Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Aug 2020
Ama
082920

Nagbibilang na lamang ako ng oras
Upang ang bukas ay tuluyan nang kumalas
At kusang sumabay sa palakpakan
Sa entabladong nakatikom sa aking damdamin.

Ilang taon nang nakikibaka ang Iyong mga kamay
Sa modernong pagkatha at paglikom ng mga salapi.
At sa aming hapag-kaina’y ilang ulit na akong tinutukso
Ng mga matatamis na panimula sa telebisyon —
Na baka sakaling matikman ko rin
Ang hain nila sa sarili nilang hapag-kainan.

Minsan akong nangulila
Buhat sa kawalan nang may mga katanungang,
“Sino nga ba ang tama?”
Na sa paulit-ulit na pagtatapon ko ng mga ito’y
Ang mga ito rin ang sumasampal sa aking pagkatao.

Ngunit ang totoo’y:
Nilimot ko na ang mga katanungang iyon
Hindi ako sumabay sa agos ng galit
Na bumabawi sa aking paghinga
Na tila ba ako’y pagod na
At gusto ko na lamang manahimik mag-isa.

Nais kong sambiting
Hindi ako nagalit nang minsan mo kaming pinagtaksilan,
Inisip ko na lamang na iba ang latag ng kapalaran —
Iba ang laro sa loretang ito
At hindi ito madali —
Pero ito’y panandalian.

Siguro nga —
Iniisip **** saan nanggaling ang mga ito
Ang mga salitang tila ba hindi ko man lamang pinag-isipan
At tuluyan kong binitawan
Gaya ng pagbitaw mo para sa amin.

Pero gaya ng sambit ko —
Hindi ako galit,
Hubad ang aking emosyon
At umaapaw pa rin ang aking pagpapasalamat
Na sa mga oras na ito’y —
Hindi mo kami iniwan.

Higit pa sa pagpapabatid ko ng pasasalamat sa ito’y,
Nais kong ihagis ang aking mga kamay sa langit
Na tila ba higit pa sa nagagalak ang pakiramdam
Ang aking puso’y tiyak na ang grasyang alay ng Langit
Ang gumawad sa akin ng kalayaan.

Malaya akong piliin ang saya kesa sa galit,
Na parang paghihimay ng mga butil ng buhangin,
Parang imposible, di ba?
Pero naging posible
At wala na akong maihain pa
Kundi ang umaapaw kong pusong
Ginawang Malaya ng Maykapal.

Lubos ang aking pagsamba,
Salamat Ama.
Salamat sa dalawa kong ama at Ama.
The Poetic Architect
Written by
The Poetic Architect  F/PPC Palawan, Philippines
(F/PPC Palawan, Philippines)   
Please log in to view and add comments on poems