"Sino ang bayani ng buhay mo?" Minsan itong naging paksa ng aming aralin sa filipino Madalas din itong itanong sa akin ng madla Ngunit wala akong ibang sambit kundi ang iyong ngalan ina.
Bagama't wala siyang hari na katuwang, Para sa akin siya ay reyna magmula pa noong ako'y walang muwang. Magkaiba man ang daang ating nilalakaran, Alam kong pareho tayo ng langit na tinitingnan.
Dito ay umaga, diyan ay gabi Sa pagtulog mo ina nais kitang katabi Iniibig kita kahit sa personal man ay 'di ko ito masabi At kung maayos na ang mundo, dadampian ko ng pagmamahal ang iyong pisngi't labi.
Hindi sapat na ika'y pasalamatan Pangakong pagod mo'y aking papalitan Ng pag-ibig na walang hanggan At ibabahagi ko lahat ng kabutihan mo hanggang sa aking kaapo-apohan
Kung tuluyan ka nang manghina At kunin ka na sa akin ng May Likha, Ako ang makakasama mo hanggang sa iyong huling hininga Kukumutan kita ng pag-ibig, mahal kong ina.