Sinasaktan ka lang n'ya. At hindi sa paraan ng salita. Pisikal. Sinasaktan ka lang n'ya. At masakit na hindi ka n'ya sinasaktan sa paraang alam kong mas masakit, damdamin. Dahil kahit ano pang sabihin ng iba na mas masakit masaktan ang damdamin kaysa pisikal, ay mas gugustuhin kong umiyak ka dahil minura o sinisi, kaysa sakal sa leeg at sugat sa labi. Masakit, kung iisipin ang suntok sa mukha, o harangan ang paghinga sa pamamagitan ng unan. Masakit, na sa lahat ng sasaktan ay ikaw pa. Prinsesa, inalagaan ng ilang taon bilang kaibigan upang makita lamang ang mga pasa sa braso, sugat sa puso, mukhang maamo na nilamon ng pait. Pero nakaka ngiti pa rin sa akin na para bang walang nangyari. Higpit ng yakap na para bang walang sakit na iniinda. Tawa na kay lakas na wari mo'y hindi umiyak kagabi. Gabi-gabi kong iniisip kung anong ginagawa mo, hindi, kung anong ginagawa n'ya sayo. Dahil bukod sa saya na naibibigay n'ya sa bawat halik, o yakap, o talik ay mas nangingibabaw ang sakit mula sa suntok, sampal at sigaw. Pero sa sulok ng aking utak ay mas mapapasaya kita. Oo, naisip ko na ito dati, at mas iniisip pa ngayon. Alam ko namang malabo ang mga pangyayari dati pero mas lumilinaw na ngayon. Sa mga panaginip lang dati nangyayari, isasabuhay na ngayon. Mahal kita at hindi ka dapat mapa sa kanya. Dahil una pa lamang kitang nakita , ay akin ka na.