Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
John AD Apr 2020
Ang titik kong namumutiktik sa sabik,
Matabil ang dila , maligaya kung maghasik
Mga matang nakapikit , Husga ay saltik
Madalas akong matinik , hindi nalang ako umiimik

Kahindik-hindik na katahimikan , ipipiit ka ng iyong isipan
katampalasanan ay ginugol , alingawngaw ng asong kumakahol
Dumanak kasinungalingan , dayukdok ang mamamayan
Di-masusupil ng kapangyarihan , Mapaniil ng may alam
Kevin V Razalan May 2020
Walang labis, walang kulang,
Kung magliyab ang pluma kong laging natatakam,
Mga salitang lilikhain nito'y namumutiktik sa sabik,
Malinggal ang dila, nagagalak kung maghasik.

Madalas ay parang lantang gulay,
Kung gumuhit ng salita ay matamlay,
'Di matuka ng uwak kung ialay,
Minsa'y kulang-palad kung panlasa'y 'di bagay.

Sa tuwing hahampas ang higanteng salot,
Rubdob ng damdamin ay mapusok,
Tatamuhing sugat ay balon na 'di maabot,
Pilat ay siyang mararanasan, patawad ko'y suntok sa usok.

Minsan nama'y isang mapagtangis,
Ulan sa ulop katumbas ay luhang hitik kaysa pawis,
Ipapatalos sa huwad **** puso ang nalasap na pait at sakit,
Sa pluma ko'y tutungayawin ka't isasakdal sa piitan ng malasahan mo rin ang pait.

Hindi na sapat ang galak na malalasap,
Gayong panulat at puso'y nakaranas ng dusa at alat,
Naglahong bula ang hiwaga nitong kaibuturan ng pusong marilag,
Sa pinta mo'y nagmistulang kahabag-habag.

Umpisahan mo ng pumikit, ng mahagilap mo rin ang sinapit,
Madalas man akong matinik , sayo'y hindi na iimik,
Nitong plumang binuling at pinatulis ko sa inani ko sa'yo,
Ngayo'y kakikintalan mo ng hayag na masakit ngunit pawang totoo.

✍: pensword

— The End —