Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Andrei Corre Aug 2017
At sa pagkagat ng dilim
Kasabay ng pamamaalam ng araw sa'tin
Mahihimlay ko sa sulok ng apat na dingding
Huhubarin ang mga ngiti, ipapahinga ang bibig at ibababa ang hinlalaki kong kanina pa nangangawit
Sa kapapaalala sa mundo na ayos lang
Na makakatagal pa ko ng kahit sampung minuto

Sampung minuto---
Ito lang ang kailangan para tuluyan nang tapusin ang sinimulang kwento natin
At sampung minuto para dapuan ka nila ng tingin at sabihin sa'king
Kailangan na kitang talikuran
Ngunit di na ko inabot ng sampung minuto pa para pakingga't tupdin sila
Dahil sampung segundo lang---
Isa, dalawa, bitaw na, bitaw
Lima, anim, ayoko pa, ayoko pero
Siyam, sampu...ay nagawa na kitang bitawan
Ang sabi kasi ni nanay ay di ka nararapat para sa'kin
Sabi ni tatay pag-aaral ko muna ang atupagin
Ang sabi nila ay dapat ko silang sundin
Ang mga bumuhay at nag-aruga sa akin ay dapat na lagi kong susundin

Huwag mo nang gawin yan, ito ang mas bigyan **** pansin
Di yan makabubuti para sa'yo, bat di mo na lang tularan ang kapatid mo
Ang lalaki dapat ay matikas
Ang tanga tanga mo, wala kang mararating diyan
Kahit sino kayang makagawa ng ganyan, magsundalo ka na lang
Dinaig ka pa ng nakababata sa'yo?
Dapat pareho kayong tinitingala ng tao

Kaya't binigo ko ang nag-iisa kong pag-ibig at sumuong sa digmaang di ko kailanmang naisip
Dahil dapat lagi pa ring susundin ang mga bumuhay at nag-aruga sa'kin, mga bumuhay at nag-aruga sa'kin dapat kong sundin, ang sa'kin ay nag-aruga't bumuhay lagi pa ring susundin
Nay, yakapin mo ko't pahupain ang hapdi
Kaya, Tay, tapikin mo ko sa balikat at sabihin **** tama ang ginawa kong pagtupad sa pangarap mo
Dahil tapos na tapos na ko
Pagod na pagod na ko
Sa panonood sa pagkislap ng mga mata ni bunso
Mga kutikutitap na di mapapasakin dahil ang mga mata ko'y namumugto
Mga matang naniningkit na katatanaw sa sarili kong mga pangarap
Dahil ng mg paa ko'y habol ang bawat dikta't kagustuhan niyo

Sawa na kong pilit pantayan si bunso
Dahil kahit anong gawin ko'y di bubukal sa'kin ang kaligayahan
Di tulad niyang may malayang kinabukasan
Ako'y may busal ang bibig, may taling mga kamay, nakakulong sa ekspektasyon ng sarili kong mga magulang

Pagod na ko, ayoko na
Ayoko nang marinig ang "Tingnan mo siya,buti pa siya, mas magaling pa siya..."
Hindi ako binigay sa inyo para ikumpara niyo sa isa niyo pang anak at sa anak ng iba na hinihiling niyong meron din kayo

Gusto ko lang naman marinig na may tinama ako kahit papano, kahit kapiranggot
Gusto kong marinig ang "Salamat" at "Mahal kita" at "Ipinagmamalaki kita" dahil tapos na tapos na ko
Pagod na pagod na kong
Habulin ang liwanag ng talang matagal nang namatay sa kalawakan
Kaya Nay, Tay
Ako po muna
Ako naman ngayon...
elea Oct 2016
Takot ka?
Sabihin mo sakin Takot ka ba?

Hindi tayo isang pelikula na ginawa para mag paiyak ng batang madaling mapaniwala.
Hindi tayo pag susulit sa matematika na gustong iwasan ng lahat sa takot na bumagsak sila.

Oo takot ka.
Ako din naman.

Nanginginig ang kamay ko sa takot na baka kahit piling piling mga salita ang gamitin ko ay mali parin ang aking maisambit.

Hinagpis.
Hinanakit.
Kapit.
Kaya pa ba?
Sabihin mo sakin kaya pa ba?

Ipagpapatuloy pa ba nating ang pag tupad sa mga pangako.
Pagtupad sa lahat ng mga "Itaga mo sa bato..."
O, iiwan nalang natin itong nakabinbin sa dating tayo.

Tayo.
Meron pa bang tayo?

Nasaan na yung ikaw at ako.
Nasaan na ang mga salitang "Hinding hindi ako magsasawa sa iyo".
Napagod ka na bang punan ang mga pagkukulang ko?
Kailan ka kaya makokontento.

