Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jeremiah Ramos Apr 2016
Sabayan mo ako sa pagbigkas nito,
Nakakapagpabagabag,
Pitumput-pitong puting pating,
Minikaniko ni Monico ang makina ni Monica,
Ang relo ni Leroy ay Rolex
Bumili ako ng bituka ng butiki sa butika.

Eto ang mga pampilipit dila na naalala at kinalakihan ko
Ang saya bigkasin,
Kasi alam ko na ang bawat pantig, ang tamang pagsambit
At tuwang-tuwa ako bigkasin sa harap ng mga kaibigan ko
Ipinagmamalaki kasi kaya kong sabihin ng diretso, at hindi nauutal
Siyempre, noong una, pumilipit ang aking dila
Ilang beses pinaulit-ulit, hanggang sa masabi nang tama
At ayun, kinaya kong sabihin

Pero sa lahat ng narinig at nabasa kong pampilipit dila
Tila bang 'di ko pa rin kayang sabihin sa sa'yo ang mga salitang
Mahal, kita. Gusto, kita.
Na para bang sila ang mga salitang pinakamahirap bigkasin,
Kahit siguro ilang beses ko ulit-ulitin hanggang sa masabi ko nang tama
Parang hindi ko pa din kakayanin.

Siguro mas kaya ko pang sabihin sa sa'yo ang mga pampilipit dila na naaalala ko,

Nakakapagpabagabag
Nakakapagpabagabag ka sa pagtulog ko
Kakaisip kung anong mangyayari kung sinabi ko sa'yong gusto kita.
Kung anong mangyayari, pag nanligaw ako o pag naging tayo na.
Handa akong protektahan ka sa pitumput-pitong puting pating.
Alam mo ba ang relo ni Leroy ay Rolex?
Sana alam din niya ang oras ng uwi mo, para maihatid kita,
Sana alam din niya na tumitigil ang oras tuwing nagkakasalubong ang ating mga mata
Sana alam niya ang tamang oras kung kailan ko ba dapat sabihin sa'yo na mahal kita

Nauutal sa apat na pantig,
Na hindi ko naman alam kung gusto mo bang marinig

Mahal kita, mahal kita, mahal kita.
Ilang beses inulit-ulit bigkasin habang papunta sa'yo
Baka sakaling masabi ko pagdating ko sa harap mo
Pero nang nakita ka na,
Para bang nabura mo ang lahat ng bokabularyo na alam ko,
Nakalimutan ang tamang balarila,
Nakalimutan kung paano mag-salita
At nang lumampas ka,
Nanghinayang. Sayang.

Tatanggapin ko na lang na
Siguro hindi lahat ng pampilipit dila ay kaya kong bigkasin
Mas-mabuti na lang siguro na,
Hindi sumubok, hanggang sa makalimutan ko nang sabihin sa'yo
At mag-aantay na lang muli
ng isang taong
hindi pipilipit ang aking dila
Kapag sinabi kong,
Mahal na mahal kita.
Jun Lit Sep 2017
Ngayong araw ako'y siyang naatasan
Na ipakilala ang ating kaybigan
Mahirap sabihin, ang inyo nang alam
Kaylangang galing nya'y bigyang katarungan

Sikat sadya itong ating kaibigan
Pang-showbiz ang dating, pinagkakagul'han
Pagkat nang magsabog d’yos ng kagwapuhan
Tabo lang dala ko, sa kanya'y "orocan"

Ngunit bahagi lang 'yon ng katangian
Kung bakit sya'y tunay na hinahangaan
Talino at t’yaga ang kanyang puhunan
Sa pag-aaral ng buhay, kalikasan

Sya'y taong tunay ang angking kabaitan
Na dama ng tao, hayop at halaman
Sa dami ng kanyang lathalaing-agham
Sierra Madre'y nginig, kapag nagtimbangan

Palaka, butiki, ahas at butaan
Nang dahil sa kanya'y lalong natutunan
Lumaki't lumawak ating kaalaman
Kung kaya't umani laksang karangalan

Alam kong sa bawat uri ng palaka
O ibang buhay na sa mundo'y mawala
Kasama natin s’yang lungkot na luluha
Pagkat magkaugnay ang lahat sa lupa

Dedikasyon niya ay dapat tularan
Ipakilala s’ya'y isang karangalan
Si Arvin Diesmos po, Syentistang huwaran
Samahan n'yo akong siya'y palakpakan!
Para kay kaibigang Arvin C. Diesmos, Ph.D.; [For my friend Arvin C. Diesmos, Ph.D.]. This poem was read as introduction to Dr. Arvin C. Diesmos who was a Plenary Speaker at CLADES Summit, organized by the UPLB Museum of Natural History.
reyftamayo Aug 2020
Pabulusok na ang ginintuang hari
sa dulong kanluran.
rumuronda na ang mga paniki,
nakadapo na ang mga ibon.
tumitili ang mga kuliglig
kasabay ng walang patid na
sagutan ng mga palaka.
ang mga butiki naman ay
humahalik na sa lupa.
malamig na hangin
ang madaramang sumisipol sa pandinig
at pumupukol ng mumunting alikabok
upang ipaalam
ang malambing nitong dampi.
maya-maya lang ay sisibol na
ang nagkikintabang kurap
ng mga mumunting kulisap
sa kalangitan
upang ito'y ilawan hanggang umaga.

— The End —