Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Stephanie Jan 2020
Ikaw ang takbuhan sa mga oras na walang wala..

Ang ibig kong sabihin sa walang wala ay yun bang walang wala na kong maibuhos na luha,

Walang wala na kong malapitan,

Walang wala na kong makapitan,

Wala nang gustong makinig,

Wala nang interesado, naubos na kasi ultimo ang para sa sarili.

Ikaw lang ang natatangi.

Ang lakas pala ng loob kong magalit sa mga mang-iiwan, naisip kong wala rin pala akong karapatan.

Ganoon din ako..

Binitawan kita kapalit ng kasiyahan.

Nakangiti ka sa akin habang hinahatid ako sa napakagandang hantungan.

Baligtad na ang mesa.

Nandito na ko.... muli.

Lalakad patungo sa iyo na may dala dalang pluma at papel

Iguguhit ang pait, ngingiti dahil ito na naman tayo sa puntong ito at hindi ko mahanap ang mga tamang salita

Nalimot ko na ata ang tamang pakikipagtalastasan.

Alam kong mauuwi na naman sa tipikal na kamustahan.

Hindi ko inakalang babalik tayo sa nakaraan habang umuusad ang mga kamay ng orasan

Mapagbiro.

Hindi ako handa sa pagsalubong ng taon

Bakit ko nakikita ang mga aninong matagal nang nilamon ng liwanag

Bakit muling nagdurugo ang mga sugat na matagal nang naghilom

Hindi ako naniniwala sa swerte.

Walang swerte. Walang sumugal na hindi natalo.

Buti na lang mayroon akong babalikan.

Ikaw yung kaibigan na hindi lumilisan.

Matagal ang isang taon,

Sumulat ako ng mga tulang kawangis mo

Binuo ko sila na parang mga bahagi ko

Akala ko ay tapos na...

Kung ang pagsulat ay paglaya, hindi ba dapat ay nakakalag na sa akin ang tanikala?

O mali.. baka wala talagang paglaya

Paano kung nililibot ko lamang ang malawak na hawla nang may huwad na pag-asa?

Minasdan ko ang obrang nilikha ng dekada,

Makulay, sa unang tingin ay puno ng pangarap

Parang nobelang nagsasalaysay, at kapag naroon ka na sa kasukdulan ng tunggalian,

Nanaisin **** isara ang pahina..

Makikiusap ang nobela sa isang pagkakataong sana'y siya ay tapusin hanggang huling kabanata...

Napaluha ako ng matindi dahil isa pa lang trahedya ang nobela.

Teka.. teka..

Buburahin ang ilang metapora.

Masyadong madrama.

Malayo sa imaheng gusto kong makita at ipakita

Ngunit tila hindi hawak ng aking kamay ang panulat,

Hinablot nang marahas ng pusong gustong kumawala

Ganon ata talaga sa muling pagkikita pagkatapos ng matagal na pagkakawalay...

Puno ng emosyon.

Magugulo ang burador, wala nang patutunguhan ang tula.

Hindi bale.

Hindi naman dapat na maging maganda ang porma ng tula,

Hindi importante ang sukat at tugma,

Sa susunod na babasa ka ng tula,

Nagbibigay ka ng tunay na pag-asa sa may akda.

Kasinungalingan ang bigkasing masaya ako, ngunit aaminin kong may tuwa, may katiting na pagsigla sa muli nating pagkikita,

Maraming salamat, Sining ng Malayang Pagsulat.
This is my another piece which is written in Filipino. And, it is a free verse poem.
carapher Nov 2015
Oo naaalala kita.
Oo naaalala ko ang bawat oras
na di kita kayakap
sa panahon na handa kong ibigay ang bawat yakap
na ibibigay sakin ng kahit sinong tao at kahit gaano karaming tao para lamang mayakap ka muli
kahit iisang beses lamang.

Oo paminsan minsan bumabalik ako sa dating ako
na hinahanap-hanap ka
sa kahit anong lugar na pupuntahan ko
at porma ko
na tila pupuntang prom
dahil nagbabakasakali makita mo ako
at
malaman mo na ako na pala ang tanging hinihiling mo;
at hindi na siya.

At hindi na ang pangarap mo sa isang perpektong tao.
At hindi na akong nais **** magkaroon ng taong hindi kasing gulo ko.
At hindi na ang hinahanap **** kinabukasan na madali,
na konbensyonal,
na mataimtim, na katulad ng pinangarap ng magulang mo,
na katulad ng ginawa ng mga kapatid mo,
na katulad nalang ng mga nakikita mo sa teleserye at sa libro,
na katulad ng inaasam at hinihiling sayo ng bawat tao.

Hinihiling ko noon na makikita mo ako isang araw
at handa kang bitawan ang lahat ng alam **** tama.

Hinihiling ko na ako ang taong magiging dahilan ng paglawak ng mundo mo.

Hinihiling ko na ako.
Hinihiling ko na hindi siya.

Sino  ba siya?
hindi naman siya totoo eh.
Nasa utak mo lang siya.
Siya ang hinahanap mo pero kailan siya darating?
At alam ko kung darating man siya,
hindi matutumbasan
ng kombensyonal niyang pagmamahal sayo
ang pagmamahal ko sayo
na hindi mo pa nakikita sa kahit anong pelikula o teleserye,
nababasa sa libro,
o nakikita sa mga tao sa paligid mo.

