Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Feb 2018
Pumarito sa aking tabi kung saan ang mga salita ay hindi laging kakailanganin,
Batid ang 'yong mga hinaing at hinagpis ngunit hindi na kailangang sabihin.

Dito na lang kung saan sasapat ang pagdausdos ng ating mga palad, higit na ang pagsulyap sa mga mata **** iba ang tinatangan,
Dito kung saan hindi kailangang magpaliwanag -- kahit hindi naiintindihan ay mamahalin ka sa paraang nararapat bagama't lingid sa'yo.

Pumarito na lamang kung saan ang bawat paghinga'y tulang ikinukubli ang hapdi, kirot, at sakit,
Mga agam-agam at handusay ng lumbay.

Sino nagsabing hindi ka maaaring ibigin mula sa kalayuan? Kalokohan.

At kung sa wakas ay matunton mo ang daan patungo rito,
Sana'y manatili ka.

Manatili tulad ng pananatili ko sa walang kasiguraduhan,
Manatili na parang aking mga mata sa tuwing nakatitig sa'yo na tulala sa kawalan, sa kanya,
Manatili ka sana,
Manatili kahit panandalian.

Kung sasapit ang unos at nanaisin **** lumisan, ang dagliang pagbitiw ay hindi maipapangako ngunit hindi kita pipigilan,
Sapat sa akin ang pinagtagpi-tagping kapos at maikling panahon, ang mga nakaw na sandali ng kahapon, ang pakikipaglaro sa tadhana na kunwari, ikaw na talaga.

Sapat sa akin ang pumarito,
Sa pagdausdos ng mga palad mo sa mga palad ko,
Kung saan ang mga salita ay hindi na kakailanganin,
Dito sa walang akin.
Written by
Pluma  18/Philippines
(18/Philippines)   
  1.1k
 
Please log in to view and add comments on poems