Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
R Sep 2018
sa aking pagkalumbay sa gitna
ng isang madla
naglantad ang mga katotohanang
sa aking pag-iisa
walang pangungulila
kundi
kawalan lamang
isang guwang
sa sansinukob
umaalingawngaw
na kawalan
kingjay Dec 2018
Nadatnan sa sahig nakahandusay
Ilan taon pa lamang noong una natapilok
Sa paghuwego ay naglibang
Nakalimutan ang sandaling sablay

Bumaba ang araw na nasa taluktok ng kampana ng simbahan
May iskarlatang busilak
Ang dagundong nito ay ang pagpaparaya sa mga bata na ginigiliw ng kanilang ina

Ikandong ang wasak na damdamin
para makahinga
Nilulumot ang gasera sa guwang na pandama
Di matinag ang pagkawalang

Ipaubaya sa daungan ng mga hiling
ang pahapyaw na pinapanalangin
At doon din makahanap ng silungan
Samantala nalalagasan ng supang ang Sampaguita
Malungkot ang kanyang talaarawan

Nagmistulang sinulid ang kaligayahan
na ipang gamit sa paghabi ng ala-ala
Sa kalayuan maaninag na nagluningning
Ngunit kapag sa prontera may pilat na mapusyaw
Jun Lit Mar 2021
Ang bayrus ng COVID ay tila makasalanan.
Katulad s’ya ng isang halimaw sa katahimikan,
o isang ministrong mataas ang katungkulan
na aliping tagasunod ng kanyang among si Kamatayan.
Kahit anino pa lamang n’ya’y dulot
ay lubos na takot, katulad ng pinakamadilim
sa mga gabi, o sulok ng guwang
o pinakailaliman ng karagatan.
Kumakatha sa isipan
ng mga kakila-kilabot na nilalang
at pinagagalaw sila ng sabay-sabay
nakaambang silain, lamunin
ang bawat kaluluwa, ang mga dibdib binabaklas
upang nakawin ang mga pusong malinis at wagas -
hinihigop ang lahat ng dugo, bawat patak
sinasaid ang bawat pintig ng natitirang lakas..

Malupit itong coronavirus,
isang haring espada ang batas, ang utos.
May kumakalat na ulop, ang madla’y binabalot;
walang kamalay-malay nilang nasisinghot,
orasyong buhay ka pa’y loob mabubulok.
Sa pintuan, naririnig ang katok:
isang panauhing di-kanais-nais ay gustong pumasok,
isa na namang payapang tahanan,
ang kanyang natuklasan.
Wari’y may samurai na iwinawasiwas
doon, dito, nananabas, walang habas
kapagdaka, lahat ng tila nasugatan, mga biktima
lupaypay, bagsak ay sa ospital, lugmok sa kalungkutan,
kinakapos ng hininga, unti-unting nalulunod mistula,
ng sa baga at lalamunan, ay naiipong sariling plema.

Ang pandemyang ito’y isang salaan
salamin ng lipunan,
isang digmaan, kung saan
mailap ang tagumpay at katapusan
at bawat laban, laging anong sakit, talunan.
Lahat ng uri at sinsin ng pangsala ay taglay:
pusong may kabaitan, sa walang puso’y inihihiwalay
maayos na pag-iisip, ibinubukod sa mga lutang at walwal
matatapat, angat sa mga kurakot sa mga larangan
prinsipe’t pulubi, pilosopong tunay
at mga tagasunod, makata’t mga mang-aawit.
Salaan
ng mga malubhang pagkakamali
ng nakaalpas na pagkakataon
ng mga leksyong dapat pang matutunan
ng mga landas na hindi nakita, at maling tinahak
ng daan tungo sa kaligtasan, anuman ang kanyang kahulugan,
anuman ang halagang kabayaran.

