Madilim ang paligid at umiiyak ang langit
Ibinuhos ko sa tahimik na paghikbi
ang lahat ng kinikimkim na galit
Sa lahat ng humusga at sa aki'y lumait
At sa mga lalong nagpabigat ng bitbit kong pasakit,
Hinayaan kong bumaha ng luha sa munti kong silid
Habang minamasdan ang mga larawan ng nakaraan
Doon sa isang gilid,
Hinayaan kong kumawala
Ang nagpupumiglas na mga luha
Na itinago ko ng panahong napakahaba
Sa loob ng kulungang ako mismo ang gumawa
Kulungang ako mismo ang lumikha.
Tapos na ang panahon ng pagpapanggap
Panahon na upang harapin ko ang reyalidad.
Patila na ang ulan at paubos na ang luha
At sisiguraduhin kong sa pagpatak ng mga huling butil nito lupa,
Ay uusbong ang bagong simula
Uusbong ang bagong "ako"
Sa aking pagtahan ay kasabay ang pagbabago
Sa pagtila ng ulan,muling sisilay ang magandang araw
Na magbibigay ng kulay sa mundo kong kay panglaw
Sa aking pagtahan haharapin ko ang aking kinatatakutan
Sa aking pagtahan haharap akong mas palaban
Sa aking pagtahan muli akong ngingiti
Sa aking pagtahan,kakalagin ko ang tali,
Taling pumipigil sa aking aking paglago
Sa aking pagtahan ay uusbong ang isang bagong "ako"
Sa aking pagtahan,hindi na ako muli pang magpapatalo
Tandaan mo yan: Itaga mo pa sa bato!