Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
May 2016
050916

Minulat tayong may sukli ng kasaysayan,
Saksi sa matinding gisahan ng rekado sa Tahanan.
Pangako'y iniukit ng mga Anak na payak
Nagbabasagan ng plato, nagtitilamsikang tubig,
Pagbili ng lakas ng loob
at talas ng dila sa Pulitikang Tindahan;
Luha't dangal, pawang huling hain
Ng Ama't Ina ng Lipunan.

Nakakangalay makisabay sa uso
Kung nawalay pati ang yupi-yuping puso.
Hindi tayo nagpaampon sa Lipunang mapanukso,
Yakap ang Langit, uhaw lamang sa pagbabago!

Sumisigaw ang damdaming nilusaw ang galit,
Ang pait ng kahapong sinabuyan ng panlalait.
Minsan, sobra ang demokrasya kaya't may kapalit.
Kaya't minsa'y susulong bagkus panay ang subalit.

Hindi natin kayang palayasin ang Ama't Ina,
Kung ngayon pa lang, may mga multong rebelde na.
Hindi natin kayang itaboy ang kamay ng Hari ng mga Isla,
Pagkat tayo'y ibinigkis, iba't iba man ang pananampalataya.
At higit pa sa pulso ng Bayan ang nagluklok sa kanila.
Mainam na ngang masaktan sa una,
Kung saan dunong at talino'y maituon sa pagpapakumbaba.
Masakit sa loob kapag tinatama ka,
At bawat palo't kusang pagdidisiplina.

Kung hindi susundin silang Ama't Ina,
Kung hindi magpapasakop sa babaguhing sistema,
Kung hindi huhubarin ang estadong may ibang klima,
Hinding-hindi bubuhos ang pagpapala.

Umaasa tayo pagkat di natin kayang mag-isa,
Sandigan nati'y hindi na Pulitikang Balisa,
Sana'y pag-iisip ay mabago ng Amang may grasya,
At tayo'y maging bahagi ng paghilom ng bansa.
The Poetic Architect
Written by
The Poetic Architect  F/PPC Palawan, Philippines
(F/PPC Palawan, Philippines)   
34.9k
     Isabelle and The Poetic Architect
Please log in to view and add comments on poems