Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Feb 2020 · 9.7k
Dilaw na Dyaket
Tocz Laurenio Feb 2020
dilaw na dyaket ang suot mo noon
habang ako ay nananahimik
hindi makaimik
at pinagmamasdan ang bawat sinag ng dapithapon
na sinasala ng kinulayang bintana
kung saan ay sa aking mga mata na ngayon lamang nakakita ng ganda ay biglang napatunganga

dilaw na dyaket ang suot mo noon
at ang unang naitala
sa listahan ng mga napuna ng aking mga mata at biglang napatunganga na nga

nang dahil sa bawat tupi ng manggas
at bawat kusot ng bulsa ng dilaw na dyaket **** naisipang ipakita sa silid ng mga kaluluwa

mga kaluluwang akala ko ay mabibigyan kong buong pansin ngunit heto, napatitig na rin

ako'y napatitig na rin

napatitig sa dilaw na dyaket mo
at hindi ko mawari kung paano
pero ang dilaw na dyaket **** nakabalabal sa iyong kay liit na katawan ay humihila pababa sa iyong mga balikat
nakakibit
hindi man lang kayang mapaakyat ang iyong pagpapakalálo
napapaliit
ang tikas ng iyong pagkatao

hindi ko rin mawari kung paano
pero ang dilaw na dyaket mo ay para bang napabalabal na rin sa akin
at mula noon, ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa ng aking puso ay handa nang aminin na ikaw ay naging isang

anghel

ang dilaw na dyaket mo ay naging iyong halo
at ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa nito ay naging mga pakpak mo at ikaw ay naging isang

anghel

ika'y naging
anghel sa aking isipan
marikit na imahe sa aking kaloob-looban
munting sigaw sa buong kalawakan
o, munting anghel ko, nais ko na sanang isigaw:
nakikita mo ba?
nakikita mo ba kung paano kita nakikita?
nakikita mo ba kung paano kita sinasamba?
nakikita mo ba kung paano kita sinisinta?

oo, sinisinta, dahil
munting anghel ko, o, mahal kita
mahal kita, o, munting anghel ko

mahal kita
at ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa ng iyong pagkatao
mahal kita
at ayaw kong manatili ka lamang sa isipan ko
mahal kita
at nais kong ako ang magpabalabal sa iyong puso
at nais kong ako ay maging iyo

at nais kong mahalin mo rin ako

ngunit, o, munting anghel ko, natakot ako
natakot ako na
kung ilalahad ko ang lahat ng mga ligaw na alaala ko sa iyo
ay huhusgahan mo ako
kung hayaan kong buksan mo ang aking mga pinto
ay matatakot ka nang makita mo ang nilalaman nito
kung ipakita ko sa iyo ang lahat ng mga tupi ng manggas at mga kusot ng bulsa ng aking puso
ay magugulat ka at lilisanin mo ako

kaya heto, ang munting anghel ko ay nanatili sa isipan lamang
ang marikit na imahe ko ay nanirahan sa kaloob-looban lamang

ang munting sigaw ko ay naging bulong lamang
isang bulong na nagsasabing:
o, munting anghel ko, mahal kita,
o, munting anghel ko, pangarap kita,
ngunit, o, munting anghel ko, natatakot akong sa piling mo'y ako'y madulas
at tuluyang mawala ka.

maroon na dyaket ang suot mo kanina
noong ako ay naarawan ng sikat ng umaga
at ng tawa ng ilang mga kahalubilo't kasama
at naroon sa gitna ng aking sariling mga tawa ay nakita kita
ngunit may kasamang iba

at siya'y ika'y inakbayan
at ika'y siya'y nginitian
at ako'y napaisip nang biglaan
kayo ba?
kayo ba?
kayo ba?

napakwento ang kaibigan ko:
alam mo ba,
ganun na nga
sila na
magdadalawang-linggo na.

hindi naman sa nasaktan ako
pero parang ganoon na nga.

hindi naman sa napatigil bigla ang tibok ng puso ko
pero parang ganoon na nga.

hindi naman sa nadurog ako nang mapansin ko na ang sukat ng maroon na dyaket mo ay mas sakto sa iyo at hindi niya nahihila pababa ang iyong buong pagkatao at siguro ito ay dahil siya ang kasama mo at hindi ako kaya para bang siya na ang nakabalabal sa iyong puso at ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa ng kaniyang puso ay napaibig na sa iyo—

pero parang ganoon na nga.

ganoon na nga
dahil kayo na nga

kayo na
kayo na
kayo na.

ganoon na nga
dahil siya ang kasama mo

hindi ako
hindi ako
hindi ako.

siguro kung hindi ako natakot

siguro kung hindi ako natakot na ilahad ang lahat ng mga ligaw na alaala ko sa iyo
ay hindi ka na mananatili lamang sa isipan ko

siguro kung hindi ako natakot na hayaang buksan mo ang aking mga pinto
ay mapapabalabal ko na ang iyong puso

siguro kung hindi ako natakot na ipakita ang lahat ng mga tupi ng manggas at mga kusot ng bulsa ng aking puso
ay ako na'y magiging iyo

siguro kung hindi ako natakot na madulas sa piling mo
ay mamahalin mo na rin ako

ngunit ayan na nga, o, munting anghel ko, natakot ako
at ayan na nga, o, munting anghel ko,
lahat ng ito ay hindi ko na nasabi sa iyo
at ayan na nga, o, munting anghel ko,

baka tuluyan nang mawala ang dilaw na dyaket mo sa buhay ko

maroon na dyaket na ang suot mo
ngunit ang dilaw na dyaket mo pa rin ang nakatatak sa isipan ko
at ang bawat tupi ng manggas at bawat kusot ng bulsa ng dilaw na dyaket mo ay nakabalabal pa rin sa aking puso

aking puso na nadurog, at patuloy na nadudurog hanggang ngayon
nang dahil sa dilaw na dyaket na suot mo noon

dahil sa dilaw na dyaket na suot na ng iba ngayon
Filipino translation: "Yellow Jacket". A Filipino spoken word poem.

— The End —