Ang pagkakaliit na bolang ito ay mamamatay na payaso
mapanghati, katulad ng isang salaming nanlalansi, nanloloko
pinag-aaway:
Hilaga laban sa Timog
Silangan laban sa Kanluran
pinakamahihirap sa mga mahihirap
itatapat sa angkan ng kamahalan
at ng mga bago’t biglang-yaman
at ang nasa gitna: Aba! Aba! Isang iglap ay sigaw
“Saan ang Hustisya?”
at hindi naambuhan ng ayuda
kayamanang munti sa panahon ng taghirap
na nang panahon ng sagana’y inismiran, sabay irap
sila umanong nagbubuwis,
bakit ngayon ay nagtitiis?
Parang sina Cain at Abel naghinagpis
Nahihiya ako. Nahihiyang labis.

Ito ang krisis. Takot ay inihahasik.
pinagsasama-sama sa iisang inayawang bayong
ang tila abuloy na pamatid-gutom
na nakamaskara bilang rilip na tulong,
lahat ng kinatatakutan -
pagkawalay,
                         pag-iisa,
kapanglawan,
                                          ­        diskriminasyon,
matinding kalungkutan,
                         pagkakasakit,
                         kamatayan . . .

Labis akong nag-aalala.
Labis akong natatakot.
Ang pagsasalin ko sa Tagalog ng aking tulang Covidophobia
[My translation into Tagalog of my poem Covidophobia] - pp. 92-94 in Kasingkasing Nonrequired Reading in the time of COVID-19 Alternative Digital Poetry Magazine Issue No. 4 (April 2020)
kingjay Jan 2020
Sa ngalang makahiya ay nawawari
Palaging nag-iisa at nangingimi
Daho'y tumitikom kapag nasasagi
Kahiman sa patak ng ulan sa gabi
ay tila may alerhiya't pangangati

Di nababatid kung mayro'ng ipagsabi
Dalawin ng hangi'y siya rin magtimpi
Sinanay na pumipinid ang sarili
Kaya lubhang masukal maiintindi
Nakikitang walang pahayag 't lunggati

Sa banayad na sanggi'y humahapdi
Ang buong tangkay ay parang nababali
Sinadya na labis ang sanggalang dagli
Sapagkat takot na mahipo parati
At sa kinabukasa'y bubuka muli

Matampuhing halamang namamalagi
Sa diwa'y natigalgal nang kumukubli
Anong alamat 't  pinanggalingang uri
Bakit ang iba ay ayaw kumandili
Sa lalang ng D'yos nasasaktan sa anggi

Lapain man ng pantas ang mga bahagi
Ay di matalos kung bakit tumutupi
Ang kaganapan ng agham 'y lumalapi
Sa pagkagulumihanan ng pagsuri
Guwang sa bahay ng dunong nanatili

Yaon taglay na mga tinik ay mumunti
Madalas nagagambala't inaapi
Ng mapangahas na palad at daliri
Dahil sa tingi'y manunusok ang gawi
Tinuring kapintasa'y ikinamuhi

Kung hahawaka'y nangungulubot dali
Umuurong ang awra kahit tanghali
Duwag sa damdamin - puro atubili
Nagbabantulot ang kilos at ugali
Balasik na katangia'y itinanggi
Alerhiya - allergy
Elly Apr 2020
habang ikinakawing ko ang aking mga daliri unti-unti rin nitong napupunan ang bawat patlang sa pagitan ng aking mga daliri, naisip ko kung bakit patuloy akong nagsusulat. nagsusulat ako na para bang pinupunan nito lahat ng patlang na aking nararamdaman. umaasa na sa paraang ito kahit papaano, kahit kaunti mabawasan lahat ng halu-halong emosyon. na tulad ng mga kamay na ikinawing ay mas magiging matibay ito, hindi madaling paghiwalayin. na para bang kinukuha ko ang lakas sa mga kataga na binibitawan ko at pinupunan ang bawat butas na para bang kailan man hindi ito nagkaroon ng kakulangan o guwang. nagsisilbing bakas bilang patunay na, "kaya ko" o kadalasan ay, "okay lang ako"

— The End —