Ang salita ng hari ay apoy
na nagpapainit sa pugon
ng kawalang-katarungan,
nagpapakulo sa bituka
ng balikong lipunan
kung saan ang kampeon
ng disiplina
ay nagiging kampon
ng pagmamalabis,
at ang pagtakbo ng hustisya
ay nauungusan na
ng pagtakbo ng mga nasisiil.
At sa gitna ng kaguluhan,
sa gitna ng katahimikan
ng karamihan,
mas lumalakas ang loob
ng masasamang-loob,
at lalong lumalago
ang masasamang damo.
Sindilim na ng gabi
ang tanghaling tapat,
sa panganib na ngayo'y
wala nang pinipiling oras
at ang buhay na iyong
pinagkaingat-ingatan,
baka bukas sa kalsada'y
isang mantsang pula na lamang.