Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
“Set wide the window. Let me drink the day.”
― Edith Wharton, Artemis to Actaeon and Other Verses

Matapang, sino ang tunay na matapang?
Yung siga ba sa kanto?
O yung pulis na marami nang na-tokhang?
Hindi kaya ang senador ng oposisyon
Na laging bumabanat sa administrasyon?
O baka naman yung mamang komentarista
Sa radyo at telebisyon?

Saludo ako sa mga sundalo’t pulis na
Nakipaglaban doon sa Marawi. Walang
Sindak ang mga bombero na sumusugod
Sa nagngangalit na dila ng apoy.
Hindi matatawaran ang kagitingin ng
Mga nagpapakasakit para sa kalayaan
At kapakanan ng inang bansa.

Pero may ibang anyo ang katapangan
Na mas malalim at kahanga-hanga.
Ang katatagan ng puso at isipan sa gitna
Ng dusa at malagim na paghihirap.
Ang hindi pagsuko ng kaluluwang hindi
Kayang ibilanggo ng takot at banta ng paghihirap.

Si William Ernest Henley ang bayani ng
Katapangan na tinutukoy ko s’ya ay di nalupig
Kailanman. Hindi s’ya sumuko sa siphayo ng kapalaran
Hanggang sa huling sandali.

Pagnilayan natin ang kanyang Invictus:

“Mula sa gabing bumabalot sa akin,”

May mga kawawang nilalang na walang umaga
Ang kanilang buhay puro gabing madilim
ang laging umiiral. Walang liwanag, walang bukang-liwayway.
Mula pagkabata hanggang pagtanda puro hinagpis at pait
Ang kanilang laging sinasapit.

“Kasingdilim ng hukay na malalim,”

Maraming bangin sa buhay ng mga kapos palad
Na nakabaon sa dusa at hilahil. Hindi nila ito ginusto
Hindi kailanman pinangarap kaya’t hindi nila ito
Kailanman matatanggap.

“Sa mga diyos, ako’y nagpapasalamat”

Ang mga kawawang mahihirap at mga mangmang
Sa kaalaman na laging salat sa mabuting paliwanag
Ay laging nagpapasalamat sa diyos. Salamat sa diyos……
Hahaha….. walang diyos mga hangal. Kung may diyos
Wala sanang kahirapan at kaapihan na umiiral.

“Sa kaluluwa kong hindi natitinag.”

Katawang lupa lang ang sumusuko
Ang kaluluwa at pusong matatag
Kailanman ay hindi ito magagapi.

“Nahuli man ng pangil ng kapalaran,”

Ang pangil ng malupit na kapalaran
Ay laging nakabaon sa leeg ng mga hampas-lupa
At mga walang makain sa araw-araw.
Pero hindi nito kayang sakmalin ang mayayaman at
Ang mga burgis. Bahag ang kanyang buntot
Sa harap ng mga panginoon.

“Kailanma’y di nangiwi o sumigaw.”

Kahit sumigaw ka at ngumawa nang husto
Walang tutulong sa’yo, walang makikinig
Dahil bingi ang mundo at bulag ang mata
Ng panginoong mapagpala.

“Sa mga pagkakataong ako’y binugbog,”

Paos ang tinig ng mga inang mapapait kung humikbi
Mga pinanawan ng pag-asa at ulirat dahil sa pag-iyak
Walang saysay ang sumigaw – nakaka-uhaw ang
Pag-iyak magmumukha ka lang uwak.

“Ulo ko’y duguan, ngunit ‘di yumukod.”

Bakit ka naman yuyukod sa putang-inang kapalaran
Na walang alam gawin kundi ang mang-dusta at mang-api.
‘Wag mo’ng sambahin ang isang bathalang walang-silbi,
Lumaban ka at ‘hwag magpadaig.

“Sa gitna ng poot at hinagpis”

Galit at lungkot ito ang kapiling lagi
Ng mga sawimpalad. Malayo sa masarap
Na kalagayan ng mga pinagpalang sagana
Sa karangyaan at kapangyarihan.

