Hindi ko mapagkakaila na marahil ikaw na nga
Ang pinakamatamis na tulang naisulat ko
Hindi ako sigurado kung dahil sa ikaw ang unang lalaking hinalikan ko sa ilalim ng bumubuhos na ulan
O dahil binigay ko ang lahat sa laban na 'to
Mula ulo hanggang paa
Mula buhok hanggang kuko
Mula balat hanggang buto
Tagos ang mga salitang yumayakap sakin bawat gabi
Halos hindi na nga tayo matulog diba sa dinami-dami
ng kwentong ibinahagi natin sa isa't isa
Naaalala mo pa ba
Noong sinabi mo sakin ang takot mo sa dilim
At kahit hindi ako nakakatulog ng may ilaw
Hindi ko pinapatay kahit para sakin nakakasilaw
Para sayo
Naaalala mo pa ba?
Noong unang beses kong sinabi na mahal kita
At ang nakakatawa ay ayaw mo pang maniwala sa aking mga salita
Dahil matagal tagal mo rin tong hinintay
Dahil sa ating dalawa
Alam natin na ikaw ang nauna
Naaalala mo pa ba?
Ang mga pagkakataong nagtabi tayo sa kama
Pero iba
Ibang-iba yung unang beses na nagsama tayo
Matapos kong ibigay ang aking "oo"
Naaalala mo pa ba?
Ang iyong paglaro sa gitara
Habang ako'y kumakanta
At sa hinaba-haba ng gabi ay siya lang ang iyong maririnig
Ang ating musika
Na bumabalot sa buong daigdig
Na para bang wala ng ibang tao sa mundo
Kundi ikaw at ako
Tayo, ang bumuhay sa mga nota
Na para bang may sarili silang isip
Sumasayaw sabay sa pag-ihip ng hangin
Sa akin
Alam ko na sa akin ka lang
At sa'yo lang ako
Ito ang binuo nating pangako
Mapa-dilim, o umaga
Maaasahan mo na sayo lang ako
At akin ka lang
Naaalala mo pa ba?
Kung paano mo ko napangiti
Sa simpleng biro mo ay mabilisang tumutupi ang simangot ko
Na sa kahit anong sitwasyon
Gamay mo ang pagmanipula sa aking mukha
Napapatawa
Napapangiti
Nagigising
Napapatulog
Napapalaki ang mga mata sa gulat
Napapakulot ang noo sa alat ng alak
Napapahalakhak
At maski ang aking pag-iyak ay nakabisado mo na
Pero sa lahat ng naaalala ko
Hindi ko na maalala kung paano mo ko hinawakan
Kung paano mo ko sinabihan ng "walang iwanan"
Kung paano mo ko hinagkan na parang wala ng bukas
Kung paano mo ko tinitigan
At ginawang laruan
Na gagamitin pag kailangan
At isasantabi pag pinagsawaan
Na anumang oras ay pwede paring balikan
Hindi ko na maalala kung paano ka nagsinungaling
Na parang henyo sa sobrang galing
Hindi ko maalala kung paano mo ko sinabihan
Ng mga salitang,
"Binibitawan na kita."
Hindi ko maalala kung paano ko hinayaan
Na sumuko ka ng ganon ganon na lang
Hindi ko maalala kung paano mo nagawang
Sabihan ako ng "Miss na kita."
Habang hinahalikan mo siya
Hindi ko maalala.
Hindi ko na maalala.
At ayoko ng maalala.
Sa totoo lang hindi ko pinagsisisihang wala ng tayo
Pero gusto ko lang sabihin sayo na sinisi ko ang sarili ko
Sa lahat ng pagkakamali mo
Para sa mga bakit na hindi nasagot
Paea sa mga sugat na hanggang ngayon ay hindi parin nagagamot
Para sa mga tanong ng madla na pinipilit ko paring ibaon sa ilalim ng lupa at takpan ng limot
Bakit hindi mo siya kasama?
Ah kasi ayaw niya kong makita.
Bakit siya nalasing?
Ah kasi nag-away kami kanina.
Bakit siya umiiwas?
Ah kasi nagsasawa na siya.
Bakit hindi ka na niya pinupuntahan?
Baka kasi hindi ko binigay ang lahat.
Bakit hindi siya lumaban?
Baka kasi hindi ako naging sapat.
Bakit siya naghanap ng iba?
Bakit nga ba?
Bakit pinagmukha mo kong tanga?
Pero hindi tanong ang pinakamasakit sa lahat
Eto
Eto ang hindi kinaya ng puso
Na para bang ayoko ng mabuhay kahit isa pang oras,
Isa pang minuto
Isa pang segundo
Eto ang mga salitang pinamukhang talong talo na ako
"Uy, sabi niya wala na daw kayo."
Konting konti nalang
Hindi na kailangan budburan ng asukal ang kwentong ito
Dahil uulitin ko
Hindi ko mapagkakaila na marahil ikaw na nga
Ang pinakamatamis na tulang naisulat ko
Sayang lang nga
Hanggang tula nalang ito
Sana pala naging tula nalang tayo