May mga salitang sa papel na lang kayang manatili Dahil hindi na ito kayang bigkasin pa ng mga labi.
Natapos na ang palabas na ang tauhan ay ikaw at ako Tayong mga bida noon, sa mundong hindi nila nakikita
Gusto kong isipin na nalaos lang tayo,pero hindi pala Dahil ang dating tayo,ngayon ay ikaw na lang at ako
Bakit ganito? wala naman akong naaalala na drama ang sinulat kong kwento Pero bakit sa malungkot natapos ang lahat?
Minsan ay gusto ko na lang gawing gabi ang bawat umaga Sa gayon ay hindi nila mapansin na may hinagpis akong dinadala Sa gayon ay hindi nila makita na lumuluha ang aking mga mata
Pagkat sa dilim, doon ko lahat itinago ang sakit at dusa Na ni sa panaginip ay hindi ko inasahang dadating pa
Oo kakayanin kong maging gabi ang bawat umaga Mahirap, Pero pwede ba?
Sa kahuli-hulihang sandali ay maturuan mo ako sana Na gawing gabi ang lahat ng umaga Na kasing dali lang kung paano mo nakayanan Na maging malungkot ang dating tayo na masaya.