Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jun Lit Oct 2017
Tumatalbog-talbog
sa sahig ng aking mga ala-ala
ang bola ng jackstone ng até
at sipang tingga ng kuya

paroo’t parito
ang mga trumpo’t yoyo
sa mga tumpok
ng inipong alabok
ng kabataan kong
inihian ng kahapon
upang maging kalamay
at putu-putuhan
- na waring napanis na
sa paminggalan ng kompyuter
at tuluyang ibinaon
sa puntod ng mga cellphone.

Sa kamposanto ng mga ala-ala
nagmumulto pa rin ang kahirapan
di na kailanman matatakasan

sa bawat lagok,
mainit na humahagod
sa lalamunan ang mga tagpo
sa mga dula’t pelikula
sa pinagpugarang bahay
na ngayo’y nagiba na:
          pagkatapos ng maghapon:
          itutulak mo ang kaning mahalimuyak
          - isinaing ng Inay ang kinandang-laon
          inutang pa sa taga-Quezon
          wala kahit kapirasong tuyong maisabay
          walang iba, tanging ikaw,
          masarap nang sawsawan at sabaw.
Translated as Brewed Coffee III
Benji Mar 2017
Sa sandaling iwan kita,
Ay doon ka naman lalabas
Habang tahimik na nanunulsol,
Upang hindi ako makatakas

Subalit ako'y bukod tanging nasasakal!
Ang hininga'y bumibilis sa iyong pagdating
Pakibit balikat akong nagdarasal,
"Huwag mo sanang tapatan ng iyong patalim."

At sa oras na matapos ang nginig,
titingin nalang sa oras habang nakapikit.
Ang aninong nagmumulto galing nakaraan
Ang nagdala sa aking kinahahantungan.
Agust D Apr 2020
maitim ang gabi
patagong hikbi'y
nagmumulto sa tabi
nagpaparamdam, pasintabi

kwentong nakaukit sa dilim
binabalik-balikan, palihim
umaasa nang mataimtim
nawa'y bumalik sa takipsilim

hangal mang maituturing
alaalang matagal nang nakalibing
ay muling bubuhayin, sinungaling
eksena, alaala, nakakahumaling

natapos na ang ulan
maaari na bang tumahan
magpahinga't lumaya nang marahan
upang mabitawan, panandalian
Hiraya ng Pag-ibig

— The End —