Ubos na ang mga panahong hindi kailangan magmadali
Yung pagising sa umaga na hindi na kailangan ng nagwawalang awtomatikong orasan
Sa kakamadali ay nalilimutan nating magsoot ng pambahay na tsinelas pagbangon sa kama,
Maging ang pagharap sa salamin at pagbati ng "magandang umaga" ay lipas na
Ang mga pandesal at almusal na dati'y pinagsasaluhan sa lamesa, ngayo'y sa umaandar na sasakyan na inuubos okaya naman minsan ay dumadaan sa isang kainan para doon makakain
Kung noon ay sinusulit ang bawat hakbang ng mga lakad at napapansin ang mga bulaklak at dahon sa iyong paligid
Nalipasan na ng oras ang dati'y hindi ka tumatakbo at nagkukumahog, pinabilis ang pag-asam ng panahon
Kung babalik pa sa kahapon,
Lumipas na ang kapeng ilang beses **** hinalo't di na alam kung tunaw na ba ang bawat piraso ng oras kaya't di na napansing lumamig na sa paglipas ng oras
At sana, sa bawat pagmamadali at takbong gawin para makarating
Huwag mo sanang kalimutan
Na oras man ang kaaway,
Nakadikit ito sa ala-alang bumuo sa pagkatao natin
Muli, ipapa-alala ko na huwag mo sanang kalimutang pwede ka magdahan-dahan
Ipahinga mo ang iyong mga paa
Dahil ubos na ang panahong hindi tayo nagmamadali
Kaya sana, hayaan mo munang mag-isa ang mundo at umupo ka muna sandali
Gumising kang hindi gula't sa nagwawalang orasan at isoot ang sapin sa paang sabik nang ihatid ka sa hapag-kainan
Timplahin mo ang kapeng mainit at hintaying matunaw ang bawat piraso
At doon, malalasahan mo, ang tunay ng sarap ng bawat segundong matagal mo nang hindi napapansing pinapalipas mo