Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jeremiah Ramos Apr 2016
Bago ka umalis,
Sana pakinggan mo muna ako,
Pakinggan mo ang mga bulong sa isip ko tuwing nakikita ka
Sana hindi ito maging isang alaalang makakalimutan
Mga salitang papasok at lalabas din naman
At sana dalhin mo 'to sa pag-gising at pag-tulog mo
At alalahanin na para sa'yo to.

Hindi na kita mahal
Hindi na kita mahal
Makinig ka sa'kin.
Hindi. Kita. Minahal.
Hindi. Kita. Minahal

Ilang beses ko man ulit-ulitin sa sarili ko
Na minsan nawawalan na ng saysay ang salitang mahal
ang salitang ikaw, ang pangalan mo sa isip ko
Pero hindi pa din nawawalan nang saysay ang mga alaalang naiwan mga alaalang nakalimutan, at 'di ko alam kung tama bang binabalikbalikan ko
Ang gabing napagtanto ko na nahuhulog na pala ako sa'yo

Hindi na kita mahal
Na kahit lahat na siguro ng tulang sinulat ko ay para sa'yo
kahit lahat na siguro ng metaporang alam ko ay na inahalintulad ko sa'yo
Isa kang bulalakaw, isa kang bituin, ikaw ang buwan
Ikaw ang bumubuo sa ganda ng gabi,
Ikaw ang araw, ikaw ang mga ulap, ikaw ang langit,
Ikaw ang buong kalawakan na hindi ko kailanman pagsasawaan
Ikaw ang karagatan, mahiwaga at kapanga-pangambang sisirin,
Ikaw ang apoy, na nagpapaliwanag at nagpapainit ng gabing malamig
Ikaw ang librong 'di ko kinakailangan ng pahinga
Para intindihin ang bawat salitang nakalimbag sa bawat pahina
Ikaw ang sining ko
Ikaw ang tulang ito.
Para sa'yo at tungkol sa'yo.

Hindi kita minahal,
Kahit na lagi kong inaabangan ang mga storyang kwinekwento mo
Na para bang hinahatak mo ako pabalik kung kailan nangyari ang mga 'to
at sinamahan ako para panuorin natin
Kung sino ba ang nandito at nandoon
Kung nasaan ang mga silya, lamesa, pintuan, at bintana
Ang mga pangalan ng mga minahal mo at nagmahal sa'yo na dapat mo na sigurong kalimutan
Kung saan kayo nagkakilala,
Kung anong naramdaman mo nung nahuli mo siyang nakatingin din sa'yo at nagkasalubong ang inyong mga mata
At sa lahat ng storya mo,
Napagtanto ko na ayoko maging parte ng mga storya **** nakalipas. Na sana ako ang storyang hindi mo kailanman iisipin na bibigyan ng wakas.
At ikwento mo din sana ang gabing ito
Ikwento mo ang bawat paghinga ko sa bawat puwang ng mga salita
Ang pagbuka ng bibig ko para sambitin ng tama ang bawat pantig, ang pag nginig ng mga kamay at tuhod ko,
At kung maririnig mo man, ang bilis ng tibok ng puso ko ngayon.
Ikwento mo.
Ibulong mo sa pinakamalapit **** kaibigan, para manatiling sikreto.
Ang tinatagong nararamdaman na 'di mo na siguro kailangan malaman.

Tama lang siguro na magkaibigan tayo,
Kasi
Hindi na kita mahal.
Hindi kita minahal.
Pinilit ko lang ang sarili kong mahulog sa'yo
Pinilit lang kitang mahalin
Para makalimot, para iwanan ang dating naramdaman.

Gustohin ko man ulit-ulitin sabihin sa'yo,
Magsasawa ka sa bawat pantig, sa bawat letra.
Kaya ibubulong ko na lang sa sarili ko, para manatiling sikreto
Ang dating nararamdaman na hindi mo na kailanman malalaman.

