Sa madilim na sulok ay inaalala
ang mga sandaling noon pa'y sa eskwela
at nahuhumaling sa kamag-aral na dalaga
Lipos ng rosas ang kapaligiran
Kapag siya'y nakikita sa paaralan
Sa isang sulyap niya'y ako'y parang sa ibang kalawakan
Hinati na ng imahinasyon
ang daigdig ko na may limitasyon
Itinago muna ang katotohanan
Para sa kanya'y handang ipagpalit maging ang kinabukasan
Sa alon ay nagpapaanod
Sa hangin ay naninikluhod
Ibinulong ang tanging hangarin
na sana sa isang araw kami'y magkapiling
Anong saya sa tuwing pasukan
Singko kong baon ay iniipon
Upang sa pagdating ng tamang panahon
Makabili ng bagong damit nang siya'y ligawan
Bakit ko pa ikinakahiya
ang maging isang dukha
Hindi na nga makakain
Nagsusumikap pa rin kahit hinahamak pa ng iba
Marupok ang aking katatagan
Ang dibdib ko'y may malumanay na damdamin
Ni ayaw magsalita at ayaw pumansin
Duwag kapag ako'y salingin
Nanginginig ang himig
Sa gabi'y pinapangarap
si Dessa na nagluningning
Siya'y prinsesa na nakahilig
Sa luklukan
Haring handang pagsisilbihan
Walang mali sa kanyang kagustuhan
Kapag lumalayo na ang araw
na tila pumapa-kanluran
Alaala'y ibinabalik - mahapdi na katotohanan
Sana'y noong nagkakatitigan
Lumapit kapagdaka'y nagpakilala
Kung sakaling ngumiti
Hindi na siya pakakawalan
Sana'y sa simula pa lang
niligawan na ang Paraluman
Kahit tumanggi sa pagmamahal
Mas mabuti na ang umibig kahit nabigo
Kaysa hindi nakaranas ng pagsuyo
Mahirap man - tumanda nang
nagagalak kahit sa isipan
Ngunit ang salamisim kay Dessa ay ayaw ako tigilan
Lumiligalig sa gitna ng aking kahimbingan
Kung mangyari'y maninirahan sa Panganorin ng nakaraan