Takot nakong tumingin sa karimlan ng langit na baka may isang bulalakaw ang mapadaan at hilingin kong tayo nalang palagi.
Hindi naman maari.
Napapagod din ang damdamin.
Hindi na alam ng tadhana ang gagawin.

Pagod ka na ba?
Sabihin mo sa akin pagod kana ba?

Kasi ako Oo.

Ayokong katakutan ang bukas.
Ayokong manghinayang sa kahapon.
Ngunit Mahal pagod na ako.
Pagod na ang puso matakot.
Nahihirapan na ako huminga sa hindi mo pag pansin sa patuloy kong pagkapit.
Gusto ko ng matapos ang pag hikbi.
Ano pa ba ang silbi.
Ako nalang ang natitirang sundalo.
Wala kahit na anong baril na dala.
Sugatan na tumatakbo.

Tama na.
Talo na.

Pagod na ako sa pagiging hindi sapat.
Hindi ko na mawari kung ano pa ba ang dapat.
Patawad mahal sa pag suko.
Pero eto na ata.
Tapos na ang gera sa isip at puso.
Tapos na tayo.
-dito ko nalang idadaan ang ninanaais kong sabihin dahil hindi ko kayang makita ang iyong mga mata na patuloy paring nagpapanatili sakin. Patawad pero tapos na ata ang kwento ng Tayo-
Hindi ko alam kung bakit pa nagtataka,
Kung bakit pa nagtatanong kung may pag-asa pa,
Bakit pa nga ba aasa pa?
Kung ang pag-asa ay sa simula pa lang ay wala talaga.

Ilang taong  nagsikap para makita mo na ang pagmamahal ko ay hindi katulad ng kaniya,
Para kapag sinabing “nag-iibigan” ay tayo ang magiging kahulugan at hindi ang halimbawa,
Na hindi na mananatiling konsepto ang “magkasama tayong tatanda”,
At hindi na mananatiling pangako ang “hindi ka na mag-iisa”.

Pero ang tayo’y parang ningas na hindi man lang naglagablab ay namatay na,
Parang apoy na hindi pa man nagbaga ay agad inapula,
Na hanggang ngayon tinatanong kung bakit nagpipilit umalab para sa iba,
Kung kaya namang huwag upusin ang mga sarili sa piling ng isa’t isa.

Ako’y nakagapos sa iyong pagmamahal na hindi naman talaga naging akin,
Kinukulong sa hawla ng kahibangan na baka sakali mag-iba ang ihip ng hangin,
At sa wakas ay ako’y iyong pakakawalan sa kadena ng pag-iilusyon,
Baka sakaling ang tayo’y magiging bahagi ng kasaysayan at hindi na piksyon.

Pero ang kasaysayan nating hindi pa man nagsisimula ay nais nang isulat ng iba,
Isang taong nagsusumikap maging bayani sa bawat yugto, naghihintay na mabigyang halaga,
Na sa akin ay nagtatanong, “magiging tayo kaya?”
At bago siya masagot, ay kailangan pang magtanong sa’yo, “magiging tayo kaya?”

Kasi kung hindi, hindi ko na ipipilit ang sarili ko at tatanggapin ko na,
Na sa pagtupad ng pangarap kong pagpapalaya mo sa’kin sa kadena ay iba ang nakatakda,
At  sa piling niya, baka sakaling makuha kong maging lubusang masaya,
At ako naman, hindi na ikaw, hindi na ang damdamin mo ang nakataya.

Kasi kung hindi, hahayaan ko siyang apulahin ang aking apoy na nag-aalab para sa’yo,
At gisingin ako sa katotohanang nauupos na ako, nauubos na ako,
Na kaya ang tayo ay parang ningas na hindi lumalagablab kasi hindi pala ikaw ang baga,
Hindi pala dapat ako umasa.
Kalawakan Sep 2020
Lahat tayo’y lubak na daan ang tinatahak,
Pagtupad ng pangarap sa buhay ang binabalak.
Maraming sakripisyo ang kailangan,
Upang maging maayos ang kinabukasan.

Karamihan sa atin ay sa Diyos kumakapit,
Dalanging bagong umaga’y sumapit,
Mabawasan ang mga nararamdamang sakit,
Kaya liwanag ng pag-asa ang nais makamit.

Pagdarasal ng mataimtim,
Ang sandata sa daang madilim.
Upang ang liwanag ay ika’y sikatan,
Maging gabay sa landas na walang kasiguraduhan.

Sa Diyos ay nagpapasalamat,
Para sa gabay na walang humpay.
Hiling na magkaroon ng lakas,
Sa pagharap sa  mga pagsubok sa buhay.

— The End —