Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
XIII Jun 2015
Ang love story natin
Ay parang kwento ng theme songs ng JaDine
Di ka fan, di mo siguro maaappreciate
Pero kinakantahan tayo ni Nadine Lustre at James Reid

Ang daming tanong nung umpisa
Ang daming pagdududa
Game na ba? Ano na? Sure na ba?
Ang hiling ko, sige na

Para ngang isang pagsusulit
Bawal magbura, one seat apart, walang kopyahan,
Right minus wrong, kung di alam 'wag hulaan,
Kumpletuhin ang patlang, bawal ang tyambahan


Para ngang isang pagsusulit
Pinag-isipang mabuti

Hanggang sa sabi mo, "Oo na.". Yes!
Oh, wala ng bawian, mamatay man, period no erase!

Matapos no'n, nagdagsaan ang mga pagsubok
Katulad din naman sa kahit kaninong relasyon
Pero dahil naniwalang sayo'y may forever
Pareho tayong hindi sumu-render


Pagkat sayo natagpuan ang ipinagkait sa akin
At sakin mo naramdaman and di mo akalain
Ipaglalaban ko
Ipaglalaban mo


Wala na tayong ****, basta bahala na
Alam lang kasi natin mahal natin ang isa't isa
At kahit pa sabihin na, tayo'y di itinadhana
Na na na na na na na na na na na bahala na


Pero katulad din ng ibang relasyon
Lumalamig, parang kapeng napaglipasan ng panahon
Tumitigas, parang pandesal na naiwan sa kahon
Tila di na alam kung san tayo paroroon

Piniling lumayo
Ngunit pilitin man ay bumabalik sayo
Di matatago kahit magpanggap
Ang iyong yakap, ikaw, ang hanap-hanap


Ikaw ang hanap-hanap
Dahil ang puso'y nangangarap
Na magsasamang muli
Na may happy ending bandang huli


Pero di pa tapos
Ang kwento natin hindi pa tapos
Sana'y hindi pa tapos
At sana'y di na matapos

Tatlong kanta pa lang naman
No Erase, Bahala Na at Hanap-hanap
Sana ay kumanta pa sila
Sana ay marami pa

At sana, kahit gaano man karami
Masayang kanta ang maiwan sa huli
Yung may forever, may happy ending
Kaya sige, mag-duet pa kayo *JaDine
Inspired by JaDine's songs, written while listening to them.
To all JaDine music fans! JaDine FTW!!!
All lyrics excerpts are © from JaDine songs: No Erase, Bahala na & Hanap-hanap.
Christien Ramos Jul 2020
Sinabi ko noon sa sarili ko na
kapag dumating ang gabing itutulak táyo ng hangin upang pagtagpuin --
kapag dumating ang araw na pagbanggaing muli ang ating mga damdamin,
silàng may kanya-kanyang hinanaing,

Huwag mo akong yayakapin.

Huwag mo akong hahalikan.
Huwag **** hahaplusin ang mga nanlalamig kong braso.
Huwag mo akong iiyakan.

Ayokong maalala ang kinabisa kong init mo.

Naniniwala ako na sapat na ang mga titig,
ang mga nangungusap na mata.
sapat na ang distansya,
ang espasyo sa pagitan nating dalawa.
sapat na ang iniyak natin noon.
sapat nang hindi táyo katukin ng mga ala-ala búkas.
sapat nang natuto táyo sa kahapon.
sapat nang kilala na natin ang lunas.
sapat nang napatawad kita't napatawad mo ako
at kung paanong napatawad natin ang ating mga sarili.
sapat nang káya mo nang matulog sa gabi
dahil sapat na ring káya ko nang gumising sa umaga.
sapat na ang mga naisulat na liham,
ang mga talatang humihingi ng kapatawaran.
sapat na ang mga musikang sabay nating inawit,
ang mga tonong hindi nagkakapanagpo.
sapat nang mga panyo na lámang ang nakasaksi ng mga hikbi ko sa gabi,
ng mga luhang nahihirapang matuyo,
ng mga pusong magkahiwalay na nagdurugo.
sapat na ang mga alak na nagmistulang kaibigan,
ang mga unan na yumuyupyop sa aking balat.
sapat na ang aking silid na itinuring kong simbahan
dahil sapat na ring paulit-ulit kong ipinagdarasal na maghilom na ang mga sugat.
sapat na ang magagandang gunita,
mga ala-alang ating ginawa.
sapat nang nagagawa mo na muling ngumiti
dahil sapat na ring nagagawa ko nang tumawa.
sapat nang naiintindihan ko na
at sapat nang hindi ka na magmakaawa.
sapat na ang mga regalong aking nagustuhan
dahil sapat na rin ang pagbitiw na hindi ko inayawan.
sapat na ang lakas ng loob na inipon ko dati
dahil sapat na rin ang tákot na naramdaman ko noong iyong sinabing,

"Hindi ka pa pala sapat."
Salamat.

Hindi mo ako masisisi kung minsan na akong naniwalang hindi ako ang nagkulang.

Pero ngayon.
Kapag dumating ang pagkakataon
na muling mag-krus ang ating mga nangungulilang landas,

Hahayaan kitang yakapin ako;
halikan ako;
Hahayaan kong haplusin mo ang nanlalamig kong mga braso at kahit sa huling pagkakataon,
Hahayaan din kitang umiyak

dahil ito na rin ang huling beses na kikilalanin ko ang init mo; at pagkatapos

kalilimutan ko na.

---

— The End —