“At sa nangingilabot na lagim,”

Nagmistulang horror house ang buhay ng marami
Walang araw na hindi sakbibi ng lagim, walang oras
Na hindi gumagapang ang takot. Takot sa gutom, sakit,
At pagdarahop.

“Mga banta ng panahong darating,”

Bakit ang mga walang pera ang paboritong
Dalawin ng katakot-takot na kamalasan sa buhay?
Ganyan ba ang itinadhana ng diyos na mapagmahal
At maunawain? Nakakatawa diba?
Pero ito ang katotohanan ng buhay.

“Walang takot ang makikita sa ‘kin.”

Tama si Henley bakit mo kakatakutan ang lagim
Na hindi mo naman matatakasan? Mas mabuti
Kung harapin mo ito ng buong tapang at kalma.

“Kipot ng buhay, hindi na mahalaga,”

Para sa isang lugmok sa pagdurusa wala nang halaga
Ang anomang pag-uusig at kahatulan na nag-aantay.
Impeyerno? Putang ina sino’ng tinakot n’yo mga ulol.

“O ang dami ng naitalang parusa.”

Parusa, ang buong buhay ko ay isang parusa.
Ano pa ang aking kakatakutan na parusa?
Hindi naging maligaya ang buhay ko ano pa
Ang mas malalang parusa na gusto mo’ng ibigay?

“Panginoon ako ng aking tadhana,”

Oo ako lang ang diyos na gaganap sa aking
Malungkot na buhay. Walang bathala akong
Tatawagin at kikilalanin ‘pagkat wala silang pakialam sa’kin.

“Ang kapitan ng aking kaluluwa.”

Walang iba na magpapasya sa aking tadhana
Ako lang hanggang sa wakas ng aking hininga
Ang dapat na umiral.

Si Henley ang tunay na matapang dahil kahit
Pinutol na ang kanyang mga paa, sa gitna ng sakit
At matinding dusa hindi s’ya sumuko. Ang kanyang
Kaluluwa ay nanatiling nakatayo.
kingjay Jan 2019
Umulan ng mga talulot sa simbahan
May palakpakan, palirit
Sapagkat pumunta sa kasiyahan
Daig pa ang fiesta at bagong taon sa lakas ng bulyawan

Katabi ng lalaki ang mahal
Puro halakhak at wala nang pag ngiti
Sa mga ka-nayon na bumabati
Inuman maghapon sa magarbong pagdiriwang
Paanyaya na natanggap na siyang pinaunlakan

Bago matapos ang selebrasyon ay
lumapit sa asawa ng maharlika
Ang pagbati ay ibinulong
sabay nakaw-halik sa pisngi niya
Tumalikod at di lumingon
Bigla na lang pumatak ang mga luha

Sa itinanim na pagsinta, ang naani'y pagdurusa
Sapat na ang hilahil upang magpatiwakal
Sapagkat di matanggap-tanggap ang pag-iisang dibdib
Tibok ng puso'y lumikat

Lumakad nang papalayo
Kahit mga paa'y mabigat iangat
Nanginig nang lumisan
Dumanas ng kulimlim ng pag-ibig
Nag-iisa sa Cariñosa sa putikan
Jose Remillan Oct 2013
Hinila ka ng hilahil
patungo sa di mawaring
liwanag, banaag na bumubulag,

unti-unting pumupunit sa iyong
balintataw at pananaw sa
kahulugan ng pagpapatianod

sa agos ng panahon. Pag-ahon
ito kung ituring ng sinumang
wala sa iyong perspektibo. Ngunit

ang iyong pag-iral ay hindi iniadya
ng panahon. Likas itong likha ng
buhay, kinatha ng kahulugan,

kataga, at pag-asa.
University of the Philippines-Diliman
Quezon City, Philippines
October 18, 2013
kingjay Mar 2019
Sa panaginip anaki'y nagliwaliw
nakahanap ng pansamantalang aliw
Lumikmo sa tumba-tumba
Pikit ang mga mata, nag-iisip na kung ano ang mangyayari kapag ang lahat ay umayon

