ginustong makita.

Kumatok ka sa mundo ko at pinapasok kita
Hinawi natin ang kalawakan para pag-ibig naman natin ang mangibabaw.
Nahiya pa nga noon ang mga bituin dahil sa kinang ng ating mga damdamin—
Kinang na nagpabulag sa atin sa katotohanang
Sa dinami-dami naman ng bagay na ikagagaling ng ating pagtatapos
Ay talagang sa panggugulat pa.
Para tayong bitin na kwento—natapos na pero gusto mo pa.

Kaya hanggang ngayon, dinadalaw pa rin ako ng patay nating relasyon.
Hindi lang sa gabi pero sa umaga, sa tanghali, sa hapon—
Sa bawat oras na 'yung paglimot natin sa isa't isa ay parang larong taya-tayaan—
Hindi mahuli taya kundi mahuli tanga.
Pero, oo, tanga na kung tangang ninanais ko pa ring higitin
'Yung damdamin mo pabalik sa 'kin.
Tanga na kung tangang na'ndito pa rin ako kung sa'n mo 'ko binitawan.
Tanga na kung tangang nagkulang ako.
Wala nga sigurong pagkakamali ang maitatama pa.
Ang tanging magagawa ko na lang ay 'wag na 'yun ulitin pa.

Kaya,
Kumatok ka naman ULIT sa mundo ko para papasukin ULIT kita.
'Wag ka naman muna humakbang palayo.
Gumawa ULIT tayo ng panibagong alaala.
Magkasama naman nating pakalmahin 'yung bagyong idinulot natin sa isa't isa.
Samahan mo naman ULIT akong humiga sa karagatan
Habang ipinaparinig mo ULIT sa 'kin 'yung kwento kung paano ka natutong lumangoy
Sa sakit, sa hirap, sa lahat ng ibinabato ng mundo sa 'yo.
Ikwento mo naman ULIT sa 'kin. Lahat. Makikinig na ako.
Kumatok ka naman ULIT sa mundo ko para papasukin ULIT kita.
Kumatok ka naman ULIT sa mundo ko para papasukin ULIT kita.
(a spoken word piece)
George Andres Jul 2016
Nakita ko si Duterte
Nakita ko ang presidente
Nang bawian niya ng buhay ang isang residente
Siya ba ang nagbigay ng buhay na kahit walang laman
Pinipilit isalba ang hamak na katawan?
Pinipilit iukol lahat ng kagustuhan
Ang mamang iyon ay nais lamang ang kanyang tahanan
Nang bombahin ng trak ang barikada
Kinalabit ng pangulo
Makamandag na sandata’t lumabas ang punglo
Nasaksihan ng musmos ang pagsabog ng bungo

Nakita ko ang presidente
Sa pila PNR
Kung paanong tinusok niya ang bag na aking dala
At kung paanong ngumiti siya nang ako’y makaraan
At nang minsang ang tren, ako’y iwan
Sinamahan akong simpatyahan
Nang isang huli nalang ako na ay liban

Nakita ko ang presidente
Nang minsan akong pumunta sa palengke
Isang sanggol ang kanyang hinehele
Habang binibilang sukli ko sa bente
Nagkataong kulang pa ng siete
Itinulak niya ang isang bata
Binastos ang isang matanda
At isang babaeng di tinulungan sa dalahin
Binuska ang linya ng kanyang ipin

Nakita ko ang presidente
Nang bigyan niya ng tinapay ang isang pulubi
Nang hindi niya itinapon ang basura sa tabi-tabi
At sa kapwa matuwid siyang nagsilbi

Nakita ko ang presidente
Sa mata ng isang bata
Nagsisismulang isipin ang tama o mali
Kung sinong dapat idolohin
O kung dapat bang maging padalos-dalos at matulin

Tunay na siya ang salamin ng sambayanan
Ang piniling maging repleksyon ng paniniwala nati’t kakayahan
71216
Uanne Mar 2019
madilim ang kapaligiran
dama ang katahimikan
napatingin sa kalangitan
abot tanaw ang kalawakan

kay gandang pagmasdan
mga tala at buwan
tila nakahiga sa duyan
hinehele ng marahan

mata'y napapikit
diwa'y kumalma ng saglit
nanumbalik mga alaalang di mawaglit
ninanamnam bawat kapit

biglang napagtanto
marami nang nagbago
maraming dinanas na pagkabigo
kaya bang buksan muli ang puso?

mumulat at muling sisilay
sa mga bituing nakalaylay
Hihiling na sana'y pawiin ang lumbay
at mundo'y muling bigyan ng kulay.

sana'y hindi magsasawa
sa paghiling at pagtingala
hanggang sa dumating ang himala
at matanggap ang pagpapala.
Christien Ramos May 2020
Minsan, ang ulan na
ang naging pampatulog mo.
Hinehele ka ng mga pagpatak sa bubong;
ng makulimlim na langit;
ng lamig ng panahon.
Siya ang nagmistulang uyayi
na nangungulila sa pagkakataong
mapakinggan.

— The End —