Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nilawis ng dilim ang mayorya ng mga ilaw sa kalangitan
Ang kapanglawan ng mga ulap na nagdaan ay nakakapangilabot
Kumikinang ang maliliit na butas sa telang itim na tumatalukbong sa himpapawid
At sa bawat minutong nagdadaan may tila bang may naglalaro sa balabal ng karimlan
Tila may kutsilyong pumupunit sa alapaap para makasilip ang liwanag
Ngunit muling isasara ang tastas na nagawa sa segundong ito'y nagsimulang bumuka

May mga bulalakaw na nagpakita.

Tayong limang nakahilata sa kamang kayumanggi na sinapinan ng damo
Agad-agad tumingala sa pag-asang tayo'y makakahiling sa mga nauupos na bato
Ang saglit na gumuhit ang bulalakaw ay nag-umapaw tayo sa tuwa
Halata ang paniniwala sa pamahiing matutupad ang pangarap kapag humiling ka
Sa isa't kalahating segundo na iyon na nagising ang ating mga diwa
Ang mga daliri ay nakaturo sa nagdaang hulagway na hindi na maibabalik

Sabay-sabay tayong pumikit.

At sa pagbukas ng mga bintana patungo sa ating mga kaluluwa
Ang isa sa atin ay nagreklamo; "Hindi ko nakita!"
At sa kanyang pagsamo sa uniberso na magbigay pa ng pagkakataong humiling
Paghalakhak at malarong panunukso ang nakuha niya mula sa atin
Habang ang mapangilabot na simoy ng hangin ay humaplos sa ating mga katawan
At ang katatawanan ay napalitan ng isang tanong walang kasiguraduhan:

"Kailan kaya ulit mangyayari 'to?"

Na tayo ay magkakasama sa isang pagkakataong
Walang inaalalang pagsalansang ng mundong hindi tayo
Na ang tanging balabal na bumabalot sa ating mga puso ay ang yakap natin sa isa't-isa
Na ang kalinawan ng ating mga isip ay nagiging malaya
Magpakita lagpas pa sa pagkislap sa gilid ng balintataw ng mata
Na kung saan, tayong matatalik na magkaibigan,

Tayo ay masaya.

Sa bawat pilit na pag-alpas natin mula sa bisig ng nakaambang
Mapanglaw na kinabukasan, tayo'y palaging magtatagpo dito
—Hindi ko sinasabing sa plazang ito kung saan ang usok ng sigarilyo ay lumulunod sa baga,
Kung saan ang mga punong nakahilera ay nakahubad at dayupay,
Kung saan lingid ang ating kagustuhan gawing tirahan ang tinalikdang plaza na ito—
Kung hindi, dito! Sa pagkakataong busilak ang tawanan at totoo ang ating pagkakaibigan

Sa huling pagkakataon tumingala tayo.

Lubusin natin ang pagkakataong kinakalmot ng mga anghel ang kalangitan
Magpakasasa tayo sa saglit na pinatotohanan natin ang pamahiin
Na kapag humiling ka sa bumabagsak na bituin ito'y magkakatotoo
Na inuulok natin ang isa't-isa ipikit ang mga mata sa bawat ilaw na gumuguhit
Sa himpapawid na madilim na mamaya ay babalik sa maulap na umaga
At sa nagbabadyang pagtatapos ng pag-ulan ng ilaw at muling pagbukas ng ating mga mata

Hanggang sa huling bulalakaw,

Kaibigan,

**humiling ka.
Read more of my works on: brixartanart.tumblr.com
Lunes

Siya ay tatlong-daang talampakan mula sa aking kinatatayuan
Sa kanyang pinaroroonan ako ay patungo
Sa dulo ng pasilyong ito siya'y taimtim na naghihintay
Sinuway ko ang tawag ng kahayokan ng damdamin
At hindi kumatok nang madatnan ang pintuan ng kanyang silid
"Hahayaan ko na lang siyang umidlip." sambit sa sarili

Martes

Siya, isang panibagong habol ng paningin, sumenyas
May ngiti siyang ipinakita bago dumiretso sa kasilyas
Sa silong ng eskuwelahan kung saan ako nag-aaral
Ako'y sumunod sa utos ng aking katigangan
Sumunod sa estrangherong may kislap sa kanyang ngiti
Ngunit dali-dali akong umalis nang mga mata ko'y nanlisik

Miyerkules

Ako ay nakaupo sa dulo ng bus, iniwan ng mga pasaherong inip
Napaisip at nag-iisip na bumaba na ngunit
May sumakay na lalaking marilag at ako'y nabihag
Hindi ko naiwasang hindi tumitig habang siya'y nakangisi
At sa kanyang pagtabi at mag-dikit ang mga biyas namin
Agarang tinawag ko ang kundoktor at pinahinto ang sasakyan

Huwebes

Mag-isa sa aking silid, nakahilata sa kama, Luna sa aking mukha
Ang diwa ay naglalakbay at may hinahabol na alaala
Bigla kong naalala may mensahe sa aking selepono
Isang hubad na larawan ng kausap ko nang wala pang limang araw
Nandilat ang aking mga mata at nagising ang aking diwa
Sa kalakhang kanyang ipinakita na aking di naman gaanong pinansin

Biyernes

Ikaw ay aking muling nasulyapan sa isang kainan
Malapit sa iyong tinitirhan, may kausap sa iyo'y nakikipagtitigan
O sa imahinasyon ko lang iyon?
Ngunit hindi ko maiaalis sa puso ko ang masindak,
Manlumo, malumbay na kaya **** mabuhay na wala
Ang init ng mga balat nating nagtatagpo.

Oh Diyos ko,

Ako'y pagbigyan mo makasama siya kahit isang gabi lang
Isang magdamagang nananaig ang kamunduan
Na maglapat ang aming mga dila
Na masubo ko ang kabuuan niya hanggang mabulunan
Na malasap ang alat ng pawis sa kanyang balat
Na mahila ko ang kanyang buhok sa gigil ng pagkasabik
Na muling takpan niya ang aking bibig, pinipigilan akong umimik

Sabado ng gabi may mensaheng bumungad sa'kin
Kami raw ay mag-hapunan at kumain ng pang-himagas hanggang Linggo ng umaga

At sa pagkakataong ito ay pumayag na ako.
Read more of my works on Tumblr: brixartanart.tumbr.com
kingjay Dec 2019
Kay sarap ng buhay
Sa matimyas na bukang-liwayway
May gintong kumikinang
Kasabay ng liwanag ng araw

Kay gaan bumangon
Aligaga sa sandali
Na makita ang natatanging
Mata niya't mga labi

Ang lunggati sa mga alapaap
Panganorin ay maabot
Nang sunggaban ang mga bituin
Para sa tulad niya - siya ang hiling

Bago pa ang dapit-hapon
Ang takipsilim na inaabangan
May pinapangarap na sa kinabukasan
At panaginip na mapapanaginipan

Sa pagpikit ng mata
Ay nakahilata sa paraiso
Itinuturing katotohanan
Ang panaginip
Ang tanghaling hiraya ay pangyayaring hihintin

Hinga ng anghel
Ang dapyo ng hangin
Luha ng kaligayahan
Sa pagpupunyagi sa karalitaan

Walang tumitagatig
Sa gitna ng kawalan
Noong ako'y umiibig
Ang ngiti ay walang-hanggan

— The End —