Ilang dekada na ba ang lumipas
mula nang huling namúti
ng mga labong sa kawayanan
sa dulo ng kapirasong lupang
minana sa kanunuan ng angkan?
May bakas pa sa daanan ang dug-out
na tinabunan na ng mga naputol
na sanga at mga winalis na dahon,
naputol na sanga at bubot na bunga
ng mga chico, caimito at mangga,
na palaging inaakyat ng mga kuya
at nang-iinggit pa kunwari tuwina
at pagkababa’y mamimigay rin pala -
dug-out na tagapagligtas, taguan
noong panahong tila baga’y kani-kanina
lamang, sa mga mababangis na kempeitai,
sa malupit na pandaigdigang giyera.
Halos nalipol ang angkang bansag ay bisero,
umangat sa buhay dulot ng mga alagang kabayo
pagkatapos ng Liberation naging kaminero
mga kabayo’y kinatay ng mga bakero
na sila ring nambayoneta ng maraming tao
pagsaksak patulák sa balong igiban ng baryo
pati mga musmos at mga inang nagpapasuso
kulóng sa kamalig, sinunog nang buhay, at naabó.
Tila nakalimutan na ang madilim na nakaraan
at walang napulot na aral sa kasaysayan
ngunit natakpan man ng ningning ng mga ilaw-neon
at malawak na highway ang dating batalan at tuklong
Ang lansa ng dugong namuo sa balon sa sinturisan,
palaging nagpapaala-ala ng damdaming kinukuyom.
At ngayon,
wala nang mananakop na Hapon.
pero may pumapasok na bagong panginoon -
Handa nang himurin ang puwit ng mga Tsinong maton.
Brewed Coffee - 11; 11th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.