Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Pusang Tahimik Jun 2021
Ang panukala ay itinago sa lihim
Lihim na nakakubli sa isang malalim
Na talinhaga na di kayang unawain
Nang isipang tinakpan ng takip-silim

Tila yata walang naka-uunawa
Kung ano ang mga panukala
Na nagkukubli sa anyo ng Salita
Na nariya'ng kasama natin at nakatala

Sino nga ang nakakikilala ng May-akda
Na nagpapahayag at Siya ring nagtakda
Nang mga kaganapang walang patda
Na Siya'ng tumpad din ng mga Itinakda?

Sino nga ba itong Salita
Na nagkukubli sa anyo ng mga salita
Na tinatawag ding Mabuting Balita
Na inyo nga'ng ipinamamalita?

Sino nga ang marunong at nakauunawa
Ipahayag iyon sa isip, salita at gawa
Ipakita ito sa kanyang kapwa
Upang may buhay ang kanyang mga salita
Tula, talinhaga, Panukala, Mabuting Balita, Salita,
Pusang Tahimik Feb 2019
Nakahigang pilit na nagmamasid
Sa madilim na apat na sulok ng silid
Ang sakit ay hindi pa rin lingid
Kahit na tiyak ang luhang nangingilid

Binabalot ng malamig na kalungkutan
Ang puso'ng di alam kung nahihirapan
Humahanap ng kumot sa isipan
Mainit na yakap sana'y masumpungan

Heto na nga at nalulunod na ako
At hininga'y kinakapos sa isipan ko
Pakiusap sana'y panaginip na lang ito
Sapagkat sa paglangoy pagod na ako

Isipan ay lubos akong pinahihirapan
Tila laging mayroong digmaan
Sa silid ng nakabibinging katahimikan
Ang isip ay matinding naglalaban

Sumapit na ang umaga
Ako'y wagi sa pakikibaka
Sa kalabang sariling likha
Ng isipang puno ng katha
JGA
Pusang Tahimik Jan 2023
Sa bawat pag lipas ng taon
Ako'y tila naiiwan ng panahon
Ngiti ang sagot sa bawat tanong
Ngunit hindi ang siya ko ngang tugon

Tanong na tila humahamon sa katauhan ko'ng malamya
Tanong na malalim ang mga kataga
Tanong na iniiwasan ko'ng tumaga
Sa pusong takot nang muli pang mapiga

Takot lang ako na baka meron akong masaktan
Ang siya ko'ng laging sagot at dahilan
Ngunit ako nga ba'y tumatakbo lamang mula sa nakaraan
At ang totoo ako'y takot na muli nang masaktan?

Hindi hindi.
Sadyang ako'y iba lamang mag-isip
Hindi puso ang umiiral kundi lagi ang isip
Sapagkat ako'y pagod na sa mga panaginip
-JGA
Pusang Tahimik Jun 2022
Nauubos na ang batang namamangha
Sa mga mahikang angkin ay pambihira
Tuldok ang sukli sa isip na puno ng katha
At pinako ang tingin sa mundong mapanira

Wala na ang ligalig sa puso at isip
At ang mga bituin ay di na sinisilip
Nangadilim ang paligid sa bawat kong pag-ihip
Sa apoy na waring ang ningas ay pinipilit

Ang pag pakli ng panahon ay isinusumpa
At ang bawat pahina'y lumalalim ang salita
Hanggang kailan kaya guguhit ang paksa
Nang panulat kong nauubusan na ng tinta
By: JGA
Pusang Tahimik Feb 2019
Nagising mula sa maingay na telepono
Tinig na bumabati ng isang maginoo
Maligayang kaarawan saad ni Piccolo
Bumangon ka na riyan at pumarito

Katawan ay nakapako pa sa higaan
O, bakit ba kay lambot nitong aking unan?
Ang bumangon ay tila palaisipan
At ang panaginip ay nais pang balikan

Ngunit tatayo na upang mundo ay harapin
Sa labas ng pinto katotohana'y malagim
Sa likod nito ay papanhik pa rin
Sapagkat ang tumanggap ay natutunan ko na rin

Sa lugar kung saan ang lahat ay gaganapin
Lahat ng handog at pagbati ay tatanggpin
Ngunit tila nasa gubat at nag-iingat pa rin
Sapagkat maging sa mga banal ay may ahas pa rin

Sa wakas ang araw ay natapos na rin
Bulong sa sarili na tila ba aantukin
Ang araw na ito'y tiyak na lilimutin
Nang taong sa tiwala'y may suliranin
JGA
Pusang Tahimik Dec 2021
Tahimik na tubig na laging kinukutaw
Waring pinupuno hanggang sa umapaw
Ang kung dilim ay nangingibabaw
Magtakang papatayin ko ang aking ilaw

