Sa ulan naligo nang nagagalak
Bawat patak sa pisngi ay parang biyayang inihahatid
At sa sandaling paghinto ay ang pagbabalik
Paggugunita sa mga araw ng paggiliw
Noong kami pa ay parang langit
Ulap sa paa ko' t bituin sa panaginip
Walang gabi na tahimik
Sapagkat parating may malamyos na awit
Ang pakiramdam ko sa panganorin
Walang hanggan-kataasaan ay di malirip
Ngunit unti-unting nawawari
Kalangitan ay isa lamang bahagi
Kung ituturing ay isangpanig-ibig
Pagkat ang pag-irog ay ganap na pagmamartir
Tinakasan na nakalupasay sa pananabik
Ang sinta ko sa iba kumapit
Naaalala pa nang nakadantay ang kanyang binti
Sa hita ko' t sabay ng masuyong paghalik
Yakap niya sa akin ay napakahigpit
Ngayon bakit kay dali lang sa kanya ako' y ipagpalit
Binigyan man ng malapad na bagwis
Ang bawat wasiwas naman ay dulot pighati' t
Nagpapahiwatig ng pamamaalam na nalalapit
Isang beses lang lumipad, sampung ulit ang hilahil
Tinuring na reyna sa kahariang panaginip
Kahit na inaalila niya' t inaalipin
Para sa akin isa siyang prinsesa na handang isagip
Sa mababangis na lobo' t mga tigreng sakim
Kung maparool man ay hindi itatanggi
Na minamahal siya' t itinatangi
Mapalayo man sa pamilya' t kaibigan siya pa rin ang pipiliin
Namumukod tangi siya, walang kahulilip
Huli na nang malaman ang ibig
Ako' y pala kasangkapan lang sa kanyang ninanais
At upang sa isang tao' y mapalapit
Ginawa niya akong tulay - pantawid
Ano mangyayari sa pakikipagsapalaran sa pag-ibig
Tiyak na maluluray, at dadaing
Dahil sa antak na di naiibsan at naaalis
Duro sa puso' t wasak na damdamin
Nararamdaman ang masidhing lunggati
Na sinilsilyaban sa tuwing ako' y nilalambing
Nasang na sana ay laging magkapiling
Dumadarang na nakatiwangwang di mailihim
Larawan niya' y kinikimkim
Tampalasang kataksilan nailimbag sa isip
Sa mapanlinlang na anyo ng bahaghari
Hubog nito' y lumbay hindi aliw
Hanap-hanap pa rin ang silay ng giliw
Masasadlak man sa landas muli ng pag-ibig
Kung may pagkakataon ay aking hihilingin
Saktan niya sana ako, isa pa at siya' y mamahalin