Sa madilim na sulok ay inaalala
mukha na walang bahid ng hapis
ang hagap malaya't may kumpiyansa
Wala sa huli ang susuyuin pagkatapos niya

Kapag lumagpas na sa kabataang edad
ang mga buhok ay mangamuti
ang labi'y lumitak
buti pa ang pagka-ulyanin ang unang gumanap
sapagkat sa hilahil ay hirap

Di-pangkaraniwan ang diwa
Labas sa katotohanan huminggil ang wika ng isip
Tulad ng hari sa luklukan
pumapatnugot sa mga kabanata

Ito'y kalutasan ng pagpapanibugho
Tumataghoy sa loob, luha'y bumabalong
Sa init ng dugo sa ugat ng puso, ang buhay nadudugtong
Ang imahinasyon na tila sapala - walang limitasyon
Rey Tidalgo Jul 2016
Kung puwede lamang / na siya'y limutin
Di na sana noon pa'y / wala ng paggiliw
Kung puwede nga lang / itago't ilihim
Ang kanyang balaning / umakit sa akin
Di sana tuyo na'ng / nunuyong damdamin
At ang pagluhog ko'y / noon pa natigil
Kung puwede lamang / na di maging dahil
Ng kasawian ko / na siya'y ibigin
Di sana tapos na / ang kundiman namin
At lipas nang lahat / ang aking hilahil
Kung puwede lamang / na siya'y limutin
Ang sugat ng puso'y / ampat na marahil




* Ang panandang / ay tanda ng sesura (caesura sa Ingles)
solEmn oaSis Jan 2022
sa paglikha ng tuwina kong katha
madama mo din sana ang kakatwa
ngunit nakasanayan ko nang pagtatwa
hinggil sa himpilan ng tagong lubha

naririnig kahit di man pakinggan
nahihilig saglit kundi man tanggihan
inaaliw pilit ang sarili sa kundiman
bumibitiw singkit kong ngiti panandalian

dahil sa dingding lang ang pagitan
hilahil ng singsing dagliang pasakitan
walang pasakalye kang papanigan
humarang pa sa kalye silang marasigan

sapagkat ang magtengang-kawali
sa pangkat ay sadyang balewala rin
kapit sa patalim talagang tatanggapin
kahit pa maitim pawang palipad-hangin

wala kasing malaking nakapupuwing
ika nga nitong napipintong
pagsalubong
niyong yaong paimbulog na daluyong
tila halinghing, pakiwaring
may naduduling

dagundong ng kulog kung maihahambing
ang gulat na sumilay sa mga mata mo
sa halip ang kalakip yaring halukipkip
namulaga't humimlay di nais matamo

yun bang sa kabila ng pagka tulog-mantika
nakuha pang magbuhat ng silya-elektrika
tagos sa buto ang hiwa ng pahiwatig
halos tanto ang tugatog na matigatig

may tainga ang lupa, may pakpak ang balita
ganyan ko maikukumpara Ang Mala - Palara
na sistema ng isang walang muwang na puwang
pag sa sandaling mag-pasaring ang ingay ng kulay

mala-abokado ang sapak' na mau-uLinigan
mansanas sa pagkapula sa kabalintunaan!
mga paksa na may pasak natutunghayan,
tuwing ang kapas ay sawing masasaksihan

" Ang dapat ay isang Wika sa Magandang ibubunga "
pambihira naman ang mga dalahira ,
wari bagang mapupunong inuugatan !
Martes pakatapos ng Lunes ! Linggo lang ba ang pahinga ?
I was suppose to say that
precious or not
misuse or important
I always neglect the fact
of those direct track
coming from the back
of my splitting spit of my pen
symbolically every now and then
kingjay Apr 2020
Sa ulan naligo nang nagagalak
Bawat patak sa pisngi ay parang biyayang inihahatid
At sa sandaling paghinto ay ang pagbabalik
Paggugunita sa mga araw ng paggiliw

