Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Pusang Tahimik Feb 2019
Hayag ang liwanag ko sa gabi
Kung walang ulap sa aking tabi
Ako'y malaking ilaw na nakasindi
Na tila hindi napupundi

Ako'y gising sa gabi'ng malalim
At nagsisilbing ilaw sa daang madilim
Ngunit ang lahat ay matatago sa lilim
Kung ang langit ay makulimlim

Ako'y tiyak na masisiyahan
Kung sandaling pagmamasdan
Lumabas mula sa iyong tahanan
At mamangha sa ilalim ng buwan

Buwan ang aking pangalan
Masdan ang aking kagandahan
Bituin ang aking mga kaibigan
At ang tahanan namin ay ang kalawakan

JGA
JGA
kingjay Dec 2018
Lupa't langit ay nakahanay
Tila'y magkarugtong parang itong buhay
Hindi tala sa ibabaw ang magpapailaw sa gabi o ang araw sa ibayo at silangan

Dagat ng dugo, ang luha'y umaagos
ang alon at ang simoy nito ay ang siphayo
Lahat ng ito ay mukha ng buhay na nakalutang

Ang buhangin ay hindi sa bulag
Sa mga mata ito ay puwing
Mga alikabok at abo
ng pangarap na durog at pira-piraso

Iikot ang mundo sa kandilang nakasindi
Kung pagmasdan parang alitaptap
Kahulugan nito'y munti
sinag niyang katiting

Sa tag -araw ay uulan
ng mga butil na panalangin
Marami gayunpaman hindi kasangguni sa panahong yaon

Babagyo't babaha rin ang mga daanan at tulay
Hinagpis ni Inang, hagupit ng kalikasan ay katuwang
Lunurin ang pagmamahal, ang sidhi niya'y damhin

Dadalhin sa sementeryo
at ang lagusan nito ay walang himig
Awitin sa ilalim ng kabaong nakahimlay na walang tinig
Patay sindi ang ilaw sa kwarto. Bawat pagsindi ay napuputol ang tulog na mga limang minuto pa lamang ang tinatagal. Kaluskos mula sa kisame ay pilit na sinasawalang bahala.

Ang salamin sa aparador sa paahan ng aking kama ay mistulang naggiging larawan. Mayat maya'y nagkakaroon ng imahe ng isang babaeng naka trahe de boda. Balingkinitan ang katawan, bagsak ang balikat, bahagyang nakatungo't walang bahid ng kagalakan sa kanyang mukha. Ilang saglit lang ay mawawala.  Dali-dali akong tumayo at binuksan na lamang ang pinto ng aparador. Ihinarap sa pader ang salamin, sabay balik sa aking kama. Ang loob ng aparador na lamang ang aking nakikita. Wala na ang babaeng nakaputi, di narin nagparamdam muli. Nawala narin ang nakakabahalang kaluskos sa kisame. Ang ilaw ay nanatiling nakasindi.

Alas-tres na ng umaga nang ako ay nakatulog. Nagising ng alas-sais at nagmamadaling naligo't nagbihis. Iniligpit ang gamit sa bag, nagsuklay at napaharap sa salamin. Natigilan. Nakasara na ang aparador.

- March 15, 2010, Vigan

— The End —