Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Eisen Mar 2020
puti, para sa malinis na intensyon
para sa mukhang sigaw ay perpeksyon
ako't ikaw ay hanggang sa imahinasyon
walang katapusan, walang limitasyon

pula, para sa mabungang alaala
walang humpay na pagsasaya
hindi matapos-tapos na tawa
pula rin, para sa pagibig na pinalaya

asul, para sa nakakubling nakaraan
mga naburang tawanan
naburang talaan
at naburang pangalan 

itim, para sa pusong nagdadalamhati
para sa natamong sugat at pighati
mga nawalang sabi-sabi at bati
itim, para sa pag-ibig kong nahati
Hiraya ng Pag-ibig
Eisen Mar 2020
bawat segundong lumilipas ay iuukit
serye ng alaalang nakakaakit
lahat ng ito'y iguguhit
kahit ang luha na'y napupunit

lumalalim ang huwad na panaginip
mapaglaro't malilikot na kathang isip
eksena't larawang nabuo sa isang idlip
pilit inaalala't sinusundan ang ihip

binabagtas ang hirayang aguhon
walang depinisyon, walang direksyon
waring nakatali sa matamis na kahapon
pilit kumakawala sa paraang kay hinahon

hinahanap ang liwanag sa dilim
dilim na kumukubli sa isang lihim
sa iyong paglisan, ikalabing-anim
nawa'y makita ka sa takipsilim
Hiraya ng Pag-ibig
Eisen Feb 2020
malamig na hanging sa aki'y nagdampi
kawalan ng pag-asa'y pilit tinitimpi
lumalalim na ang hating gabi
maririnig na ang pintig ng paghikbi

tila'y nakatitig sa makulimlim na tala
humihingi ng katiting na himala
pagkat ako'y nalilito't nababahala
sa isang umuukit na tanikala

sekretong nawa'y hindi maibunyag
nawa'y hindi rin sakupin ng sinag
ang lihim na unti-unting lumiliwanag
h'wag hayaang lumayag, kumakalas na bihag

sa susunod na habambuhay
sana'y mawala ang ingay
ingay na punong-puno ng lumbay
nawa'y magabayan ang paglalakbay
Mga Tulang sinulat sa Dilim
Eisen Feb 2020
gulong-gulo sa sistema
nagbabagong mga klima
nauubusan ng salitang maitugma
sa gabing malamig, ikalabing-lima

namamaalam, dating eksena
eksenang nabuo sa pantasya
binabalot ng tuwa't halina
tuluyan nang dumidistansya

tila'y pilit pinupuna
sandaling naglalaho na
tuwing nasisilayan
binabalot ng iyak ng paglisan

kumukupas na ang mundo
memoryang nakakandado
nawa'y mapagtanto
nawa'y mapagtanto
Hiraya ng Pag-ibig
Eisen Feb 2020
umagang kay lamig
napapaos na tinig
sintunadong himig
sana'y may makarinig

nauutal na bibig
nanghihinang mga bisig
matang hindi maka-titig
sa mga hindi masabing katinig

tagimpang makisig
kumukupas na daigdig
humihinto ang bawat pintig
nawa'y dinggin ang pahiwatig
Hiraya ng Pag-ibig
Eisen Feb 2020
papunta't pabalik
panahong nasasabik
alaalang bumabalik
nalulumbay, tahimik

munimuni't hiraya
guniguni't pantasya
tumatakbong nakataya
tadhana'y trahedya

pagsamo't lumalaban
kinabukasa'y hinulaan
dumata't kinakatakutan
kinakatakutang paglisan
Hiraya ng Pag-ibig
Eisen Jan 2022
ikawalong baitang nang ika'y makilala
isang diwatang nag-anyong dalaga
tila'y isang biyayang hatid ni Bathala
handang maging alipin na itinalaga

isang reynang naligaw sa isang kaharian
ako'y iyong kawal na handa kang pagsilbihan
ikinagagalak kong ako'y 'yong manduhan
walang mali sa 'yong kagustuhan

ngunit kasabay ng paglipas ng bukang-liwayway
tadhana nating dalawa'y biglang nabalutan ng lumbay
nagsimula tayong matatag at dalisay
ngunit ang daan nati'y nagkahiwalay
at tuluyang nabalot ng kulimlim ang huwad kong buhay

sana'y noong una pa lamang ay niligawan na ang Paraluman
nang hindi sa isang mahapding katotohanan
na ngayo'y pilit na binabalikan
ang pagsikat hindi na muling mahahagkan

kung iadya man ni Bathala na ika'y maligaw
sa isang kahariang mapurol at maginaw
hahanapin ko ang kaisa-isang kaharian na ang reyna ay ikaw
Tatlong Daan at Animnapu't Limang Tula para kay Mayari: Ikaunang Pahina
Pusang Tahimik Dec 2021
Tahimik na tubig na laging kinukutaw
Waring pinupuno hanggang sa umapaw
Ang kung dilim ay nangingibabaw
Magtakang papatayin ko ang aking ilaw

Lumulubog sa maalon na panahon
Nasasawi sa bawat pagkakataon
Wagi sa araw ay hindi lagi ganoon
Sa pagsapit ng gabi luray kung magkataon

Sa pisi ay sagabal ang tingin
Sa kapayapaan sarili'y binibitin
Sa taga na walang sawang aaliwin
Naglalaro kaya hindi puputulin

Saksi sa paglubog ang araw at buwan
Sa mga matang lubos nang natuyuan
Itatago ang musmos ng tuluyan
At ilalabas ang isang makapangyarihan

Ang malamig na walang inaasahan
At hindi mag-iinit sa bawat kinabukasan
Ang bawat sugat ay tinutuluyan
Gaya ng tahimik na tubig sa dalampasigan

JGA
Pusang Tahimik Dec 2021
Gaano kana kalakas
Sa dami ba ng mga bakas
Na iyong mga dinanas
Sa mundo na marahas

Gaano kana katatag
Hindi na ba binabagabag
Pader ba'y di na matibag
Mahusay na mapagpanggap

Lakas na saan kinukuha
Limot maging pagluha
Sa sakit o kirot natutuwa
At di na namamangha

Sa napaka tagal na mag-isa
Di na kailangan ng iba
Umaasa sa iba
O inaasahan ng iba?

Ang mamon ay bato na
Ito'y matagal na
Lumalakad mag isa
Nang walang pangamba!

Walang mapapala
Kahit ipilit ang salita
Ang lahat waring abala
Sa taong nasanay mag-isa

-JGA
Pusang Tahimik Dec 2021
Gising sa pagkahimbing
Ang isip na balimbing
At kahit anong halinghing
Ay binging nakatingin

Sa apoy na pinatay
Bandera'y iwinagayway
Ito nga'y tagumpay
Sa buhay na matamlay?

Kapangyarihang taglay
Hindi na lumalatay
Wala kang binubuhay
Sa matagal nang patay

Habang natutuwa
Sa larong nakakasuya
Ako ang mandaraya
Hindi ko ipagtatatwa

- JGA
Next page