Lumulubog sa maalon na panahon
Nasasawi sa bawat pagkakataon
Wagi sa araw ay hindi lagi ganoon
Sa pagsapit ng gabi luray kung magkataon

Sa pisi ay sagabal ang tingin
Sa kapayapaan sarili'y binibitin
Sa taga na walang sawang aaliwin
Naglalaro kaya hindi puputulin

Saksi sa paglubog ang araw at buwan
Sa mga matang lubos nang natuyuan
Itatago ang musmos ng tuluyan
At ilalabas ang isang makapangyarihan

Ang malamig na walang inaasahan
At hindi mag-iinit sa bawat kinabukasan
Ang bawat sugat ay tinutuluyan
Gaya ng tahimik na tubig sa dalampasigan

JGA
Pusang Tahimik Feb 2019
Buhay ang tula
Dulo ay may tugma
Mga salita'y umaakma
Sa damdamin ng may akda

Huwag ka'ng mabibigla
At manatili na mamangha
Sa mga liham na katha
Na isip ang lumikha

Ang pagsuyo ay makata
Na walang pag-aakala
Ang tiyakin ay abala
Tiyak **** makikita

Ang paksa ng tula
Ay tiyak sa simula
Suriin ang salita
Sa puso ay nagmula

Ikaw ay mapapaibig
At titikom ang bibig
Manlalambot ang bisig
Sa tula na may tinig
By: JGA
Pusang Tahimik Oct 2021
Ako'y tila papel na madaling tangayin
Dinadala sa kung saan ang ihip ng hangin
Ako'y tila pangarap na nais abutin
Sapagkat mula sa lupa ako'y titingalain

Ako'y nandidilim sa ibabaw ng lupa
At pinipigil ko ang pag patak ng aking luha
Ang aking ngitngit ay kulog na nakabibigla
At kidlat ang lumalabas sa tuwing magsasalita

Dumating ang panahong hindi ko na kaya
Ang bigat ng hirap ay sukdulan na
At ang aking luha ay pumapatak na
Ang lahat ay ibubuhos ko na!

Sa bigat ng paghihirap na pinapasan ko
Ay dilim na tila tinakluban ang pag-asa mo
At kapag naibuhos at umaliwalas na ako
Ang araw ay sisilip na tila pag-asa mo

Riyan sa malayo ako na lamang ay masdan
Sapagkat ako'y di mahahawakan kahit sa malapitan
Ngunit pumarito ka't ipararamdam ko ang kaginhawaan
Dito sa alapaap ng walang hanggang kalayaan

- JGA
Una
Una
Pumarini at kinutaw ang kalma
Ng tubig na sa sariling mundo ay abala
At nang magulo ay bumaha
Sa emosyong hindi maapula

Waring nagtatambol ang dibdib
At ang isip ay nagtatalo kung panaginip
Sumasayaw sa gitna ng init
Habang nalulumos sa bagyong nagngingitngit

Sa libro na kabanata ay wala
Unang pahina ay nagawa
Mga pangyayari ay naitala
At ikaw ang unang nakatala

Ngunit kung gaano dumating
Ay ganon din kabilis na nawala
Waring kidlat na gumihit sa katha
Hanggang ngayon ako'y nananaginip pa kaya?
JGA-
Pusang Tahimik May 2021
Teka ako yata ay nagkamali
Sa pag bilang ng bawat sandali
Ang pangako nga ba ay nawaksi
Sa salitang hindi ako nagmamadali?

Magandang rosas kahit matinik
Ang makita ka'y nakasasabik
Matinik man ay di iimik
Ang pusong lagi lang tahimik

Oo na, pagod na akong maghanap
Sa ibabaw ng lupa o alapaap
Na makakasama ko sa pangarap
Pwede ba'ng ikaw na lang ang pangarap?

Pero tila yata nahihibang
Kung mali nga'y nabubuang
Ngunit diwa'y gising na nakaabang
Kikitilin ang pusong nalilibang!

Untitled.
JGA
Pusang Tahimik Feb 2023
Dumating na nga at ako ang nagwagi
Sa larong alam kong ako ang masasawi
Kaya nama'y tuluyang ikukulong at itatali
At tuluyang ako ang sa inyo'y maghahari

Wala nang dapat pang pag-usapan
Ako ang wagi sa tunggalian
Itatago ko na kayo sa kailaliman
Sa madilim at malungkot na kadiliman

Yayakapin ang ginaw sa taglamig
At papatayin ang apoy ng tubig
Wala nang lambing mula sa bibig
At papatayin ko na ang pag-ibig
JGA

— The End —