Kaya bago ka umalis,
Sana pakinggan mo muna ako,
Sa huling pagkakataon pakinggan mo ang katotohanan
Isantabi mo ang mga bulong sa isip ko na napakinggan mo.
At sana tandaan mo na
Dati, at dati lang
Minahal kita.
Para kay __.
Wretched Jul 2015
Madasalin akong tao.
Pagmulat pa lang ng aking mga mata
sa aking unang hinga,
sa pagbuka ng aking mga bibig,
ngalan Niya na ang unang lumalabas,
ngalan Niya na ang aking binibigkas.
Sa bawat umagang gumising ako
na wala ka sa'king tabi,
mas lumalakas ang aking mga dasal.
Umaalingawngaw sa apat na sulok
ng aking silid ang iyong mga alaala.
Yung tipong aabutin ng ilang
dekada bago aking
malimutan ang tinig ng iyong
mahihinhing mga salita.
Ako'y madasaling tao.
Sa ilang beses ko ng
Isinigaw sa langit ang iyong mga
ginawa para mapamahal ka sakin
bakit tila aking pakiramdam
hindi Niya ako naririnig?
Sa ilang beses kong hiniling
na makasama ka,
sa bawat araw na nasa isipan kita,
kulang pa ang mga senyales
na ibinibigay Niya.
Nakakatawa nga lang dahil
hindi ko naman tinanong kung
Pwede pa bang
ika'y mapa sakin
Pero bakit sumasagot
na Siya agad
Na parang hindi maaari?
Pero itinutuloy ko pa rin
ang aking pagdadasal
at baka sakaling mapag bigyan.
Hanggang sa umabot ako
sa lugar na
sa aking pakiramdam
hindi naman sapat ang
pagbulong ng dasal.
Na hindi na sapat na
iiyak ko na lang
lahat sa mga paa ng imahe Niya.
Na dapat siguro
hindi lang saming dalawa ng Diyos
ang aking mga hinihiling.
Aking gagawing dasal
Ang iyong pangalan
hanggang sa mabingi ako
sa bulong ng bawat santo.
Hanggang sa masunog ang dila ko
Sa *Amen
ng bawat pari ng simbahan.
Hanggang sa malunod ako
sa mga dugong luha
na iniyak ng birhen.
Kailangan ko lang
na iparamdaman Nila
na ako'y naririnig.
Kahit ang aking mga pinaka
tahimik na sigaw para sa pangalan Niya.
Isisigaw ko ang bawat rason
kung bakit labis na
Minahal kita.
Ngunit ako'y nagbabakasali lamang,
alam kong hindi lang ako
ang Kanyang anak
pero sana
kahit isang beses lamang
sa milyong daan kong pagsabi
ng pangalan mo sa Kanya,
kahit isa lamang sa
kung sino man ang nasa itaas;
nagbabakasakali lang akong umabot
sa langit ang aking mga dalangin.
Hanggang sa mahalin mo ako
magiging madasalin akong tao.
Tahimik na kalangitan
Buo ang mga ulap
Maaliwas, o kay sarap pagmasdan
Maliwanag, walang dilim na maaninag

Mga ibong humuhuni malaya't maligaya
Linilibot ang kalangitan punong puno ng kalayaan, sinasariwa ang preskong hangin'g bigay ng kalikasan.

Sanay inyo ring marinig ang mga huni ng mga ibong nawalan ng tirahan,
Sa pagputol nyo sa kanilang pinapangalagaang tahanan.
Na sa bawat pagbuka ng bibig ay ramdam ang bigat na kanilang dinadala't, dinaranas
Sana'y pagbigyan kahit minsan lamang
Ang hiling ng bawat nilalang.

Ang buhay ng tao ay tulad din ng mga ibon sa kapaligiran, malayang pumili,malayang maglakbay, malayang piliin ang gustong tahakin sa kani-kanilang buhay. ngunit may ibang ipinagkaitan labag man sa kanilang kalooban tuloy padin ang laban tungo sa magandang kinabusan.

Sana'y imulat nyo ang inyong mga mata
Pakingan ang mga hinaing ng mga taong pi'lit makamtan ang magandang umaga. Ngunit may narinig ka ba? Hindi ba't wala?! Hirap man, pagod, at walang makain. Pero ito ba ang basihan? upang sila'y pagkaitan ng pag-asa.

Tulad din ng mga ibon sa malawak ng karagatan, gaano man ito kalawak, gaano man sila katagal maghanap,
Magtyaga't, maghintay, magtiwala ka lang dahil ang bukas ay hindi natatapos ngayon, kundi magsisimula pa lang ulit bukas.

Humayo ka't ipagaspas ang iyong pak-pak, lumipad ka't abotin ang iyong mga pangarap. Lipad munting ibon huwag kang huminto't ibangon muli, ang minsan mo ng nasirang tahanan

Tulad din ng isang ibon, maging malaya ka't maging masaya.
Chris Balase Aug 2018
Sa pagbuka ng liwayway
Kasabay ng sikat ng araw
Na dumadampi sa aking
Mga panaginip na ligaw

Minsan, sa aking pagbangon
Kasabay ng pagbawi ng unos
At paglubog ng ngiti
Ay mga luhang kusang umaagos

Minsan, sa kabila ng aking
Pagtingin at pagtalikod
Ay nawawasak ang aking
Mga matatatag na bakod

Paminsan minsan,
Naalala kita... tayo,
Naalala ko ang bawat lambing
Ng mga binitawang pangako

Minsan, bumubukas ang mga sugat
Minsan, lumalala ang bigat
Minsan, bunabalik ang nakaraan
Minsan, bumabaliko ang daan

Paminsan minsan, nakikita kita
Sa bawat sulok ng aking ala ala.

— The End —