“Live as if you were to die tomorrow. Learn as if you were to live forever.”
― Mahatma Gandhi
Malaking bahay, maraming pera at katakot-takot na mamahaling mga bagay-bagay. Ito ang pangarap ng marami at pinagsusumikapan ng halos lahat ng taong nabubuhay. Kunsabagay walang masama sa mga ito, ika nga libre lang ang mangarap. Pero hindi lahat ay pinagpala, hindi lahat nagkakamit ng pangakong gantimpala. Kaya nga may mahirap at mayaman. Habang may mga nagpapala sa initan ng kalsada may mga naka-de-kwatro na salaula at mga mapang-upasala sa loob ng aircondition na ‘kwarto.
Masarap maging mayaman, yun bang masagana at hindi kinukulang. Yung kahit anong oras ay ‘pwede kang mag-abroad, o di kaya naman ay kumain sa mga mamahaling restaurants kahit anong oras mo mapag-tripan. Tapos pag summer time na syempre maliligo naman dun sa Boracay. Foam Party sa gabi at katakot’takot na sosyalan sa buong magdamag. Sarap talaga ng buhay ng isang mayaman. Pero anong halaga ng lahat ng mga ito? Madadala mo ba ang laksa-laksang karangyaan na tinipon mo? Diba hindi naman?
Karunungan, ito ang higit na mahalaga – higit pa sa kayamanan. Hindi katalinuhan na nakukuha sa mga aklat at natutunan sa mga mamahaling unibersidad. Ang maunawaan ang katuturan ng buhay mo yan ang importante sa lahat. Ang lubos na maunawaan ang mga hiwaga na nasa pagitan ng pagsilang at ng kamatayan ito ang tunay na kayamanan. Ang umibig at yakapin ang minamahal na parang hindi mo na makikita ang bukas. Katulad ito sa sanlibong sinag ng araw sa iyong puso. Ang makita ang paglaki ng iyong mga anak at makasama sila sa hapag tuwing oras na ng kainan. Ito ang mga tunay na yaman na walang katapat na halaga. Ito ang mga bagay na dapat nating pagsumikapan na makamtan.