Hiniling ko na ako nalang.

Kaya oo, naaalala kita. araw-araw.
gabi-gabi.
Kada gabi na naguusap tayo
dahil tapos ka na sa araw **** kahahanap sakanya
at sa gabi
kung saan narerealize mo na pagtapos ng araw ako nalang ang mayroon ka
at ako nalang
Ako nalang
Ako nalang
Ako nalang.

Palaging nalang.

Bakit hindi pwedeng ako lang?
pero ayos lang.
Dahil ayos.
Dahil ayos lang saakin ang ganito na hinahanap mo siya
pero ako ang inuuwian mo.
Ayos lang.
Oo naaalala kita,
Hindi ka umaalis sa isip ko.
Naaalala kita
kahit hindi mo ako naaalala.

Naaalala kita at ayos lang ito.
kingjay Jan 2020
Sa kanyang himig ako'y nahahalina
Magkasintunog ng mga ibong malaya
Umiindayog sa puso ko't pagsinta
Misteryosong dilag, sino s'ya talaga?

Sa tuwing napapanood 'y anong ganda
Mata'y matimyas na tala sa umaga
Tanglaw sa daigdig na puno ng hiwaga
Liwanag sa bukang liwayway 't hiraya

Manipis ang labing kakulay 'y makopa
Malamyos ang tunog ng bawat salita
Halik ng anghel ang dapyo ng hininga
Halimuyak ay buhay, di nawawala

Kahit panlalaki ang gayak at porma
Na kanyang ginampanan sa prima donna
Munting lawiswis na lupaypay 't mahina
Nang lumaki'y diwata sa encantadia

Ang isip ko ay kinabig 't kinawawa
Ginapos nang mahigpit ng kanyang drama
Madalas ay namumugto ang mga mata
Kapag nasisilayan s'yang lumuluha

Huwag sana pabugso bugso't pabigla
Ang tibo niyang pangungusap at banta
Sapagkat nababagha't natutulala
Damdami'y pinamumugaran ng kaba

Sa kumpas ng mga kamay ay humahanga
Isang paraluman na ang kiyas 'y siga
Hudlum sa kanto na mahal ang pamilya
Pinakamatapang na lahing Claveria

Sa likod ng pagganap ano nga ba s'ya?
Sapantaha ko ay magalang na bata
Binibini at dalagang Filipina
May puring Perlas ng Silangan ng Asya

Lingid sa kamalayan nang napahanga
Sa kanyang angking galing bilang artista
Dagdag pa ang sayaw n'yang mala-prinsesa
Sa makabagong tinikling, siya'y reyna

Araw 'y nakahilig sa katanyagan n'ya
Harap 'y pangarap na sinasalubong pa
Hiyas s'ya sa mundo na walang kapara,
Kumikinang at nagbibigay pag-asa
George Andres Oct 2016
Maari ko bang masabing, iniiwasan ko ang pag-ibig?
Para bang sinasabi kong pinipigilan ko na ang huminga?
Lumanghap ng buhay at magtaboy ng karamay?
Sinasabi ko ring araw-araw na ang aking lamay

Hindi ako sumusulat ng tula ng poot
Pawang pag-ibig lamang na sa dugo'y nanunuot
Pagkahalina sa pag-iisa at paglalakbay
Pag-ibig na lamang ang sa tao'y bumubuhay

Iniibig ko ay hindi ang tinubuang lupa
Kundi sa mundong unos na ang sinagupa
Hinati ng porma ng pag-ibig sa sarili at kapwa
Nang bakuran, tinatawag nating ngayong mga bansa

Kung ang ideya ng mga tao'y di magkakapareho
Paanong lahat tayo'y magkakasundo?
Pag-ibig na dalisay sa pagtanggap
Hindi huwad, malinis at di nagpapanggap
10716
Dilaw na trayanggulang babala
Ilang hugis lobo na sayad sa lupa
Parisukat na alaga'y basong nag-iisa
Naghihintay sa ekstrangherong sasaling muli
Nang ang dati'y maitapon
Ang bago'y maidampi na sa uhaw na lalamunan.

Naglaho sila't nagsipangwala
Ang lupa'y hati sa sukat na pantay
Nilamon ang mainit na hangin,
Umihip ang taglamig na hindi nyebe
Bumulong sa akin, ngunit walang pahiwatig.

Tila namamasyal ang telang marumi
Pupuswit ang tubig mula sa bibig
Ipon nya'y kayrami,
Bukas sana'y maubos na ang mga ito
Nang ang dungis ay pahiran din ng malinis na likido.

Parehas ang kulay ng tumawid sa linyang puti
Higit sa isa ang bawas na sinyales
Akala ko'y kilala ko, ngunit naglaho sa usok
Ang apat na bilog na itim,
Gumulong at rumolyo sa aspaltong pulbura.

Itong may pula ang sutla
Itim ang tangan na may kasama pa
Bumungad at inihaing may lista
Ngayon pala'y may salamin sa harap
Malayo ang hugis at ang porma
Hindi ko na binalingan ng pansin
Ngayo'y laos na ang bawat eksena.

(6/3/2014 @xirlleelang)

— The End —