042624
Ang bawat buhay
Ay binubuo ng mga pahina ng mga tula
Ilang libong libro na may makakapal na kuwento
At marahil ang iba’y, sa unang pahina pa lamang
Ay maroon na rin ang kanilang dulo.
Kakatha pa rin ang Bathala
Kahit punitin man ng kadiliman.
Lilikha gamit ang Kanyang hininga,
Isang idlap, isang kurap
Patuloy ang pagbibigay buhay at katuturan.
Sunugin man ang mga pahina,
Dapuan man ng mga alikabok at mga insekto,
Mabura man ang mga letra
buhat sa mga patak ng ulan
Ay mananatili pa rin ang mensahe’t nilalaman.
Sa huli, ang may Akda
Ang tanging may hawak ng mga kasagutan
Sa mga pahinang hindi natin alam
Kung kailan nga ba ang katapusan.