Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
renzo Sep 2020
Lantad 'sang digma, sakit laban sa masa.
Bungad sa madla, kalabang 'di makita.
Kailan ba bibisa? Babad sa pangamba,
Basag nang tiwala, saklolo pa'y wala?

Ang pobre'y pilit na tinatanikala,
Layang haring uri'y, 'di binabahala.
Mga biktima ay hindi inalintana.
Nakapagtataka ‘yong pangangasiwa!

Sino ba'ng salarin, sino ba'ng may lagda?
Ano ba'ng dahilan ng pamamayapa?
Corona bang sakit na nakahahawa?
O ang siyang Ulo na namamahala?

Lantad ang huwad nilang pakikisama,
Gobyerno'y siniwalat nitong pandemya,
Idilat ang mata, bibig ay ibuka.
Itanim 'tong aral na sana'y magbunga.
idilat ang mata, gising sa pagkabalisa. 'wag kang matakot magsalita, ikaw ang natitirang pag-asa.
Bb Maria Klara Jan 2021
Ikaw ay isang pambihirang hika
na hindi mailarawan sa anumang wika;
Ang pagnais sayo ay tulad ng ubo,
Sa pagsikip ng dibdib ikaw ay tumubo.

Ang pagtanging naganap ay bukod tangi at
mainit, tila isang pagsibol ng lagnat.
Pangalan mo ay pahirap sa aking lalamunan
daig pa likidong apoy sa matinding inuman.

Tila ako'y nawalan ng panlasa,
sapagkat napaibig sa irog ng masa.
Na-abisuhan man lamang sa idudulot na sakit
ng hamak at panandaliang pagkaakit.

Walang manggagamot ang nakakilala sa kaso
nitong nakakawalang-hiyang trangkaso.
Walang mabuting dinulot sa katawan:
sinumpaang pangangailangan lamang ng laman.

Nawa'y ang pagkalalin ay hindi nakahahawa
sapagkat sa ngayo'y mag-isang tumatawa
dahil sa pagtangkilik lamang ng mga alaala.
(Isa sa mga sintomas na talagang lumala.)

Sa kabila ng pagkilala na ito'y sakit lamang sa ulo;
ipinatili hanggang sa luha ay tumutulo.
Itinuloy ang pananabik sa tuwina,
kunwari ang gawain ay ligtas na bitamina.

Ang ibubunga ay malalaman lamang sa wakas
kung sasapat pa ba ang natitirang lakas
upang sugpuin ang delikadong damdamin
at ang sariling katinuan ay panatiliin.

Sa kabila nga ba ng mga dinanas,
may matatagpuan bang ganap na lunas?
Upang lahat ng aspeto'y manatiling malusog
at sa karapat-dapat na lamang ang loob ay mahulog?

Masakit na uri ng pangangalaga,
ang payapang makakamit ay mahalaga.
Wala lamang ito sa sapat na distansya;
kailangan rin ang pagpaparaya.
2019 was the year of the heartbreak that I thought was going to **** me. 2020 was the year of the virus I thought was going to **** me. 2021 cannot POSSIBLY be worse; this is me synthesizing both killer life experiences thanks
Christien Ramos May 2020
Kumusta?
Hangad kong nasa mabuting kalagayan ka.
Ilang linggo ko nang hindi nasisilayan ang mga ngiti mo;
na kahit bihira,
nakahahawa.
Matagal-tagal na rin noong huli kong narinig
ang ‘yong mga halakhak;
na kahit mahina,
dama ko ang ligaya.
Maging ang katahimikan mo’y
hindi ko pa rin limot
Hindi nakasasawa ang hindi mo pagpansin sa akin.
Huwag ka mag-alala,
hindi ko minamasama ang mga pagsasawalang-kibo.
Sariwa pa rin ang mga pagkakataong lumagpas ka sa harapan ko
Sa katunayan, gabi-gabi kong ipinagdarasal na darating din ang araw na lilingunin mo ako.
At ngayon ngang ‘di tayo nagkikita’t nag-uusap
Yayakapin ko ito bilang paghahanda.

Hindi ba’t pamilyar ka naman sa mga taong sinusungkit ang mga bituin at buwan?
Pagkatapos ay iaalok sa kanilang mga kasintahan
Na para bang mga prutas na hinintay nilang mamunga sa kanilang mga bakuran.
May kakilala ka nga yatang tumawid daw sa maraming ilog at umakyat ng pagkakatayog na mga kabundukan
Sinaluhan sa hapunan ang mga diwata’t
Pumaslang ng mga halimaw kinabukasan;
upang siya’y puntahan.
Marahil ay narinig mo nang may minsang pumasan ng daigdig para sa kaniyang nobya
Ngunit sa huli’y hindi naisakatuparan.
Umasa ang nobya.
Umiyak ang nobya.
Ang nobya marahil ang pumasan sa halip na siya
May isa nga sigurong nagmalaki na bubuo raw ng pira-pirasong ikaw
Na tila kontrolado niya ang mga piyesa ng buhay mo.
Pamilyar, hindi ba?
Ngunit,


hindi ganito.
Hindi ganito ang aking paano.

Oo. Naiintindihan kong ang ilan sa mga ito ay idyoma o eksaherasyon lamang
Pero nangangamba ako na baka pagod ka na;
Na baka nabibingi na ang iyong mga tainga
Sa paulit-ulit na pangangako;
Na kahit ang talulot ng mga mabubulaklak na salitang ‘to ay
tuyo na.
kahihintay sa tapat at sa tunay.

Ayokong magpaganggap.
Pagod na rin akong magkunwa-kunwariang kaya ko ang lahat.
Dahil sinta, hindi.

Hindi ko masusungkit ang mga bituin at buwan
pero handa akong samahan kang panuorin sila.
Hindi ko kayang sa isang araw ay tumawid sa maraming ilog at umakyat ng kabundukan
pero ituturing kong mahalaga ang bawat oras na kasama ka
Aking pagtatrabahuhang makarating sa araw na palagi kitang kasama sa hapunan
at sabay nating papaslangin ang mga pangamba sa umaga.
Hindi ang daigdig; ngunit
Pakakawalan ko ang mga pasan-pasan kong takot;
Kawalan ng tiwala sa sarili;
Ang inggit.
Hindi ito pagbabanta, sinta.
Pero ipanganganak ang mga araw
Na aasa ka;
Na iiyak ka.
Subalit, wala itong kakambal na paglisan.

Uulitin ko.

Ayokong magpaganggap.
Pagod na rin akong magkunwa-kunwariang kaya ko ang lahat.
Dahil sinta,
Hindi

kita iiwan.

Ganito ko marahil sasabihin sa'yong gusto kita
Pakapakinggan mo sana.
---
I miss you, mei ;(

— The End —