Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Una, akong natutong magbilang ng saya sa dagat,
Habang ginagawa kong kwintas ang mga puka shells
Sa dalampasigan.


Natutu akong lumaban sa sigalot ng buhay,
Sa pagtalon habang ang mga rumaragasang alon
Ay ginuguho ako.

Ang   hangin
Ay bumubulong sa akin ng uyayi
Dinuduyan ako upang mahimbing.

Natuto akong magbawas ng kalungkutan
Sa mga tuyom
Sa baybayin.

Natuto ako ng kolektibong paggawa
Sa pagmasid sa mga mangingisda sa paghugot
ng lambat mula sa dagat
Na taglay ang isang araw na huli
at hatiin sa kanila
Nang pantay-pantay.

Umuwi sila sa kanilang pamilya na may
Kasiyahan sa kanilang dalang
Paghahatian sa paminggalan.

O kay sarap sa pakiramdam
Tuwing huhubarin ko ang aking tsinelas
At namnamin ang mapipinong buhangin sa aking mga paa.

At sa tuwing ako ay nakakaranas ng kasalatan
Akin lang alalahanin-
Ang mga araw ng aking pagbibilang  sa dagat.
090316

Naabutan mo ba ang Chinese Garter o 10-20?
Luksong-lubid, Tagu-taguan, Piko o Patintero?
Alam mo ba yung Yes or No?

Gumuhit ka ng kahong pahaba't
Hatiin ang mga ito, marahil mahabang proseso
Mahalukay lamang ang tamang istilo.
Titingala't magtatanong, "Yes or No?"
At may magbabatuhan ng boses ng pagsilong.

Paano kaya kung ganoon kadali
Kung kaya **** magpatawad
Nang bukal sa puso't walang gitgit.
Hanggang kaya mo nang ipaubaya ang galit sa Langit,
Hanggang kaya mo nang lumaban na may sariling paninindigan.

Pagpapatawad
Sa mga nanakit sayo,
Sa mga nasaktan mo,
Maging sa sarili mo.
Kaya mo ba? Yes or No?

Bumisita ka sa Palengke,
Tiyak bistado mo ang 'yong sarili.
Hindi ba't pag mahal, humihingi ka rin ng tawad?
Pag di ba pinagbigya'y galit ang ibabayad sa Tindera?
Oo, mahal kasi; sobrang mahal
Kaya sana'y lambingin ng "oo" ang "patawad" niya.

May oras para sa lahat;
Maging sa paghilom ng Bayan,
Sa pagdidildil ng Asin sa sanlibutan,
Na Siya ring naghasik
Ng mga butong nagkalaman sa Lipunan.

Bahagi ka ng Tulang ito, isang tulang pasalaysay -
Payak at walang bahid na pagkukunwari.
Ibabalot ko ang tanong na "Yes or No?"
Batang 90's, iba na nga pala ang timpla't
Magkakaubusan na naman ng mga letra't himig.

Sige, magtatapos ako Sayo,
Pagkat Ikaw naman ang taya sa buhay Mo.
At ito na marahil ang Pagtatapos
Na Ikaw rin ang Panimula.

(P.S. Tapusin Mo, sa muli nating pagkikita)
020321

Naubos na ang aking pangambang
Ikinahon ko noon na may maliit na bintana,
Kumikinang ang lahat sa muli kong pag-ahon
Na para bang ako’y iba na.

Iba na sa kanilang paningin
Na tila ba, kaya ko ring hatiin ang karagatan
Hindi gamit ang sarili kong lakas
Ngunit habang ako’y nakapikit
Na inaalala ang pag-asang
Dumudungaw sa aking mga bintana
Ng aking nakaraan.

— The End —