Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Emman Bernardino Dec 2014
Ang patatas
Ay walang kakupas-kupas
Masasabi ko 'to ng walang kahiya-hiya
Dahil maaari rin itong panggalingan ng enerhiya

Kinakain ng walang-wala
At itinuring na walang mapapala
Sa buhay na punong-puno ng oportunidad
Pero ito'y ginalaw ng abusador at ito'y binaliktad

Ang patatas ay kayang gawing baterya
Ayon sa agham at katotohanan
At kapag pinagmasdan ay kaaya-aya
At maaaring gawing simbolo ng kahirapan

Ngunit hindi ko naman minamaliit ang mahihirap
Dahil ayon nga sa agham ay ito'y isang enerhiya
Di lamang para makapag-pagana ng teknolohiya
Ngunit para harapin ang hinaharap
Ang ugat nito'y nagmula sa bigbig ng dalawa
At ito'y isinagawa ng mga daliri't nagpalawa
dannyjoe May 2019
Pagbasa at Pagsulat

Bata pa lamang ay lubos ng namulat.
Ako’y walang ibang kakayahan bukod sa pagbasa at pagsulat,
Ang aking marka sa agham at sipnayan ay maalat pa sa dagat,
Ang guhit ko naman ay tila panggatong na kalat.

Di ko naman ninais na ito lang ang kayang gawin.
Madami din akong kakayahan na nais maangkin,
Ngunit sa ibang bagay ay hindi naman nakikitaan ng galing.
Sa sarili nagtataka na rin, bakit ba pagbasa at pagsulat lang ang kayang gawin?

Naisip ko na maging mang-aawit, tinig ko naman ay pilit minsan ay pipit.
Naisip ko na maging pulitiko, ngunit ayokong mabansagang mangungupit.
Naisip kong maging ****. kaya kong magturo ngunit, ako ay masungit.
Naisip kong maging arkitekto ngunit, guhit ko naman ay walang kasing pangit.

Sa kakulangan ko ng kakayahan sa madaming bagay, ay sa sarili ay nagtataka na.
Siguro ako ay may isang malaking sumpa.
Sumpa na sa akin ay nagbibigay ng makalangit na biyaya.
Sapagkat sa pagbasa at pagsulat lamang ako lubos na lumiligaya.
Ken Alorro Sep 2015
Sa labing-apat na araw na nakilala kita
Minahal ka ng buo
Puso'y napahinto, natulala
Dahan-dahang bumilis ang bawat pintig
At sa bawat pintig na ginagawa nito
Dala'y dugo na umaasang sana mahalin ako

Namumulang pisngi
Namumulang labi
At kagaya ng dugo sa katawan
Akoy pinaikot-ikot, ikot, ikot...
Hanggang sa maubos ang enerhiya
Na baon-baon mula ulo hanggang paa

At sa dahon ng saging ako ay ibinalot
Na parang betamax
Iniluwa ng hindi nasarapan
Ikinamuhi dahil sa lasa
'Di ko alam kung ako'y tanga o nagmamahal lamang
At kung alin man ako sa dalawa
Hindi na mahalaga dahil alam kong mahal kita

Sa labing-apat na araw na nakilala kita,
Pinaglaruan mo ako
At kagaya ng mga bata sa lansangan
Ako ay naging kalsada
At ikaw, ikaw ang trak
Na piniling di pansinin ang mga butas sa ibabaw ng dibdib
Dinaanan lang
Hinayaang bukas
Nakabilad sa araw
At sa pagbuhos ng ulan
Tinulungang lunurin ng tubig na may dalang putik

Sa labing-apat na araw na nakilala kita
Minahal ka ng buo
Nang walang halong pag-aalinlangan
Na di inisip kung mahal din ba ako o hindi
Pero sa ating munting panahon
Nalaman ko na ikaw ay isang relihiyon
Na piniling isantabi ang agham
At ako, kagaya ng lahat ng bagay sa mundo mo
Ay isang bersikulo lamang ng iyong bibliya
Na kung hindi maintindihan
Gagabayan ang sariling kamay
At ibubuklat ang mga kasunod na pahina

Mahal, sa labing-apat na araw na nakilala kita
Pagod na akong maging kalsada
Ayaw ko nang maging parte ng iyong bibliya
At higit sa lahat
Hindi ako ang iyong dugo
Na gagawing betamax at ibebenta
Kapalit sa kapirasong salapi
Mahal, hindi ako iyon

At ngayong tapos na ang labing apat na araw
Magiging mahalaga ako para sa akin
Nasaktan, nadurog
Pero noon 'yon!

Mula ngayon tatanggi na ako
Tatanggi akong masaktan
Tatanggi akong paglaruan
Tatanggi akong gamitin
At higit sa lahat tatanggihan na kita
Lilimutin ko ang iyong pagkatao gaya ng paglimot mo sa akin.


