Hapon tayo unang nagkita at pareho tayong nag-iisa
dinadamdam mo ang lamig ng kahapon, ang paglisan
minamasdan ko sa layo ng araw ang iyong halina
Mahirap mag-intay sa ilap ng mga sulyap,
tanglaw sa tuwing naghahanap-kayakap
sa mapangakit na halina ng mga ngiti sa labing
malabong magdikit kahit sa pangarap
Sana’y sapat na ang mga awit
ng mga tulang binigkas sa hangin,
nagbabakasakaling maipadama ang lalim
at tugma ng pag-ibig na nilihim
Sa gabi, mag-isa na naman at dama ang lamig
yakap ang unan, hawak ang kumot
nag-iilusyong kasama ka
Sana’y maulit muli ang sumpa
sana’y walang takot sa halina
‘pagkat sanay na tayo sa lamig ng gabi
alam na natin ang ingay o init
at takot na tayong mabighani
Sa umaga, mag-isa na naman at dama ang init
masaya na sa halik ng kape sa labi
nag-iilusyong kasama ka.
Hapon tayo unang nagkita at pareho tayong nag-iisa
dinamdam mo ang lamig ng kahapong kaysakit
ninamnam ko ang tamis ng kalayaan sa pasakit
sana’y tanghali nalang tayo nagkapiling
sana’y di pa sanay o manhid sa pag-ibig.
Tadhana
Michael Joseph Aguilar Tapit
6/19/2016