Paano ba simulan ang isang tula?
O dapat ba ito'y hayaang ilapat ng tadhana.
Tulad ng isang gabing mahiwagang
May simula kahit di sinimulan, magkakawakas nang di winawakasan.
Kung saan sana'y di na nagtitigan kasing lalim ng kalawakan
Di na nagtawanan sa gitna ng Univ. Ave.
Mumunting pigurang di umiilag sa sasakyan
Ngunit patuloy ang pagbangga sa isa't isa.
Kung saan sana'y di na hinawakan itong kamay
Kung sa pagbitaw, mas matinding kapasuan.
At sa mata ng buwan, sa baba ng tulay sa Philcoa
Di na sana hinagkan na parang tayo'y sa isa't isa.
Paano nga ba sinisimulan ang isang tula?
Bakit ito'y mahirap kumpara sa pagwawakas?
Maaaring madaliin pag nais na
O basta na lang iwan sa kalagitnaan.
Pero ang mga tula, ay mga marka.
Itatago ko't babalik-balikan
Parang noong gabing tayo'y naglalakad
At andiyan ka pa.
02/08/17