Noong kami pa ay parang langit
Ulap sa paa ko' t bituin sa panaginip
Walang gabi na tahimik
Sapagkat parating may malamyos na awit

Ang pakiramdam ko sa panganorin
Walang hanggan-kataasaan ay di malirip
Ngunit unti-unting nawawari
Kalangitan ay isa lamang bahagi

Kung ituturing ay isangpanig-ibig
Pagkat ang pag-irog ay ganap na pagmamartir
Tinakasan na nakalupasay sa pananabik
Ang sinta ko sa iba kumapit

Naaalala pa nang nakadantay ang kanyang binti
Sa hita ko' t sabay ng masuyong paghalik
Yakap niya sa akin ay napakahigpit
Ngayon bakit kay dali lang sa kanya ako' y ipagpalit

Binigyan man ng malapad na bagwis
Ang bawat wasiwas naman ay dulot pighati' t
Nagpapahiwatig ng pamamaalam na nalalapit
Isang beses lang lumipad, sampung ulit ang hilahil

Tinuring na reyna sa kahariang panaginip
Kahit na inaalila niya' t inaalipin
Para sa akin isa siyang prinsesa na handang isagip
Sa mababangis na lobo' t mga tigreng sakim

Kung maparool man ay hindi itatanggi
Na minamahal siya' t itinatangi
Mapalayo man sa pamilya' t kaibigan siya pa rin ang pipiliin
Namumukod tangi siya, walang kahulilip

Huli na nang malaman ang ibig
Ako' y pala kasangkapan lang sa kanyang ninanais
At upang sa isang tao' y mapalapit
Ginawa niya akong tulay - pantawid

Ano mangyayari sa pakikipagsapalaran sa pag-ibig
Tiyak na maluluray, at dadaing
Dahil sa antak na di naiibsan at naaalis
Duro sa puso' t wasak na damdamin

Nararamdaman ang masidhing lunggati
Na sinilsilyaban sa tuwing ako' y nilalambing
Nasang na sana ay laging magkapiling
Dumadarang na nakatiwangwang di mailihim

Larawan niya' y kinikimkim
Tampalasang kataksilan nailimbag sa isip
Sa mapanlinlang na anyo ng bahaghari
Hubog nito' y lumbay hindi aliw

Hanap-hanap pa rin ang silay ng giliw
Masasadlak man sa landas muli ng pag-ibig
Kung may pagkakataon ay aking hihilingin
Saktan niya sana ako, isa pa at siya' y mamahalin
Caryl Maluping Sep 2023
Sa panibagong yugto
may giyera ng dugo

Mga sigaw sa kaparangan
ikinubli sa kalasag ng karahasan

Kung ang tanglaw ng sulo'y ninanais ang digmaan
sigalot sa diwa'y hinahabing marahan

Titiisin ng talampakan ang init ng apoy
babatakin ng putik, lulubog sa kumunoy

Hanggang kailan titiisin ang hilahil ng tadhana?
pagal na ang mga paa't tuyo na ang mga luha

Kung ang dahas ng dapit-hapo'y patuloy na nasasaksihan
liwayway ng bukas, kailan kaya masisilayan?
This was inspired by the poem of General Antonio Luna in the 2015 film Heneral Luna
57 Unti-unting si Agus ng tubig lamunin
Dahan-dahang lumayo bangka ng mga salarin

58 Ang prinsipe’y gupung-gupo
Wala nang pag-asa sa saklolo

59 Pilit mang kumawala sa pagkabuhol
Hindi makapalag sa himulmol

60 Anong klaseng hilahil?
Pagkalunod hindi pigil!

61 Subalit bago pa man malagutan ng hininga
May umagap na isang himala

62 Sa prinsipeng nalulunod, may nilalang na yumapos
Kaagad siyang pinaalpas sa pagkakagapos

63 Binuhayan mga luoy na bisig
Nitong bayaning Diwata ng Tubig.

-06/26/2012
*Gintong Lupa Series
My Poem No. 150

— The End —