Masakit, pero kaya.
Matagal, pero kailangan.
Jun Lit Sep 2017
Ngayong araw ako'y siyang naatasan
Na ipakilala ang ating kaybigan
Mahirap sabihin, ang inyo nang alam
Kaylangang galing nya'y bigyang katarungan

Sikat sadya itong ating kaibigan
Pang-showbiz ang dating, pinagkakagul'han
Pagkat nang magsabog d’yos ng kagwapuhan
Tabo lang dala ko, sa kanya'y "orocan"

Ngunit bahagi lang 'yon ng katangian
Kung bakit sya'y tunay na hinahangaan
Talino at t’yaga ang kanyang puhunan
Sa pag-aaral ng buhay, kalikasan

Sya'y taong tunay ang angking kabaitan
Na dama ng tao, hayop at halaman
Sa dami ng kanyang lathalaing-agham
Sierra Madre'y nginig, kapag nagtimbangan

Palaka, butiki, ahas at butaan
Nang dahil sa kanya'y lalong natutunan
Lumaki't lumawak ating kaalaman
Kung kaya't umani laksang karangalan

Alam kong sa bawat uri ng palaka
O ibang buhay na sa mundo'y mawala
Kasama natin s’yang lungkot na luluha
Pagkat magkaugnay ang lahat sa lupa

Dedikasyon niya ay dapat tularan
Ipakilala s’ya'y isang karangalan
Si Arvin Diesmos po, Syentistang huwaran
Samahan n'yo akong siya'y palakpakan!
Para kay kaibigang Arvin C. Diesmos, Ph.D.; [For my friend Arvin C. Diesmos, Ph.D.]. This poem was read as introduction to Dr. Arvin C. Diesmos who was a Plenary Speaker at CLADES Summit, organized by the UPLB Museum of Natural History.
Jun Lit Nov 2018
Ang buhay ay paglalakbay
At nang minsang nakasabay
Kaagad kang umalalay -
Kapwa tulong ating pakay.

Kulisap ng karunungan,
Naging susi ng samahan,
Naging tulay na ugnayan -
Agham na para sa bayan.

Sa iyo aming kaibigan,
Salamat ay walang hanggan.
Ngalan mo’y kaligayahan
Hindi makakalimutan.
Dedicated to the memory of the late Dr. Jocelyn "Joy" E. Eusebio. "Dalit" is a a style of poetry that flourished early in the Tagalog Region of the Philippines, where each stanza is composed of four rhyming lines, each line with eight syllables. "Pasalamat" [or pasasalamat] roughly means thanking or thankful. Rough translation:
Poem of Thankfulness -
Life is a trek, a long journey
Once, in same lap and step, were we
Your big helping hand was ready -
To serve was what we both did see.

The knowledge that insects inspired
Became the key to friendship fired
Served as the bridge linking and wired -
Science that serves people, aspired.

To you our dear departed friend,
Our thanks to you, forever spend.
You are Joy, joy you did extend
We won't forget you till no end.
kingjay Jan 2020
Sa ngalang makahiya ay nawawari
Palaging nag-iisa at nangingimi
Daho'y tumitikom kapag nasasagi
Kahiman sa patak ng ulan sa gabi
ay tila may alerhiya't pangangati

Di nababatid kung mayro'ng ipagsabi
Dalawin ng hangi'y siya rin magtimpi
Sinanay na pumipinid ang sarili
Kaya lubhang masukal maiintindi
Nakikitang walang pahayag 't lunggati

Sa banayad na sanggi'y humahapdi
Ang buong tangkay ay parang nababali
Sinadya na labis ang sanggalang dagli
Sapagkat takot na mahipo parati
At sa kinabukasa'y bubuka muli

Matampuhing halamang namamalagi
Sa diwa'y natigalgal nang kumukubli
Anong alamat 't  pinanggalingang uri
Bakit ang iba ay ayaw kumandili
Sa lalang ng D'yos nasasaktan sa anggi

Lapain man ng pantas ang mga bahagi
Ay di matalos kung bakit tumutupi
Ang kaganapan ng agham 'y lumalapi
Sa pagkagulumihanan ng pagsuri
Guwang sa bahay ng dunong nanatili

Yaon taglay na mga tinik ay mumunti
Madalas nagagambala't inaapi
Ng mapangahas na palad at daliri
Dahil sa tingi'y manunusok ang gawi
Tinuring kapintasa'y ikinamuhi

Kung hahawaka'y nangungulubot dali
Umuurong ang awra kahit tanghali
Duwag sa damdamin - puro atubili
Nagbabantulot ang kilos at ugali
Balasik na katangia'y itinanggi
Alerhiya - allergy

— The End —